29/11/2019
Edukasyon ang nagsisilbing gabay at susi ng ating pag-unlad maging ng ating bansa. Ito ay kayamanang kailanman ay hindi mananakaw at maipagbibili sa kahit na anong halaga. Ito ang ating armas na maaaring makapagpabago ng takbo ng ating buhay. Kaya't dapat lang na ito'y ating pahalagahan. Gasgas man ang linyang ito ni Dr. Jose Rizal ngunit tunay na “ang kabataan ang pag-asa ng bayan”. Subalit ano na lamang ang mangyayari kung sila'y di nakapag-aral at manatili sa mundo ng kamangmangan? Pano na lamang nila malalagpasan ang tinatamasang kahirapan? Ani nga sa kasabihan, “Ang edukasyon ay susi sa magandang kinabukasan”, sa kabila nito hindi maikakailaang katotohanang hindi lahat ng kabataan ay nabibigyan ng pagkakataon upang makatungtong sa paaralan.
Isa sa 16 o 1.3 milyong bata sa Pilipinas ang hindi pa rin nakakapag-aral. Gayunpaman, bagamat nabawasan ang naturang bilang kumpara noong nakalipas na 20 taon kung saan 1 sa 6 o 2.9 milyong bata ang hindi nakakapag-aral, ito ay lubha pa ring nakakaalarma. “After almost two decades of no progress, the Philippines cut the share of children out of school by about 60 percent in just the last 10 years.” ayon sa Save the Children’s Global Childhood Report 2019.Mapapansin natin na sa bayan ng Daet ay unti-unti na ring dumarami ang mga batang lansangan kaya't dapat itong matutukan at mabigyan ng pansin upang hindi sila maligaw ng landas. Isa sa mga paraan upang maiwasan ito ay sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga bata ng mga basic knowledge na kailangan nilang matutunan kagaya na lamang ng pagbasa at pagsulat. Dagdag pa rito, maaaring maturuan din sila ng kagandahang asal at bagay na makakatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Isang halimbawa nito ang sumikat kamakailan lang na estudyante sa University of the East na si Dara Mae Tuazon, na kung saan ay nagtuturo siya sa mga batang lansangan.
Isa sa mga paraan upang maipalaganap ang mabuting gawain na ito ay sa pamamagitan ng social media partikular na ang facebook. Ayon sa Statista, facebook ang pinakapopular na social networking site sa buong mundo, kung saan ang Pilipinas ay may 74, 850, 000 facebook users o 68.4% ng buong populasyon batay sa pagsusuri ng Napoleon Cat. Kabilang sa mga popular na aktibidad dito ay panonood ng mga bidyo, pagbabasa ng artikulo, pagbibigay ng reaksyon sa pamamagitan ng pagpindot ng reaction buttons at comments, nagagamit din sa pakikipagkomunikasyon at sa madaling pagpapakalat ng iba’t-ibang impormasyon.
Bakit hindi natin gamitin ang social media upang makatulong sa pagpapakalap ng mga makabuluhang adbokasiya na naglalayon na makatulong sa mga kabataan? Kabi-kabilang mga challenge ang sumisikat at patuloy na lumalaganap, ginagawa at tinatangkilik ng mga tao partikular na ng mga kabataan na kung magagamit natin sa tamang pamamaraan ay maaaring magresulta sa mga pagbabago na ninanais ng bawat isa. Ang pagtuturo sa mga kabataang hindi nabigyan ng pagkakataon na makapag-aral ay isang hamon o challenge sa bawat isa sa atin. Tugunan natin ang pangangailangan ng mga batang lansangan higit pa sa pagsasagawa ng mga hamong walang kabuluhan katulad na lamang ng Momo Challenge. At isa na rito ang “EACH JUAN, TEACH JUAN CHALLENGE” na kung saan ay hinihikayat ang bawat kabataan sa pamamagitan ng social media na tulungan at turuan ang mga batang lansangan. Ang hamon na ito ay isa sa maaaring solusyon upang mabigyang liwanag ang mga pangarap ng mga batang lansangan. Kasabay nito ay ang paglunsad ng fundraising activity na “Notebook ni Juan, Para kay Juan” na makatutulong upang mabigyan ng tulong pinansyal ang mga batang lansangan.