27/06/2016
Walang Forever na Tradisyon ng CCSPC: Balakid ng Adhikain
Anonymous
“Sa pagtuntong sa kaunlaran, nararapat na nagkakaisa ang masa. Nakanugnog ang kanilang adhikain sa pangkalahatang hangarin.”
Ano ba ang pamantayan sa institusyon ng katanyagan? Bakit ba lihis ang CCSPC sa listahan ng mga namamayagpag na kolehiyo sa bansa? Bakit ba hindi tugma ang kanyang pagkakakilanlan sa kung ano ang imahe ng mga nangangarap maging unibersidad? Bakit hanggang sa kasalukuyan ay hindi ramdam ng lipunan ang inaangking kalidad na edukasyon ng institusyon?
Madalas kong mawari ang mga sagot sa mga tanong na iyon sa tuwing aking mamamalas ang krisis na kinakaharap ng mahal kong paaralan. Ito ay dahil lubos akong naaapektuhan bilang bahagi ng kanyang pangarap na pumailanlang, ang kanyang kabiguang maging unibersidad sa rehiyong naghahangad ng tahanang huhulma sa kaalaman, magtutumpak ng ugali, at magpapanday sa kakayahan ng mga inosenteng sibilyan.
Maawa kayo! Ang aking nasasambit sa tuwing sasagi sa aking isipan ang mga kritikong ibinabato na nagpapalugmok sa laboratoryo ng ARMM at syudad ng Cotabato. Sambit nila, ang CCSPC ay batayan ng paaralang nag-aambisyon na magkaroon ng pangalan sa kabila ng kanyang kawalang kakayahang ibigay ang nais ng sambayanan na makapaghatid ng dekalibreng serbisyo para sa ikakaangat ng bangsamoro. Ngunit hindi ko masisisi ang mga mamamayan sa kanilang pananaw dahil sa mga negatibong gawain na nagmimistulang hampas ng alon sa dagat kung magbunyag ng katotohanan.
Kung ating gugunitain ang kasaysayan, naging mabagal ang takbo ng pag unlad saatin dahil sa pansariling interes na namamayani sa puso at isipan ng mga taong naitatalaga sa itaas maging ng nakararami sa ibaba. Umalis ang iba na tangay ang pondo na sana ay magsisilbing panimula sa pagbabagong tatag. Iniwan nila ang paaralan na naghihikahos at namamalimos para sa bagong simulain samantalang kaya naman niya sanang tumayo kung hindi nagamit sa pagpapalawak ng lupain, pagpapaganda at pagpapalaki ng bahay, at pagpaparami ng salapi ng ilan, ang kanyang naipon. Ang nakakalungkot ay nabibilang lamang ang mga taong nakikipagtunggali sa kanila upang bigyan ng daan ang tunay na matuwid kaya madalas silang naigugupo at nailulugar sa espasyong salamin ng kawalang pag asa. Ang kawalang sestema sa proseso ng enrolment ay indikasyon ng kawalan ng pagkakaisa na nagdudulot ng lubhang hirap sa mga estudyanteng nagsisikap maabot ang kanilang mga pangarap. Ang kapabayaan ng ibang mga g**o sa kanilang responsibilidad bilang mga panday ng dunong ay nagiging dahilan ng hindi maitaas na antas sa mga pagsusulit pang propesyonal ng mga nakapagtapos, ganun din ng kanilang pagiging hindi handa sa larangang tinahak. Ang pagiging ganid ng ilang personalidad sa salapi ay naglulunsad ng walang katapusang kagipitan sa pagbili ng mga kagamitang magiging instrumento sana ng mumunting indibidwal upang maipinta nila ang kanilang mga sarili sa hinaharap. Ang pagsamba ng ilan sa kapangyarihan ay naglulunsad ng kawalang pagbabago at kaunlaran. Ang hindi tamang pagtatalaga sa mga posisyon na angkop sa abilidad ng mga manggagawa ay nagpapahina sa makinarya ng institusyon upang ihatid and serbisyo sa publiko at sa lipunan. Ang pananaig ng pulitikang aktibidad saalituntuning edukasyon ay nagsisilbing balakid sa pagkamit ng CCSPC ng imaheng buhat pa noong una ay kanyang inasam.
Ano tayo ngayon? Kung ano tayo noon ay siya tayo ngayon! May makapagsasabi bang tumaas ang ating antas o naging positibo man lamang ang ating imahe kung kabuuan ang tatalakayin? Halos salamin ng nakalipas ang kasalukuyan kung sestema lang din ang pag uusapan. Ang administrasyon ngayon sa kung paano nalalantad sa masa ay instrumento sa hangaring maging unibersidad ngunit sa kung ano ang nagpapagana ng kanyang takbo ay personal na layunin lamang. Ito ay hindi pambabatikos kung hindi obserbasyong hubad sa lahat. Ang pagpupunyagi ngayon na makamit ang adhikain ay bunsod ng interes na maitalaga ang ilansa posisyon sa loob ng mahabang panahon, sa kabila ng katotohanang hindi na sila kwalipikado dahil sa kanilang edad na nilimitahan ng batas, at sa kanilang kawalan ng sestema. Ano ang mga naidulot ng pagpupunyaging pangmatagalang posisyon? Ang kawalan ng respeto sa mga kontraktwal na empleyado na makikita sa pangiitsapwera sa kanilang sweldo at integridad, ang kawalang pakialam sa kalidad ng edukasyon dahil sa pagtatalaga ng mga walang kapasidad na opisyal, ang pambabalewala sa kapakanan ng mga mag aaral na namamalas sa tagal ng pagkakaroon nila ng mga klase dahil sa enrolment, ang patuloy na pagbagsak ng institusyon sa larangan ng de kalidad na edukasyon, ang paggawa ng mga desiyong hindi tugma sa nakasaad sa batas ng paaralan na nagdudulot ng kalituhan sa nakararami, at ang makalumang prosesong pampulitika na nagpapangkat-pangkat sa mga empleyado at nagiiwan ng pait at hinagpis sa bawat isa.
Kung totoong umangat tayo katulad ng ipinapahayag ng ilan, bakit hindi maitaas naming mga estudyante ang aming mga noo sa iba na kami ay mag aaral ng ating institusyon? Bakit hindi namin maipagmalaki ang aming tahanan sa komunidad? Bakit ang mga kabataang nakakalamang sa aspetong pinansyal at intelektuwal ay hindi tumatapak sa ating bakuran upang dito buuin ang kanilang mga pangarap?
Bumabalik sa aking gunita ang panahong lumapit kaming mga manunulat upang maibigay saamin ang pondo na nakalaan saaming organisasyon upang gamitin sa pagpapabilis at pagbibigay ng kalidad sa aming mga naisulat, ngunit natapos ang aming laban na tila mga bubuwit na pinagkaitan ng barya. Ngayon, ang aming layuning mag ambag ng mga artikulo ng naaayon sa pulisiya ay hindi maisagawa. Kaya naisip ko, ganito rin kung sakmalin ng administrasyon ang mga programang magpapayaman sa kakayahan ng mga mag aaral. Lahat ng mga problema halos ay hindi natutuganan. Ang mga sintemyento ng mga magsisiretiro na sa tungkulin na naging estudyante noon ng CCSPC ay tila mga sakit na naipasa sa amin na hindi matugun-tugunan dahil hindi nilulunasan. Ang kakulangan ng mga klasrum, pagiging bastos, pangongolektang illegal, at mabagal na proseso ng mga tao sa cashier at registrar, problema sa ibang mga g**o, at ang kawalan ng direksyon sa kung saan kami patungo ay mga namutawi na sa bibig ng mayoridad ngunit hinaharangan ng personal na ambisyon sa tuwing uukilkil sa isipan ng mga may awtoridad.
Sa tuwing akoy magagawi sa mga kilalang pamantasan at nabibigyan ng pagkakataon na makasalamuha ang kanilang mga propesor at mag aaral, nakikita ko ang ating mga suliranin na kung tutuusin ay kaya nating pumailanlang. Bakit? Marami tayong mga g**o na maipagmamalaki dahil sa kanilang husay pero hindi sila nailalagay sa tamang lugar kaya hindi namin makita ng lubusan kung paano nila kami huhulmahin. Inaalisan sila ng pagkakataon na mahawakan kami dahil sa paniniwalang ang iba lamang ang may kakayahan na maghulma ng dunong, sa kabila ng katotohanang sila ay nakakatagam dahil sa loob ng mahabang panahong pananatili ay wala man lamang silang napahanga. Ang isa sa kanila na hindi maitawid ang asignaturang tinatalakay kapag nagtuturo, madalas lumiban sa klase, ay Bise Presidente na ng Akademikong mga Gawain ilang araw lamang matapos ang bagong taon,matapos magsilbing Dekano. Sino ang estudyante niya noon ang tatayo ngayon at sasabihing may kapasidad siya? Kung wala, naniniwala akong kung sino siya sa maliit na bagay ay siya rin niyang ipapamalas sa malaking bagay. Ika nga, “kung ano ang pinag ugatan ay siya ring pag uugatan”.Kung ating ibubulgar pa ang katotohanan, ang presidentenatin mismo ay wala halos kakayahan. Kadalasan ay mali ang impormasyon na ibinibigay kaya walang direksyon ang kalakaran. Puro pangarap ang malimit marinig ngunit lihis ang posibilidad ng kanilang mga kaganapan.Hindi niya alam ang kaniyang mga sinasabi na tila nananaginip sa kainitan ng araw. Sa aspetong iyan, masasabi kong,“Kung sino siya sa simpleng mga pagkakataon ay siyang uri ng presidentena meron tayo”. Sa kabila nito, saludo naman ako sa kanyang pagiging positibo na makakamit ang lahat.
Matapos ang tatlong taon kong pamamalagi bilang mag-aaral ng CCSPC ay napakarami ko nang nakita. Ang siraan at kaplastian ng karamihan na akala ko ay sa pelikula lamang mapapanood, mas malala pala sa ating bakuran. Umuusok na nakakapagpaubo sa mga nakapaligid. Nakakapanibugho dahil silang inatasang maging ehemplo ay mga alagad pala ng itimna sining. Ang ilan ay kilalang banal ngunit masidhi pala ang budhi.Madalas nilang punteryahin ang mga negatibong katangian ng mga kabataan na hindi nila waring sila mismo ay nagdudulot niyon. Alam kung hindi sila perpekto, pero hindi ko mabatid o makita ang kanilang pagsisikap na maitama ang kanilang mga sarili upang maging huwaran ng mga kabataang inaasam ng hinaharap. Sana, ang iilang personalidad na mahuhusay ay hindi malihis sa kanilang mga prinsipyo sa pagdating ng panahon dahil sila lamang ang nagpapaaninag ng pag-asa sa kalagitnaan ng kawalang direksyon at sestema.
Mag-aaral ako, bahagi ako ng paaralan, pero nawawalay ako sa iba sa puntong hindi tayo umaangat dahil naghahangad ako ng pagbabago. Marahil bata ako, pero ganap akong tao kaysa sa iba sa aspeto ng pagsisilbing instrumento ng pagkamit sa kaunlaran dahil nangangarap akong magkaroon tayo ng nakakaligalig na bansag. Inosente ako, marahil hindi ako gaanong ka maalam ng lubos sa ating sestema, pero ayaw kong buksan ang aking mga mata na lakbayin pa iyon dahil hindi kaya ng aking sikmura na malaman pa ang mga mas malalalang bagay. Ang dalangin ko lamang, sana gumising tayo at gawin ang tama. Sana, maabot natin ang kamalayan na tayo ay kikilos para sa nakararami at hindi sa ating mga sarili lamang. Dahil, kung hindi natin masugpo ang ating mga kahinaan ay lalagapak tayo ng tuluyan hanggang sa hindi na natin gusto pang kilalanin ang ating mga sarili at kung ano angating tahanan.
Batid kong marami ang aking magiging kritiko sa aking akda, pero kung magsisilbi itong panimula upang mahalina ang karamihan na magbago ay lubos kong iuukit sa aking pandama at isipan na tama ang minsang mambatikos at maglahad ng katotohanan. Hapung-hapo na ako sa aking mga nakikita at naririnig, at batid kung hindi ako nag iisa. Marami kami, ngunit namimilipit ang aming mga dila dahil sa alam naming walang katugunang mangyayari. Gusto na naming magtapos na nakatatak sa aming diploma ang unibersidad, ngunit naaalintana kong hanggang panaginip na lamang ang lahat dahil ang mga nagpapaandar ng sestema ay may mga sari-sariling interes.
Maawa kayo! Marami kaming mga pangarap na gusto naming maisakatuparan sa tahanang ito. At gusto naminna kayo ang maghatid saamin doon. Gusto naming magkaroon ng sariling tatak na bahagi kayo ng lahat ng aming mga pagpupunyagi. Nais naming magsilbi namin kayong mga magulang na gagabay saamin sa pagtahak ng aming landas tungo sa pagdiskubre ng aming mga sarili. Inaasam namin na ipapakita ninyo saamin ang daan kung saan ay maaaninag namin ang marapat gawin upang itayo, ipakilala, at palaganapin sa mundo na mayroon kaming naging tahanan na mula noon, ngayon, at magpakailanpaman ay aming maipagmamalaki.