23/04/2026
“Bigat ng presyo.”
Hindi na ito simpleng reklamo, isa na itong karanasang dinadala ng maraming Pilipino araw-araw. May tensyon sa ibang bahagi ng mundo, at kahit malayo, ramdam agad ang epekto. Pagtaas ng presyo ng gasolina, sumisipa ang pamasahe, at sunod-sunod ang pagtaas ng bilihin—habang nananatiling mababa ang kita ng mga pilipino.
Papunta pa lang sa school o trabaho, marami na ang mentally drained kakaisip kung sapat pa ba ang baon. Ang jeepney driver, nagdadalawang-isip kung bibiyahe pa dahil baka diesel pa lang ay lugi na. Ang estudyante at manggagawa, nag-aalala kung may masasakyan pa kinabukasan. Hindi lang ito economic issue, isa rin itong mental health concern.
Kapag araw-araw mong pinipilit pagkasyahin ang limitadong budget, tuloy-tuloy ang stress. May anxiety sa susunod na bayarin, may pressure sa gastos, at may pangamba kung ano pa ang tataas bukas. Ipinapakita rin nito kung gaanong hindi handa ang bansa, dependent sa imported fuel, kulang sa safety nets, at kadalasang naghahabol sa krisis.
Ang “bigat ng presyo” ay hindi lang nasa resibo. Nasa pagod ng commuters, nasa pangamba ng jeepney drivers, at nasa tahimik na pagtitipid ng bawat pamilya.
Malayo man ang sigalot, malapit ang epekto—nasa bulsa natin, nasa biyahe natin, at higit sa lahat, nasa mental health ng bawat Pilipino.
Bigat ng presyo. Bigat ng isip. Bigat ng buhay.