28/08/2026
Agosto 27, 2026 — Isinagawa ang “Salu-Salo” bilang paggunita sa Buwan ng Wika 2026, kung saan ang bawat pangkat ay naghanda ng masasarap at malinamnam na mga pagkaing Pilipino na sinamahan ng mahuhusay na presentasyon at mga kamangha-manghang dekorasyon sa loob ng bawat silid. Ganap na ika-10 ng umaga nang magsimula ang mga g**o at mga hurado na sina Ginoong Mark Arvin Gaudiano, Ginang Marife Noriega at Ginang Jenelle Mayo na baybayin ang bawat pangkat ng Grade 11 upang masaksihan at masubukan ang naging resulta ng masigasig na paghahanda ng mga estudyante.
Unang pinuntahan ng mga judges ang Grade 11 HE, kung saan agad silang nakatanggap ng mainit at masiglang pagbati mula sa mga mag-aaral. Sinundan naman ito ng mahusay at maayos na presentasyon mula sa kanilang mga kinatawan, na buong kumpiyansang ipinakita ang konsepto at mga inihandang pagkain ng kanilang pangkat. Matapos ang presentasyon, sinimulan na ng mga g**o at hurado na tikman ang iba’t ibang pagkain na inihanda at inihain ng section. Habang ang ilan ay abala sa pagtikim at pagsusuri ng mga pagkain, sinubukan din ng iba ang photobooth na kanilang ikinatuwa at naging dagdag katuwaan ng kanilang pagbisita.
Sumunod ang malikhaing presentasyon ng ABM 11, na kapansin-pansin sa kanilang kumpiyansa at husay sa pagbati at pagpapakilala. Nariyan din ang mala-history-lesson na pagbati ng STEM 2, na nagbigay ng kakaibang paraan upang ipakita ang kanilang paghahanda at pagiging malikhain. Samantala, naging mala-live-band naman ang masiglang pag-salubong ng ICT 11, kung saan ilang estudyante ang tumugtog ng live instruments bilang bahagi ng kanilang pagbati sa mga hurado at g**o.
Bago matapos ang araw ay nagsagawa rin ng panayam ang ilang miyembro ng Nexus sa mga estudyante at kalahok ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika upang alamin ang kanilang mga saloobin, pananaw, at perspektibo hinggil sa kahalagahan ng paggunita sa wikang Filipino, kulturang Pilipino, at mga gawaing tulad ng “Salu-Salo” at iba pang patimpalak na isinagawa ngayong buwan.
Isa sa mga naging kalahok sa panayam ay si Rhoann Marquez, isang estudyante mula sa ABM-12, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng mga gawaing pangkultura sa pagpapalawak ng kaalaman ng kabataan tungkol sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas.
Ayon sa kanya, “Hindi lahat ng kabataan ay may alam o may sapat na kaalaman tungkol sa ating kasaysayan at kultura, kaya mahalaga ang ganitong klaseng mga aktibidad sa bawat paaralan. Nakatutulong ang mga ito upang mabuksan at mamulat ang mga kabataang Pilipino sa kahalagahan ng ating kasaysayan at kultura, gayundin upang mahikayat silang higit pang matuto at pahalagahan ang ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Samantala, ibinahagi rin ni Binibining. Aira Angelique Banaag, isang estudyante mula sa STEM-12, ang kanyang pananaw hinggil sa papel ng mga aktibidad sa pagpapanatili ng kulturang Pilipino. Ayon sa kanya, “Makakatulong ang mga ganitong aktibidad upang hindi makalimutan ng mga Pilipino ang ating kultura at pinagmulan. Nagiging inspirasyon din ang mga ito upang patuloy nating isabuhay at pahalagahan ang ating kultura at ang ating pagiging Pilipino.”
Sa kabuuan ng kanyang pananaw, ipinakita ng mga pahayag ng mga nakapanayam na ang Buwan ng Wika ay higit pa sa isang simpleng pagdiriwang sa loob ng paaralan. Ngunit ang mga aktibidad tulad ng “Salu-Salo” at iba pang patimpalak ay nagsisilbing pagkakataon para sa mga kabataang pilipino na higit na makilala, maunawaan, at mapahalagahan, mahagkan ang kanilang sariling wika, kasaysayan, tradisyon, at kultura.
Sa pamamagitan ng mga pagdiriwang tulad ng Buwan ng Wika at “Salu-Salo,” nabibigyan ang mga kabataang pilipino ng pagkakataong hindi lamang alalahanin ang kanilang pinagmulan, kundi maging aktibong tagapagtaguyod ng kulturang Pilipino. Sapagkat ang kulturang ating pinahahalagahan ngayon ay siya ring ating pamana na ating maipapasa sa mga susunod pang henerasyon.
Article by: Jewel Marco & Chester Cuaresma | Nexus Writer✍️
Photos by: Yvonne Barcelona & Jhade Abrea | Nexus Photojournalist 📸