04/10/2026
||𝐏𝐬𝐲𝐜𝐡 𝐒𝐭𝐮𝐝𝐞𝐧𝐭 𝐒𝐩𝐨𝐭𝐥𝐢𝐠𝐡𝐭: 𝐖𝐡𝐞𝐫𝐞 𝐌𝐢𝐧𝐝𝐬 𝐖𝐫𝐢𝐭𝐞
Hindi Kahinaan Ang Pag Papakita Ng Emosyon
Sa mundong hitik sa kulay, ingay, at mapagpanggap na maskara, natutunan nating pintahan ang ating mga labi ng ngiti kahit ang puso natin ay matagal nang kupas at pagod. Bawat hakbang ay tila nasa entablado, bawat araw ay isang palabas na kailangan nating tapusin kahit ayaw na natin. Tayo'y gumaganap bilang "masaya," bilang "okay lang ako," kahit sa likod ng mga matang pilit kumikislap ay may mga luhang tahimik, mabigat, at palihim na dumadaloy. Sa mundong ito, ang lungkot ay itinatago na parang isang kasalanan, habang ang saya ay isinusuot na parang kasuotang pilit pinagkakasya sa katawan kahit hindi naman akma.
May mga maskarang kumakapit na sa ating balat makukulay, magaganda, perpekto sa paningin ng iba. Hinahangaan nila ang ating anyo, ngunit hindi nila nakikita ang bigat sa likod nito. Ngunit sa tuwing tayo'y nag-iisa, sa katahimikan ng gabi, doon lamang natin naririnig ang tunay at dalisay na tinig ng ating damdamin. Sapagkat ang emosyon ay hindi kailanman kahinaan; ito ang tibok, ito ang patunay na tayo ay buhay at marunong magmahal, masaktan, at mangarap. Ang bawat bitak sa ating ngiti, ang bawat lamat sa ating tawa, ay paalala na tayo'y tao hindi dekorasyon, hindi palamuti, at hindi tau-tauhan lamang sa malawak na entablado ng mundo.
At minsan, dumarating sa punto na pakiramdam natin ay para na tayong nakaposas magkakadugtong, nakatali sa mataas na inaasahan ng lipunan, nakakulong sa takot na hindi tayo tanggapin kung sino talaga tayo. Nakatanikala tayo sa ideya na dapat laging maliwanag ang ating mukha, na dapat laging matatag, at bawal mapagod. Ngunit darating ang sandali na mapapagod ka sa pagkukunwari.
At sa sandaling piliin nating maging totoo, kahit nanginginig, kahit hindi perpekto, kahit basag ang boses doon unti-unting nalalaglag ang maskara. Doon kumakalansing at tuluyang napuputol ang posas na matagal nang pumipigil sa atin. At sa pagkalas na iyon, doon natin unang malalanghap ang tunay na hangin ng paglaya. Hindi na tayo gumaganap. Sa wakas, tayo na mismo.
Written by: Shean Ian Almondia | 1st Year Psychology Student
Other Story Articles: on IG