04/03/2026
Ika-4 ng Marso, 2026
PAHAYAG NG MATINDING PAGKONDENA, PAKIKIRAMAY, AT MATATAG NA PANININDIGAN SA BATAS AT DIGNIDAD
Kami, ang Triskelion Order of Pasig Grand Council, sa ilalim ng pamamatnugot ng Tau Gamma Phi Global (TGPG), ay mariin at buong lakas na kinokondena sa pinakamataas na antas ang kamakailang pangyayaring nag-ugnay sa pangalan ng ating minamahal na Kapatiran sa pagkamatay ng isang biktima ng “HAZING” sa Cavite. Ang ganitong karahasan at kawalang-puso ay tahasang salungat sa mga pinahahalagahan ng Kapatiran, paggalang sa buhay, dignidad ng tao, at tunay na pagkakapatiran.
Mariin naming itinatatwa na ang anumang anyo ng “hazing”, pananakit, pananakot, o lihim na ritwal ay bahagi ng aming doktrina o gawain. Ang sinumang kumikilos sa labag sa batas at konsensiya ay hindi kumakatawan sa aming organisasyon at dapat managot sa buong bigat ng batas.
Bilang isang konseho na may malinaw at matibay na paninindigan, buo at walang pasubaling sinusunod ng Triskelion Order of Pasig Grand Council ang Republic Act No. 11053 (Anti-Hazing Act of 2018) at ang “No Contact Policy” (NCP). Ang NCP ay patuloy na inaangkop at pinagtitibay alinsunod sa mga alituntunin at pagpapahalagang itinakda at inaprubahan ng aming mga “Founding Fathers” at ng “Mother Chapter (UP Diliman)”. Ito ang aming malinaw na pamantayan, walang lihim, walang dahas, at walang kompromiso sa batas.
Sa sandaling ito ng dalamhati, taos-puso naming ipinapaabot ang aming pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ng biktima. Walang salitang sapat upang tumbasan ang kanilang pagdadalamhati. Nawa’y makatagpo sila ng lakas, katarungan, at kapayapaan sa gitna ng napakalaking pagkawala.
Kasabay nito, hinihiling at iginigiit namin na manaig ang katarungan, walang kinikilingan at walang kompromiso. Ang katotohanan ay dapat lumitaw, at ang pananagutan ay dapat ipataw ayon sa batas. Ang kapatiran ay mananatiling katuwang ng mga awtoridad sa paghahanap ng katotohanan at sa pagpapatupad ng hustisya.
Sa huli, inuulit namin ang aming panata: ang tunay na kapatiran ay nagtatanggol sa buhay, sumusunod sa batas, at kumikilos nang may dangal. Hindi namin hahayaan na dungisan ng karahasan ang pangalan ng Kapatirang Tau Gamma Phi. Kami ay mananatiling matatag para sa katarungan, at para sa isang kapatirang tunay na makatao.