25/09/2026
πππππππ‘ | Integrasyon ng AI sa wikang Filipino, pinatining sa TINDIG β26
Pinanday ng Opisina ng Kultura at Sining, kasama ang Sentro ng Wika at Kultura, Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), at Teacher Education Society on Language and Communication ang kamalayan ng Red Spartans sa wikang Filipino sa makabagong panahon sa katatapos lamang na TINDIG: Pangwikang Pagpaplano at Patimpalak, kahapon.
Angkla sa inilabas na tema ng KWF para sa selebrasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026, βWikang Filipino at Artificial Intelligence (AI): Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon,β nagsilbing kalipunan ng mga aktibidad ang nasabing paligsahan na layong pagbigkisin ang wika at teknolohiya.
Ipinunto ni Asst. Prof. Mark Magsino, direktor ng Opisina ng Kultura at Sining, na ang kaluluwa at damdamin ng isang manunulat ay hindi kailanman mapapalitan ng AI, habang mahalaga ang pagbuo ng pamamaraan para sa responsableng paggamit nito.
βAng AI ay kasangkapan lamang, pero ang tanging may kapangyarihang magparamdam at magparating ng mensahe ay tao pa rin. Tayo, bilang mga katuwang ng KWF, ay nakikiisa sa panawagang ito at isa rin tayo sa mga institusyon na sumusuporta sa pag-develop ng mekanismo para sa matalinong paggamit ng AI,β aniya.
Nilinaw din ni Magsino na bagaman ginanap sa buwan ng Setyembre ang patimpalak para sa buwan ng wikang pambansa na ginugunita tuwing Agosto, ang mga gawain na nagpapalaganap ng kapakinabangan at pagyabong ng wika at kultura ay naging mandato ng pamantasan na isagawa buong taon.
βGusto kong bigyang-diin na ang selebrasyon ng Buwan ng Wika ay Agosto. Gayunpaman, ang mga gawain na magpapalaganap ng kahalagahan at promosyon ng wika at kultura, ito ay mandato ng ating pamantasan na gawin hindi lang tuwing Agosto, kundi maging buong taon ay magsasagawa tayo ng mga ganitong gawain,β dagdag pa niya.
Nagtunggalian ang mga kalahok mula sa mga kampus ng Pablo Borbon, Alangilan, ARASOF-Nasugbu, JPLPC-Malvar, at Lipa sa mga patimpalak gaya ng pagsulat ng sanaysay, pagsasalin, talumpati, oratoryo, deklamasyon, at pagkukuwento, kung saan nakatakdang kumatawan ang mga nagkamit ng karangalan bilang representante ng pamantasan sa pangrehiyon at pangnasyonal na kompetisyon.
ulat nina Althea Dotig at Leandro Guerra
kuha nina Julienne Recto at Eirvyne Talban