12/11/2024
Susuriin ng panel na ito ang tradisyon ng subli sa Barangay Pook, Agoncillo, Batangas, batay sa ginawang fieldwork ng klaseng MuL 192 (Field Methods) noong Mayo 2024. Gamit ang "4 Components of a Music Culture" ni Jeff Todd Titon bilang balangkas, sinuri ng pananaliksik ang subli bilang isang penomenon na may iba’t-ibang anyo o multifaceted na sumasaklaw sa ritwal, panata, laro, pakikipagkapwa-tao, at pagpapahayag ng teksto.
Ilalahad ng panel ang kanilang natuklasan sa organisasyong panlipunan (Erika Honrade), sistema ng paniniwala (Jose Ignacio Mirabueno), repertoryo at sistema ng pag-aaral ng sayaw at tugtugin (Nikki Zen Obmasca), at kulturang materyal (Dominic Joseph Trinidad), batay sa mga naobserbahan sa isang selebrasyon ng ika-pitong taong kaarawan, at sa Grand La Paz, ang malaking taunang pagtitipon ng mga manunubli sa Agoncillo. Magbibigay ang presentasyon ng masaganang datos mula sa mga litrato, bidyo, panayam sa mga tagasanay, at pagsusuri ng teksto ng mga kanta at panalangin. Tatalakayin ang ugnayan ng pananampalataya, dinamika ng lipunan, artistikong pagpapahayag, at mga bagay at kagamitan sa pagbubuo at pagpapanatili ng buhay na tradisyong ito.
Iniimbitahan ang lahat.