14/05/2026
OPISYAL NA PAHAYAG NG PUP COLLEGE OF ARCHITECTURE, DESIGN, AND THE BUILT ENVIRONMENT STUDENT COUNCIL SA ICC CASE NI BATO DELA ROSA, IMPEACHMENT NI SARA DUTERTE, AT INSIDENTE NG PAMAMARIL SA LOOB NG SENADO
Kagabi, malinaw na nasaksihan ng mga mamamayang Pilipino, kung ano nga ba ang kayang gawin ng mga taong nasa posisyon gaya ni Ronald "Bato" Dela Rosa para sa mapanatili ang kanilang kapangyarihan.
Muling naging entablado ang senado para sa palabas upang mabaling ang atensyon ng mga mamamayan sa tunay na isyu na kinakaharap ng bansa. Sa likod ng putukan at gulo, may organisado na pag kilos ang mga taong may kapangyarihan na muli nanamang nagtataas sa kanilang sariling interes.
Nakakahiya isipin na mga mambabatas mismo ang nagpupumilit na takbuhan ang batas. Isang patunay na mali at nabubulok ang sistema na meron ang Pilipinas. Malinaw na inililihis at pinatatagal ang proseso ng pag aresto kay Bato at tinatawag na "due process", proseso na ipinagkait sa mga biktima niya at ng mga Duterte sa extrajudicial killings.
Bilang mga taga-disenyo ng bayan, naninindigan tayo na ang pananagutan ay hindi lamang dapat hinihingi sa ordinaryong mamamayan kundi lalong-lalo na sa mga taong nasa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. Mariin nating iginiit na dapat harapin ni Sara Duterte ang impeachment process nang may buong transparency at pananagutan sa sambayanang Pilipino.
Hindi bulag ang kabataan. Hindi p**i ang mamamayan. Ang bawat pagharang sa katotohanan, bawat pagbaluktot sa batas, at bawat pagtatanggol sa mga makapangyarihan ay malinaw nating nakikita at itinatala sa kasaysayan. Ang Senado ay hindi dapat maging kanlungan ng mga takot managot, kundi tanggulan ng hustisya at tinig ng sambayanan.
Sa gitna ng lahat ng ito, nananatiling buhay ang diwa ng paglaban. Sapagkat ang demokrasya ay hindi lamang umiiral sa loob ng mga bulwagan ng gobyerno. Ito ay nananahan sa lansangan, sa mga paaralan, sa hanay ng manggagawa, magsasaka, at kabataang patuloy na tumitindig para sa bayan.
Sa panahon ngayon, hindi sapat ang manatiling tahimik habang lantaran na minamanipula ang batas at ginagamit ang kapangyarihan upang protektahan ang mga dapat managot. Ang tunay na serbisyo publiko ay hindi nasusukat sa impluwensya o sa kakayahang umiwas sa pananagutan, kundi sa katapatan at paninindigan para sa mamamayan.
Kaya patuloy nating ipapaalala na ang kasaysayan ay hindi nakakalimot. Ang bawat pang-aabuso, bawat pagbaluktot sa katotohanan, at bawat pagtatangkang patahimikin ang mamamayan mulat sa katotohanan ay mananatiling marka ng isang sistemang matagal nang pinapaboran ang makapangyarihan.
Ngunit sa kabila nito, nananatili tayo na naniniwala sa lakas ng kolektibong pagkilos. Hangga't may mga mamamayang handang manindigan, magsalita, at lumaban para sa katotohanan, mananatiling buhay ang diwa ng demokrasya.
Patuloy tayong makikiisa sa panawagan para sa hustisya, transparency, accountability, at tunay na paglilingkod sa sambayanan. Sapagkat ang gobyerno ay dapat nagsisilbi sa mamamayanโhindi sa interes ng iilan.