12/06/2023
Ngayong ika-12 ng Hunyo, ating ginugunita ang ika-125 na taon ng ating kasarinlan mula sa kamay ng mga Kastila sa loob ng 333 taon.
Binigyang kulay ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas ang pagbibigay-pugay sa araw na ito na may temang: "Kalayaan. Kinabukasan. Kalayaan."
Ang Araw ng Kalayaan ay sumisimbolo sa ating kasaysayan, kagitingan, at pagmamahal kay Inang Bayan at binubuhay rin nito ang ating diwang-makabayan upang ipagpatuloy ang mga nasimulan ng ating mga bayani at ang kanilang mga kontribusyon sa ating bansa.
Sa mga nakaraang taon mula ng ating paglaya sa mga Kastila, ang ating bansa ay muling naghirap noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at Batas Militar ng rehimeng Marcos kung saan maraming dugo ang dumanak at karapatang pantao ang naapakan.
Sa kasalukuyang panahon na laganap ang opresyon, maging paalala ito ng ating demokrasya upang labanan ang misimpormasyon at maging boses para sa mga nasa laylayan ng ating lipunan. Ito ay nagpaphiwatig na ating pagyamanin ang ating kultura, aralin ang ating kasaysayan at ibahagi ang tunay na aral na ito sa susunod pang henerasyon, igalang at irespeto ang ating kapwa, imulat ang ating mga mata sa isyu at mga nangyayari sa ating paligid, at mahalin ang ating bansa.