09/04/2026
PAHAYAG NG UPM USC PARA SA ARAW NG KAGITINGAN
Ngayong ika-84 na Araw ng Kagitingan, kalakip ng pagbabalik-tanaw natin sa sakripisyo ng mga hukbong Pilipino na buong-tapang na humarap sa pwersa ng Hapones ay ang pagharap sa kasalukuyang patuloy na pagpapahirap ng imperyalismong Estados Unidos sa mga Pilipino.
Patuloy ang gerang agresyon ng US sa mga bansa tulad ng Iran, Venezuela, at Palestine upang kamkamin ang kanilang rekurso, ekonomikal at pulitikal na kapangyarihan, at tapakan ang kanilang soberanya.
Sa Pilipinas, pinapairal ng US ang kontrol nito sa pamamagitan ng hindi pantay na kasunduan tulad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Visiting Forces Agreement (VFA), at Mutual Defense Treaty (MDT) na nagpapahintulot sa paggamit ng ating lupa at sa pagpasok ng kanilang mga pwersa sa bansa.
Ngayong darating na Abril 20, sisimulan ang Balikatan Exercises, ang taunang joint military exercises ng Pilipinas at Estados Unidos, kung saan muling gagamitin ng tropang US ang lupain ng bansa upang isulong ang kanilang interes at gamitin ang ating mga rekurso bilang bahagi ng kanilang paghahanda sa nagbabadyang gera laban sa Tsina.
Matinding pinsala ang idinudulot ng imperyalistang US sa ating bansa. Nakagagambala ito sa hanapbuhay ng mga mangingisda, nakasisira sa karagatan, umaagaw ng lupa para sa mga baseng militar, nagpapalaganap ng karahasan laban sa kababaihan at kabataan, at kumukuha ng pondong nararapat ilaan sa batayang serbisyo.
Dagdag pa rito, ang agresyon ng US-Israel sa Iran ay nagtulak sa pagtaas ng presyo ng langis, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa buong mundo. Pinalalala pa ito ng Oil Deregulation Law sa ating bansa. Si Marcos Jr., bilang tuta ng US, ay hinahayaan lamang ito at umaasa sa mga panandaliang solusyon na ipinapasa pa ang bigat ng krisis sa mamamayan.
Pinatitibay ng patuloy na presensiyang militar ng US sa bansa ang kontrol nito sa ating mga patakaran at kinabukasan. Bilang kabataan, nararapat tayong makialam. Hindi nalalayo ang ating karanasan sa ibang bansa na nilulumpo ng imperyalismong US. Hindi malabong maiipit ang bansa sa mga taktika nitong sumasagka sa ating kinabukasan.
Mariing kinukundena ng UP Manila University Student Council ang imperyalismo at gerang agresyon ng US-Israel sa buong mundo. Nanawagan kami na ibasura ang EDCA, VFA, at MDT, at itigil ang Balikatan Exercises. Kailanman ay hindi ito nagsilbi sa interes ng masang Pilipino, bagkus ay sa mga naghaharing uri tulad nina Marcos Jr. at Duterte. Hinahanda tayo nito sa isang gerang magpapahirap lamang sa atin.
Mga kabataan, tumungo tayo sa lansangan sa darating na Abril 28, anibersaryo ng pagpirma ng EDCA, alas-10 ng umaga sa Senate of the Philippines para sa March for Peace upang ipakita ang ating pagtindig laban sa imperyalismo na nagpapahirap sa buong daigdig.
Palayasin ang mga tropang militar ng US! Itigil ang Balikatan Exercises!
Ibasura ang EDCA, VFA, at MDT!
Marcos Jr., tuta ng imperyalismong US!
Labanan ang pasismo!
Imperyalismo, ibagsak!