10/08/2026
PABATID: Ipinababatid ng Komite ng Pista ng mga Wika 2026 na ipagpapaliban muna ang gawaing Mga Panayam sa Wika at Impormasyon na nakaiskedyul bukas, 11 Agosto, dahil po sa hindi bumubuting panahon. Humihingi ang Komite ng inyong pag-unawa tungkol dito. Ipababatid po ang bagong petsa ng gawain sa lalong madaling panahon. Nawa'y manatili pong ligtas ang lahat at palaging mag-ingat.
Sulong! Wikang Filipino at mga Wika ng Hilagang Luzon:
Wika ng Katotohanan sa Panahon ng Disimpormasyon
Nasalungguhitan sa mga pangyayari sa bansa at mundo nitong mga nakaraang taon ang pagkalat ng impormasyon. Nariyan ang impormasyong mula sa mga institusyong panlipunan gaya ng pamahalaan, militar, unibersidad, mga relihiyon, at midya. Sa patuloy na pag-unlad at paglaganap ng teknolohiya at social media, inuulan din tayo ng iba’t ibang impormasyon tungkol sa mga sakit, baha, krudo, kuryente, korapsiyon, digmaan, at genocide, kasabay ang iba’t ibang dance challenge, prank, trend, at vlog tungkol sa pang-araw-araw na buhay ng isang mamamayan sa ika-21 siglo.
Ang ganitong paglaganap ng impormasyon ay naisasagawa dahil sa wika na maaaring hubugin at iangkop sang-ayon sa hinahangad ng nagpapalaganap: maglantad o magkubli ng katotohanan, pabulaanan o lalo pang pasidhiin ang kasinungalingan, nang hindi sinasadya o walang kamalayan. Mahalaga sa pagdalumat ng ganitong diskurso kapwa ang paggamit at pagkonsumo ng wika. Samahan ang Kolehiyo ng Sining at Komunikasyon ng Unibersidad ng Pilipinas Baguio sa pag-aambag sa unawa natin sa buhay ng impormasyon! Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto, inilulunsad ang PISTA NG MGA WIKA 2026 na mayroong temang “Sulong! Wikang Filipino at mga Wika ng Hilagang Luzon: Wika ng Katotohanan sa Panahon ng Disimpormasyon”.
Inaanyayahan ang mga mag-aaral, g**o, kawani, alumni, at iba pang interesadong indibidwal at organisasyon na dumalo sa mga gawain ng Pista:
🎤 Mga Panayam sa Wika at Impormasyon | 11 Agosto 2026 (Martes) 1:00-3:00 n.h.
Ano ang halaga ng mga wika sa Panahong Digital (Digital Age) at Panahon ng Impormasyon (Information Age) sa Hilagang Luzon? Pakinggan ang mga panayam nina Kat. Prop. Leia Castro-Margate ng Departamento ng Komunikasyon at Pio Verzola Jr. ng Northern Dispatch at makilahok sa talakayan tungkol sa pamamahayag, disimpormasyon, at katotohanan sa pambungad na gawain ng PISTA.
🎓 Katotohanan sa mga Disiplina: Roundtable na Talakayan | 14 Agosto 2026 (Biyernes) 1:00-3:00 n.h.
Paano binibigyang-katuturan at/o dinadalumat ang “katotohanan” sa inyong disiplina o larang? Ano ang mga usapin o isyung madalas ninyong kinahaharap sa pagdalumat ng “katotohanan”? Makilahok sa talakayan nina Prop. Charita A. Delos Reyes para sa Kasaysayan, Kat. Prop. Dennis V. Gutierrez para sa Komunikasyong Pangbrodkast, at Kaw. Prop. Rozel S. Balmores-Paulino para sa Sikolohiya tungkol sa usapin ng “katotohanan” sa mga larang na akademiko at panlipunan.
🎨 Bahaginan ng mga Proyekto sa Wika, Midya, at Impormasyon | 19 Agosto 2026 (Miyerkules) 1:00-3:00 n.h.
Bilang venue sa pagbabahagi ng mga awtput ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang asignatura gaya ng WIKA 1, BLL 115, ARTS 1, at Komunikasyong Pangbrodkast, makinig sa maiikling pagbabahagi ng ilang piling proyekto gaya ng dokumentaryo, bidyo, infographic, at marami pang iba!
✒️ Mini-Palihan: Paano Kilalanin ang Misimpormasyon at Disimpormasyon? | TBA
May hiwalay na paskil na maglalaman ng impormasyon tungkol sa rehistrasyon para sa palihan.
✒️ Mini-Palihan: Paggamit ng mga Sanggunian at mga Estilo ng Citation | TBA
May hiwalay na paskil na maglalaman ng impormasyon tungkol sa rehistrasyon para sa palihan.