21/09/2026
๐๐๐ ๐๐๐๐ง๐ข. ๐๐๐ ๐ก๐๐จ๐ก๐ฌ๐๐ก. ๐๐๐ ๐ก๐๐ก๐๐๐๐.
Limampu't apat na taon na mula nang idineklara ni Marcos Sr. ang Batas Militar, ang panahon ng pagdukot, pagtortyur, at pagpatay sa mga naglakas-loob kumontra. Sinabi noon na "kailangan" ito para sa kaayusan at para sa bayan. Pero ang totoo, ginamit lang ito bilang dahilan upang patahimikin ang sinumang tumutol, at protektahan ang mga nasa kapangyarihan sa halip na ang mga mamamayan.
Bakit natin ito dapat alalahanin? Dahil ang paglimot ay isang uri ng pagpayag. Kapag hinayaan nating kumupas ang alaala ng Batas Militar, mas madali para sa kasaysayan na ulitin ang sarili nito nang walang sinumang mananagot. At makikita natin ito sa sari-saring paraan sa kasalukuyan. Sa mga opisyal na nakakatakas sa batas at "protektado" ng mga makapangyarihan, sa mga imbestigasyong walang katapusan pero walang napapanagot, sa mga proyektong pinondohan ng ating buwis pero hindi kailanman natatapos nang tama habang lumulubog ang mga komunidad sa baha. Iba't ibang mukha, pero pareho ang sistema: isa na dinisenyo upang protektahan ang sarili nito sa halip na maglingkod sa bayan.
Kaya't ang pag-alala sa Batas Militar ay hindi lamang tungkol sa nakaraan, ito ay tungkol sa pagkilala sa mga kabaluktutan na patuloy na umiiral, at sa pagtanggi na hayaang maulit ang kasaysayan sa ibang anyoโkawalan ng regular na trabaho, tumataas na presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin, patuloy na red-tagging sa mga aktibista, at pagsupil sa mga mamamahayag. Ang bawat isa ay paalala na ang laban ay hindi pa tapos, bagkus kailangang magpatuloy.
Alalahanin natin ang mga biktima ng Batas Militar, ang mga pamilyang hanggang ngayon ay naghahanap ng katarungan, at bawat Pilipinong pinapatahimik ng gutom, kawalan ng trabaho, o maging takot. Huwag tayong makakalimot, hindi dahil sa nakaraan na ito, kundi dahil ang paglimot ang unang hakbang tungo sa muling pag-ulit nito.