30/04/2026
Tapos na ang Timbang ng Bayan exhibit. Wala na sa dingding ang mga obra, wala na sa glass panels ang cellophane, naka-empake na, nailigpit na, at tahimik na ulit ang silid. Pero hindi natatapos dito ang bigat na ibinahagi ng eksibit na ito.
Ang eksibit na ito bilang pag-alala at pagharap sa isang matagal nang katotohanan: na may mga tinig na hindi naisulat, may mga kamay na hindi pinahawak ng brotsa, at may mga kababaihang—lalo na mula sa uring anakpawis—na matagal nang isinisiksik sa sulok ng sining at kasaysayan.
Kaya kung nasaan man tayo ngayon—na nakakapagpinta, nakakapagpahayag—hindi ito simpleng pagkakataon lang. Pinaghirapan ito. Inangkin ito. Ipinaglaban ito ng mga kababaihang nauna sa atin. At dala-dala natin iyon sa bawat likhang ginagawa natin—hindi lang bilang artist, kundi bilang bahagi ng mas malawak na kwento ng kababaihang anakpawis.
Para kay Sis Gretchen, para sakanyang alaala na nanatili bilang presensya sa bawat likhang patuloy naming binubuo. Sa kanya, at sa lahat ng kababaihang patuloy na lumilikha at lumalaban, iniaalay ang pagpapatuloy ng eksibit na ito.
Ang Timbang ng Bayan Exhibit ay nagpapaalala na ang sining ay hindi hiwalay sa buhay. At habang patuloy ang pagbigat ng krisis sa lipunan—sa pagtaas ng presyo ng batayang serbisyo, sa pagtaas ng presyo ng langis, sa pribatisasyon, sa korapsyon—lalong nagiging mahalaga ang papel ng sining bilang daluyan ng pagkilos.
Natapos man ang eksibit, ngunit hindi parin tapos ang dahilan kung bakit ito nabuo.
Kaya malinaw ang pangangailangan na ipagpatuloy ito sa labas ng silid.
Dahil ang Timbang ng Bayan ay paninindigan. At hangga’t may kababaihang anakpawis na patuloy na binibitbit ang bigat ng mundo, patuloy din kaming lilikha kasama nila.
Mabuhay ang kababaihang anakpawis!
Mabuhay ang kababaihang alagad ng sining biswal!
Speech by: Ma'am Liza Ilagan
Edited by: Sis Denise Julliana Tumang
Prod by: EYSI BAGUIO🌺