10/05/2026
𝐀𝐧𝐠 𝐏𝐚𝐠𝐩𝐚𝐬𝐥𝐚𝐧𝐠 𝐤𝐢𝐧𝐚 𝐀𝐧𝐝𝐫𝐞𝐬 𝐚𝐭 𝐏𝐫𝐨𝐜𝐨𝐩𝐢𝐨 𝐁𝐨𝐧𝐢𝐟𝐚𝐜𝐢𝐨 𝐬𝐚 𝐌𝐚𝐫𝐚𝐠𝐨𝐧𝐝𝐨𝐧, 𝐂𝐚𝐯𝐢𝐭𝐞
Ngayong araw, 𝑴𝒂𝒚𝒐 𝟏𝟎, 𝟐𝟎𝟐𝟔, ginugunita ang 𝐢𝐤𝐚-𝟏𝟐𝟗 𝐧𝐚 𝐚𝐧𝐢𝐛𝐞𝐫𝐬𝐚𝐫𝐲𝐨 ng pagpaslang kina 𝐀𝐧𝐝𝐫𝐞𝐬 𝐁𝐨𝐧𝐢𝐟𝐚𝐜𝐢𝐨, ang kinikilalang 𝐀𝐦𝐚 𝐧𝐠 𝐑𝐞𝐛𝐨𝐥𝐮𝐬𝐲𝐨𝐧 𝐬𝐚 𝐏𝐢𝐥𝐢𝐩𝐢𝐧𝐚𝐬, at sa kaniyang kapatid na si 𝐏𝐫𝐨𝐜𝐨𝐩𝐢𝐨 𝐁𝐨𝐧𝐢𝐟𝐚𝐜𝐢𝐨 sa 𝐌𝐚𝐫𝐚𝐠𝐨𝐧𝐝𝐨𝐧, 𝐂𝐚𝐯𝐢𝐭𝐞. Bilang tagapagtatag ng 𝐊𝐚𝐭𝐢𝐩𝐮𝐧𝐚𝐧, nananatiling mahalagang bahagi ng pambansang kasaysayan si Bonifacio, at ang kaniyang kamatayan ay isa sa pinakamabigat at pinakamapait na yugto ng Himagsikang Pilipino.
Habang nakakulong sina Andres at Procopio, isinumite ni 𝐇𝐞𝐧𝐞𝐫𝐚𝐥 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐚𝐧𝐨 𝐍𝐨𝐫𝐢𝐞𝐥 kay 𝐄𝐦𝐢𝐥𝐢𝐨 𝐀𝐠𝐮𝐢𝐧𝐚𝐥𝐝𝐨 ang ulat hinggil sa pagkakadakip sa magkapatid. Noong 𝑨𝒃𝒓𝒊𝒍 𝟐𝟗, 𝟏𝟖𝟗𝟕, ipinasa ni Aguinaldo ang kaso sa Konseho ng Digmaan upang isailalim sa paglilitis. Kaugnay nito, itinalaga si 𝐊𝐨𝐫𝐨𝐧𝐞𝐥 𝐏𝐞𝐝𝐫𝐨 𝐋𝐢𝐩𝐚𝐧𝐚 bilang Judge Advocate at si 𝐌𝐚𝐣𝐨𝐫 𝐋𝐚𝐳𝐚𝐫𝐨 𝐌𝐚𝐤𝐚𝐩𝐚𝐠𝐚𝐥 bilang kalihim, kasama ang iba pang opisyal na inatasang tumulong sa proseso ng pagdinig at paglilitis.
Sa isinagawang paglilitis, mariing itinanggi ni Bonifacio ang mga kasong 𝐩𝐚𝐠𝐭𝐚𝐭𝐚𝐤𝐬𝐢𝐥, 𝐬𝐞𝐝𝐢𝐬𝐲𝐨𝐧, at 𝐤𝐨𝐧𝐭𝐫𝐚-𝐫𝐞𝐛𝐨𝐥𝐮𝐬𝐲𝐨𝐧 at ipinahayag ang kaniyang kawalang-sala. Gayunman, malinaw sa mga tala na ang paglilitis ay nabalot ng matinding pagkiling at impluwensiya ng rehiyonalismo. Noong 𝑴𝒂𝒚𝒐 𝟓, 𝟏𝟖𝟗𝟕 (Chua, M. C. & Ramos, J. R., 2019), hinatulan ng hukumang militar na nagkasala ang magkapatid at inirekomenda ang hatol na 𝐤𝐚𝐦𝐚𝐭𝐚𝐲𝐚𝐧.
Pagkaraan nito, ipinasa ang mga papeles kay 𝐇𝐞𝐧𝐞𝐫𝐚𝐥 𝐁𝐚𝐥𝐝𝐨𝐦𝐞𝐫𝐨 𝐀𝐠𝐮𝐢𝐧𝐚𝐥𝐝𝐨. Noong 𝑴𝒂𝒚𝒐 𝟖, 𝟏𝟖𝟗𝟕, ipinaabot niya kay 𝐏𝐚𝐧𝐠𝐮𝐥𝐨𝐧𝐠 𝐄𝐦𝐢𝐥𝐢𝐨 𝐀𝐠𝐮𝐢𝐧𝐚𝐥𝐝𝐨 na hinatulang nagkasala ang magkapatid at nasa pangulo na ang pinal na pasiya sa kanilang hatol. Sa una, pinili ni Emilio Aguinaldo na ipatapon na lamang ang magkapatid sa Pico de Loro. Ngunit nang malaman ito nina 𝐇𝐞𝐧𝐞𝐫𝐚𝐥 𝐌𝐚𝐫𝐢𝐚𝐧𝐨 𝐍𝐨𝐫𝐢𝐞𝐥 at 𝐇𝐞𝐧𝐞𝐫𝐚𝐥 𝐏𝐢𝐨 𝐝𝐞𝐥 𝐏𝐢𝐥𝐚𝐫, nakiusap sila kay Aguinaldo na huwag baguhin ang naging pasiya ng hukuman. Iginiit nilang hindi kakayanin ng rebolusyon ang higit pang pagkakahati sa panahong patuloy ang pananalakay ng mga Espanyol sa teritoryo ng mga rebelde. Dahil dito, pinairal muli ang hatol na kamatayan laban kina Andres at Procopio Bonifacio.
Noong umaga ng 𝑴𝒂𝒚𝒐 𝟏𝟎, 𝟏𝟖𝟗𝟕, inatasan ni 𝐇𝐞𝐧𝐞𝐫𝐚𝐥 𝐍𝐨𝐫𝐢𝐞𝐥 si 𝐌𝐚𝐣𝐨𝐫 𝐋𝐚𝐳𝐚𝐫𝐨 𝐌𝐚𝐤𝐚𝐩𝐚𝐠𝐚𝐥 na isakatuparan ang sentensiya. Dinala ang magkapatid sa 𝐌𝐚𝐫𝐚𝐠𝐨𝐧𝐝𝐨𝐧, at doon binuksan at binasa ang nakaselyadong utos na nagpapatibay sa kanilang hatol na kamatayan. Nagyakapan ang magkapatid bago isagawa ang sentensiya. Unang dinala si Procopio sa isang hiwalay na lugar at doon pinaslang. Nang balikan naman si Andres, nagtangka siyang tumakas, ngunit siya ay binaril at pinaslang. Kalaunan, inilibing siya sa isang mababaw na hukay sa kabundukan.
Ayon kay 𝐀𝐦𝐛𝐞𝐭𝐡 𝐑. 𝐎𝐜𝐚𝐦𝐩𝐨, may dokumentong isinulat ni Emilio Aguinaldo noong 𝟏𝟗𝟒𝟖 na naglalaman ng kaniyang paliwanag hinggil sa pagpapatupad ng hatol na kamatayan kina Andres at Procopio Bonifacio, ngunit binigyang-diin din niya ang naging panggigipit at impluwensiya ng ilang heneral, kabilang sina Noriel at Del Pilar, sa kaniyang naging pasiya. Sa kaniyang paliwanag, pinangambahan na kung mananatiling buhay si Bonifacio, maaari itong magdulot ng higit pang pagkakahati sa loob ng rebolusyon o humantong sa panibagong pag-aaklas laban sa pamahalaang rebolusyonaryo.
Sa paggunita sa kamatayan nina Andres at Procopio Bonifacio, hindi lamang natin binabalikan ang isang trahedya sa loob ng himagsikan, kundi pati ang halaga ng 𝐩𝐚𝐠𝐤𝐚𝐤𝐚𝐢𝐬𝐚, 𝐤𝐚𝐭𝐚𝐫𝐮𝐧𝐠𝐚𝐧, at 𝐩𝐚𝐧𝐚𝐧𝐚𝐠𝐮𝐭𝐚𝐧 sa gitna ng pakikibaka para sa bayan.
Mga Sanggunian:
Agoncillo, T. (1962, May). The trial and death of Bonifacio. Panorama, 14(5), 83–89. https://repository.mainlib.upd.edu.ph/omekas/s/rare-periodicals/media/196761
Chua, M. C. & Ramos, J. R. (2019). Bayani biographies: Andres Bonifacio. St. Matthew's Publishing Corporation.
Library of Congress. (n.d.). Andrés Bonifacio. In World of 1898: International perspectives on the Spanish-American War. https://guides.loc.gov/world-of-1898/andres-bonifacio
Ocampo, A. R. (2019, February 20). Aguinaldo on the death of Bonifacio. Inquirer Opinion. https://opinion.inquirer.net/119665/aguinaldo-on-the-death-of-bonifacio
Pino, G. (2018, May 11). Bonifacio siblings’ historical role featured in Cavite museum. Philippine News Agency. https://www.pna.gov.ph/articles/1035025
Sumulong, L. (2021, November 30). Bonifacio’s death and historical decolonization: Revisiting, but not revising, history. PeaceBuilders Community. https://peacebuilderscommunity.org/2021/11/bonifacios-death-and-historical-decolonization-revisiting-but-not-revising-history/
Saliksik ni Nicole Aguilando
Kapsyon ni Dwayne Angelo Misa
Likhang Larawan ni Eiko Carol Prane
Iniwasto ni John Daveen Luneta
𝗥𝗘𝗦𝗘𝗔𝗥𝗖𝗛 𝗔𝗡𝗗 𝗣𝗨𝗕𝗟𝗜𝗖 𝗥𝗘𝗟𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡𝗦 𝗖𝗢𝗠𝗠𝗜𝗧𝗧𝗘𝗘