01/05/2026
𝙈𝙐𝙇𝘼 𝙎𝘼 𝙋𝘼𝙈𝘼𝙉𝙏𝘼𝙎𝘼𝙉 𝙃𝘼𝙉𝙂𝙂𝘼𝙉𝙂 𝙎𝘼 𝙇𝘼𝙉𝙎𝘼𝙉𝙂𝘼𝙉, 𝙄𝙎𝙆𝙊𝙇𝘼𝙍 𝙉𝙂 𝘽𝘼𝙔𝘼𝙉, 𝙃𝘼𝙃𝘼𝙉𝘼𝙔 𝙆𝘼𝙎𝘼𝙈𝘼 𝘼𝙉𝙂 𝙈𝙂𝘼 𝙈𝘼𝙉𝙂𝘼𝙂𝘼𝙂𝘼𝙒𝘼!
Sumipa man ang presyo ng gasolina at mga bilihin, ngunit nananatili pa ring mababa ang sahod ng mga manggagawa!
Ang pasakit ng baon sa utang na ekonomiya ay tila permanente na, habang ang mga manggagawa ay nananatiling kontraktuwal!
Samantala, ang kabataang Pilipino ay patuloy na hinuhubog ng neoliberal na edukasyon upang maging lakas-paggawa lamang para sa ibang bansa.
Sa araw na ito ng mga manggagawa, nakikiisa ang UP Society of Human Settlements Planners sa lahat ng kontraktuwal na manggagawa, sa mga patuloy na pinagsasamantalahan ng ganid na kapitalista, at sa bawat manggagawang nagsusumikap sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya na nauugat sa hindi makamasang pagpaplano.
Naninindigan ang organisasyon na ang pagpaplano ay hindi lamang nakatuon sa pisikal na imprastruktura, kundi pati sa mga polisiyang direktang humuhubog sa kalagayan at seguridad ng mga manggagawang Pilipino. Higit pa sa nakikita, ang tunay na sukatan ng pagpaplano ay kung paano ito nararamdaman at naipapakita sa materyal na kondisyon ng mamamayan.
Sa kasalukuyan, patuloy na napipilitang magprotesta ang mga manggagawa para lamang ipaglaban ang makataong paggawa. Kamakailan, anim na araw na nagmobilisa ang hanay ng Glowhrain KMU – Kowloon House West Avenue chapter upang igiit ang makatarungang pasahod at pagbabalik ng service charges na matagal nang ipinagkakait sa kanila. Ipinakita ng laban na may tagumpay sa kolektibong pagkilos, ngunit malinaw rin na hindi dapat kailanganin ang rally kung tunay na pinangangalagaan ng mga umiiral na batas ang karapatan ng manggagawa. Sa loob mismo ng mga institusyon tulad ng UPLB, nananatiling suliranin ang kakulangan at paisa-isang paglalaan ng plantilla items, na nagbubunga ng patuloy na “No Work, No Pay” na kalagayan para sa mga kontraktuwal. Samantala, sa gitna ng krisis sa enerhiya, itinutulak ang mga polisiyang tulad ng 4-day work week na tila solusyon, ngunit sa realidad ay lalo lamang nagpapasan ng bigat sa mga manggagawang Pilipino nang hindi tinutugunan ang ugat ng problema.
Bilang mga tagaplano, tinututulan natin ang mga ganitong polisiyang hindi konsultatibo. Ang top-down na pagdedesisyon ay nananatiling hiwalay sa reyalidad ng mga nasa laylayan, at sa halip na magdulot ng ginhawa, lalo lamang nitong pinapalala ang kanilang paghihirap.
Kaya ngayong Araw ng mga Manggagawa, makatarungan ang paglabas sa lansangan at pakikiisa sa malawak na hanay ng uring manggagawa. Ipaglaban natin ang makamasang pagpaplano na nakaugat sa tunay na danas ng Pilipino. Hindi tayo titigil hangga’t ang plano ay hindi lamang nakasulat, kundi nararamdaman sa dignidad, seguridad, at makataong pamumuhay ng bawat manggagawa.
𝙐𝙍𝙄𝙉𝙂 𝙈𝘼𝙉𝙂𝙂𝘼𝙂𝘼𝙒𝘼, 𝙃𝙐𝙆𝘽𝙊𝙉𝙂 𝙈𝘼𝙋𝘼𝙂𝙋𝘼𝙇𝘼𝙔𝘼!
𝙎𝘼𝙃𝙊𝘿 𝙄𝙏𝘼𝘼𝙎, 𝙋𝙍𝙀𝙎𝙔𝙊 𝙄𝘽𝘼𝘽𝘼!
𝙀𝙉𝘿 𝙀𝙉𝘿𝙊 𝙉𝙊𝙒!