03/06/2020
PAHAYAG NG PAGKAKAISA LABAN SA PAGSASABATAS NG ANTI-TERRORISM BILL!
Nananawagan at tumitindig ang iba't ibang organisasyon sa UP Mindanao na ibasura ang Anti-Terrorism Bill. Sa gitna ng pandemya na ating hinaharap dapat na nakapokus ang pamahalaan ni Duterte sa pagbibigay ng konkretong aksyon at plano upang labanan ito. Nakakagalit isipin na imbes na unahin ang pagbibigay ng sapat na ayuda, pagbibigay suporta sa mga medical frontliners, at pagpapatupad ng mass testing inuuna pa ni Duterte ang pagpapadulas sa kanyang mga anti-mamamayang polisiya. Patunay na mas natatakot ang administrasyong ito sa mga kritiko kesa sa virus na siyang tunay na kalaban.
Ang Anti-Terrorism Bill ang batas na layong ipalit sa Human Security Act, ang batas na ito ay magiging armas ni Duterte upang busalan ang mga mamamayang kritikal sa kanyang pamamahala. Sa loob ng ATB hindi malinaw kung ano ang tatawagin ng estado na porma ng terorismo, sa loob nito maaaring bansagang terorista ang sino mang magsasalita laban sa gobyerno, magbigay ng tulong sa mga non-government organizations, o kahit ang simpleng pagpapahayag ng pagkadismaya sa pamahalaan. Patunay na hindi lamang mga terorista ang dapat matakot sa batas na ito kung hindi pati na rin ang mga ordinaryong mamamayan. Pinapatay nito ang ating demokrasya, binabalahura ang ating konstitusyon, at tinatanggal ang ating karapatan sa pagpapahayag.
Nakakatakot isipin ang magiging bunga kapag naisabatas na ng tuluyan ang Anti-Terrorism Bill, magiging susi ito upang maging legal ang pagdakip sa mga nagsasalita laban sa gobyerno, pagpapatahimik sa mga midya, at pagmamanman sa mga kritiko at inosenteng mamamayang pinaghihinalaang terorista- ito ang bukangliwayway ng pagiging ganap na diktador ni Duterte.
Ang batas sa esensya ay dapat siyang pumuprotekta sa mga mamamayan laban sa mga masasamang elemento, hindi ito dapat maging armas laban sa mamamayan. Ang ginagawang pagratsa sa Anti-Terrorism Bill ng kasalukuyang administrasyon ay patunay lamang na hindi nila prayoridad ang ating laban sa COVID-19, sa halip ang batas na ito ay maaaring magamit sa pagpapatahimik sa mga mamamayang hinahanap ang bilyun-bilyong pondo na inutang ni Duterte na hanggang ngayon ay hindi natin maramdaman at sa sambayanang Pilipino na sawa na sa kanyang patuloy na pagpapakatuta sa China.
Ang Anti-Terrorism Bill ay pwedeng gamitin ng pamahalaan upang pasukin ang ating unibersidad. Matagal nang binabansagan ng estado na pugad ng mga terorista ang UP, bagama't ito ay napatunayang walang katotohanan, maaring maging lehitimo ang kanilang paniniktik sa mga estudyante at mga propesor sa loob ng unibersidad na labag sa ating akademikong kalayaan. Kasaysayan na ang nagpapatunay sa mga pag-atake ng estado laban sa mga lider-estudyante at mga kritiko mula sa unibersidad, ito ay sa porma ng death threats, mga black propaganda, at iba pang uri ng pagbabanta at panggigipit. Ang mga ito ay maararing lumala kapag naisabatas na ang Anti-Terrorism Bill.
Bilang mga Iskolar ng Bayan, magkaisa tayo sa pagpapanawagang ibasura ang Anti-Terrorism Bill at sumama sa lumalawak na hanay ng namumulat at nagkakaisang masa sa pagpapanawagang patalsikin na ang pasista, diktador, at tuta na si Duterte sa pwesto.
ISKOLAR NG BAYAN! NGAYON AY LUMALABAN!
University Student Council
College of Humanities and Social Sciences Student Council
College of Science and Mathematics Student Council
School of Management Student Council
All UP Academic Employees Union- UP Mindanao
Himati
Alyansa ng mga Aktibong Kabataan ng UP Mindanao
UP Mentefuwaley
Alliance of Pre-Law Students
Dalub-aral na may Ugnayan, Galing, at Organisadong Ningas na Ginagabayan ng Antropolohiya
Anakbayan UP Mindanao
Gabriela Youth- UP Mindanao
Kappa Epsilon Fraternity and Sorority
UP Mindanao Bidlisiw
UP Mindanao Association of Muslim Students
Freshmen Bloc Leaders Assembly
Communicators' Guild
UP Mindanao Agipo
Pitik UP Mindanao
UP Mindanao Koro Kantahanay
Society of Agribusiness Economists
Philippine Association of Food Technologists- Lambda Chapter
UP Mindanao Dance Ensemble
Architecture Student Council
UP Lambag Sisterhood and UP Latagaw Brotherhood
Pi Sigma Fraternity and Pi Sigma Delta Sorority
PULOS UP Mindanao
Literary Society
UP Mindanao Debate Society
UP Mindanao League of DOST Scholars
S**i ni Obli
UP Mindanao Biological Society
Society of Programmers and Refined Computer Scientists
Society of Math Majors