16/05/2022
[UNITY STATEMENT]
Sara Duterte, hindi edukador! Titser dapat ang DepEd Secretary!
Hindi pa man nahahalal, noong Mayo 11 ay inanunsyo ng magnanakaw at sinungaling na si Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang planong italaga bilang sekretarya ng Department of Education (DepEd) ang running mate na si Sara Duterte. Sa panahong nasasadlak ang bansa sa sistematikong disimpormasyon at pagbabaluktot ng kasaysayan na dulot ng makinarya ng mga Marcos, isa itong tahasan at tuluyang pagsira sa kasalukuyan nang nabubulok na sistema ng edukasyon.
Noon pa man ay may kasalatan na ang pinatutupad na kurikulum sa pagmumulat ng mga estudyante sa tunay na kalagayan at danas ng lipunang kanilang ginagalawan. May mataas na pagpapahalaga sa mga asignatura gaya ng Math, Science, at English, habang naisasantabi ang mga subject na gaya ng Filipino at Araling Panlipunan. Sa pagbabago rin ng sistema ng edukasyon patungong K-12, inalis ang kasaysayan ng Pilipinas bilang isa sa mga paksang itinuturo sa sekondarya. Bukod pa rito, kinahaharap din ng sektor ng edukasyon ang malawakang kakulangan sa mga g**o, klasrum, pasilidad, at iba pang kagamitang kinakailangan sa ikauunlad ng pagkatuto ng lahat ng mag-aaral. Lahat ng suliraning ito ay lalo pang pinatindi ng pandemya at labis na kapabayaan ng gobyerno.
Sa nakaraang dalawang taon, napilitang mag-shift sa remote learning setup ang buong mundo sa pagkalat ng COVID-19 virus. Maraming kabataan ang nahirapang sumabay sa pagbabagong ito sanhi ng kakulangan sa gadget at maayos na internet connection. Tumaas ang dropout rates. Marami sa ating kaguruan ay apektado rin dahil sa tambak na workload. Sa kasagsagan ng mga suliraning ito ay kawalan ng karampatang ayuda at pagresponde mula sa gobyerno. Ang nire-report na tagumpay ng DepEd ay pawang pagbubulag-bulagan sa dinaranas na paghihirap ng sektor nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, na hindi kasalanan ni Sara Duterte ang nakapanlulumong lagay ng ating edukasyon. Ngunit ang kakulangan niya ng kaalaman at praktika sa larangan ng edukasyon, gayoon na rin ang kaniyang “peace and discipline” vision at pagnanais na ibalik ang Mandatory ROTC, ay mga patunay na hindi siya kwalipikado at karapatdapat sa naturang posisyon. Hindi naiiba ang pananaw at pamamalakad ni Sara Duterte sa kaniyang ama na kasalukuyang pangulo ng Pilipinas. Matatandaan ang kali-kaliwang panre-redtag ni Rodrigo Duterte sa mga state universities, ang banta ng pambobomba sa Lumad schools, ang sapilitang pagpapasara nito, at iba pang pamamasismo sa mga estudyante’t kaguruan.
Ang planong pagtatalaga kay Sara bilang DepEd secretary ng Marcos-Duterte tandem ay manipestasyon ng patuloy nilang pambabalahura sa kasaysayan ng Pilipinas. Noon pa man, aktibo nang binabaluktot ng mga makinarya ng pamilyang Marcos ang malagim na kasaysayan ng Martial Law. Isang diktadurang nag-ibang anyo at mas tumindi sa panahon ni Duterte. Ang kanilang inaasahang “pagkapanalo” sa nagdaang eleksyon ay bunga ng higit isang dekadang panloloko at pagpapakalat ng kasinungalingan. Nagawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang mga makinarya’t huwad na propaganda, at nais paigtingin sa pamamagitan ng panghihimasok sa pormal at impormal na moda ng pag-aaral. Nararapat nating tutulan ang tahasang pangyuyurak na ito sa ating karapatan sa isang de-kalidad at aksesibleng edukasyon.
Tutulan ang panunumbalik ng mga Marcos at pagpapatuloy ng mga Duterte sa kapangyarihan! Protektahan at ipaglaban ang ating karapatan sa edukasyon at makiisa sa malawak na hanay ng masa na lumaban at patuloy na lumalaban sa diktadurya nila Marcos at Duterte!
—--------------------------------------
Maging signatory ng aming Unity Statement! Para sa mga interesadong organisasyon at student formation, gawing sagutan lamang itong form: https://forms.gle/jchhrQrs2EWNiuMY7
SIGNATORIES (as of May 16, 2022):
Kabataan Partylist Rizal
Kabataan Partylist Southern Tagalog
Anakbayan Rizal
Jovenes Anakbayan Naga City
Panday Sining UPLB
Gabriela Youth Rizal
Gabriela Youth UPLB
Gabriela Youth UP Manila
AMA Student Union
The UPLB Com Arts Society
Delta Pi Omicron Sorority