08/06/2026
LATHALAIN | Hunyango
Sa gitna ng abalang pasilyo ng unibersidad kung saan sabay naglalakad ang mga pangarap at takot, may mga estudyanteng araw-araw na lumalaban nang tahimik. Hindi laban sa grado o sa deadline, kundi laban sa pagtingin ng lipunan sa kung sino sila at kung paano sila dapat magmahal.
Para sa ilan, simpleng hakbang lang ang pagpasok sa silid-aralan. Pero para sa mga tulad ni Austin Chuchu, estudyante mula sa College of Nursing at miyembro ng LGBTQ+ community, bawat hakbang ay tila pagharap sa panibagong laban.
“May mga bagay na kailangan mong harapin nang diretso para makatawid ka,”sabi niya. "Huminga ako nang malalim at nilabanan ko 'yung takot—nang ilang linggo, buwan, taon—hanggang natanggap din ako ng mga tao sa paligid ko.”
Hindi madali ang maging totoo sa mundong mabilis humusga. Pero natutunan ni Austin na minsan hindi mo kailangang ipilit ang pagtanggap, kailangan mo lang ipakita kung paano mo gustong ituring.
"May mga biro dati na nakaka-offend," kuwento niya. “Pero dahan-dahan kong pinaunawa sa kanila kung paano kami dapat itrato. Unti-unti, nagbago rin 'yung tingin nila sa amin."
Para naman kay Gian Kevin Odper mula sa College of Education, nagsimula ang lahat sa kaba. Hindi dahil sa takot na husgahan, kundi dahil sa takot na hindi maintindihan.
"Hindi naman ako pinressure ng pamilya ko nung nalaman nila," sabi ni Gian. “Pero siyempre kinakabahan ako. Noon kasi nagkakagusto pa ako sa mga babae. Tapos noong Grade 7 ko na-realize kung sino talaga ako."
"Hindi siya tinutulan ng pamilya, pero may mga paalala rin na huwag magsuot ng pambabae, na manatiling "ayos" sa paningin ng iba.”Sa halip na magrebelde. pinili niyang unawain. Dahil para kay Gian, hindi kailangang baguhin ang sarili para maramdaman mong tanggap ka.
"Siguro mas open na rin kasi 'yung generation natin ngayon," dagdag pa niya. "Ako, masaya ako na natanggap ako ng mga kaibigan ko, ng mga kasama ko sa council. Nirerespeto ko rin sila, kaya nare-reciprocate nila 'yung respeto sa akin.”
At nang tuluyan siyang mag "out," pakiramdam niya ay nakalabas siya sa matagal na kulungan.
"Parang nakawala ako," aniya nang may ngiti sa tinig. "Ngayon kaya ko nang ipakita kung sino talaga ako—kung kailan ko gustong maging totoo, at kung kanino ko gustong ipakita ‘yung totoo kong sarili.”
Si Mike Cedrick Pineda naman mula sa College of Hospitality and Tourism Management ay naniniwalang pananampalataya ang nagtulak sa kanya para lumaya. “Hindi madali, lalo na nung nasa closet pa ako." sabi niya.
"Nakaka-pressure kasi nakikita mo 'vung mga kaibigan mong open na, tapos mapapaisip ka—kailan kaya ako?"
Sa gitna ng pagdududa, natagpuan niya ang lakas sa pananampalataya. “Nalampasan ko siya through faith and spirituality," aniya. At nang dumating ang panahon na ipinakilala na niya ang sarili sa mga tao, unti-unting nagbago ang mundo sa paligid niya.
“Dati nangangapa pa sila kung paano ako itrato,”sabi ni Mike. "Pero nung nalaman na nila kung sino talaga ako, naging mas maingat, mas maayos. Doon ko narealize na 'yung identity ko ay hindi siya kahinaan, lakas ko siya.”
Sa loob ng unibersidad, nagtatagpo ang mga kuwento ng pagtanggap, pag-unawa, at paglaya. Sa bawat tawanan sa hallway, sa bawat meeting ng student council, sa bawat simpleng pagbati, unti-unting mas nagiging ligtas ang espasyo para sa lahat.
Minsan, sapat na ang patuloy na paglabas ng mga taong dati’y natutong magtago. Sapat na ang pagkilos, ang pagngiti, ang pagpili araw-araw na maging totoo.
Sa dulo, ito ang tunay na aral na dala ng unibersidad na higit pa sa mga lektura at grado, natutunan nating yakapin ang iba’t ibang anyo ng pagiging tao.
Dahil ang pinakamalakas na tinig, kadalasan, ay nagmumula sa mga taong matagal nang tahimik.
Isinulat ni John Michael Ramos
Litrato ni Charles Pasamonte