21/09/2026
HUWAG KALIMUTAN! HUWAG BALUKTUTIN! HUWAG MANAHIMIK!
Tuwing ginugunita natin ang Batas Militar, hindi lamang isang petsa sa kasaysayan ang ating inaalala. Kaakibat ng “Setyembre 21” ang pag-alala sa panahong sinupil ang kalayaan at karapatan ng taumbayan— ang panahon na ginamit ng estado ang kapangyarihan nito upang patahimikin ang lansangan at ipagkait ang hustisya mula sa mga biktima ng karahasan. Lumipas na ang mga dekada, patuloy pa rin na pinagtatalunan kung paano natin dapat alalahanin ang Batas Militar.
Ipinakita nina Uyheng, Roxas, at Herras (2021) kung paano nabubuo ang mga pinagtatalunang alaala ng diktadura sa pamamagitan ng mga simbolo, wika, at naratibo sa mga institusyunal at impormal na espasyo. Ang pag-alala sa Batas Militar ay hindi karaniwang pagbalik lamang sa masalimuot na nakaraan, ito ay isang tuloy-tuloy na sistemang panlipunan kung saan patuloy na nililikha, ipinapasa, at pinagtatalunan ang kahulugan ng kasaysayan. Kung gayon, hindi na sapat na alalahanin lang ito. Kailangang tuligsain ang mga bakas ng Batas Militar ni Marcos Sr. sa kasalukuyan, dahil ang kasaysayang patuloy na binabaluktot ay kapangyarihang hindi napapanagot!
Hindi na kailangang tumanaw pa sa malayo upang makita kung bakit mahalaga ang ganitong pagbabantay, lalo na sa palpak na kasalukuyang gobyerno, na anak ng diktador. Sa gitna ng patuloy na mga pagsusuri sa mga katiwalian sa flood control projects at ang daan-daang “ghosts” sa mga ito, hindi lamang pondo ng bayan ang nakataya rito, kundi ang mismong buhay at kaligtasan ng mga mamamayan na umaasa sa serbisyong dapat natatamasa ng bawat isa. Ngunit saan nakatuon ang pansin ni Marcos Jr.? Hindi sa mga nalulubog na sa Pampanga at Bulacan, hindi sa mga motorista at estudyanteng naaagrabyado ng mga baha. Ni wala pang tunay na napaparusahan sa dami ng sangkot sa iskandalong ito.
Noong nakaraang linggo lang din ay tinagurian at nananatili pa ring “Deadliest Country in Asia” ang Pilipinas para sa mga environmental defenders. Batay pa sa pagsubaybay ng Dahas Project ng University of the Philippines Third World Studies Center, 1317 na ang iniulat na drug-related killings sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. Kamakailan lang din ang hindi makatarungang pag-aresto sa limang paralegal na nakibaka kasama ng iba pa nating mga kababayan noong nagdaang Luzon Economic Corridor Investment Forum. Hindi maikakaila na patuloy lang ang panunupil ng karapatan ng ordinaryong mamamayan sa bansa basta salungat ka sa ideya nila ng progreso!
At tila ibinebenta na rin ang Pilipinas sa mga dayuhan nang ipahayag ni Ferdinand Marcos Jr. ang paglahok nito sa nasabi ngang Pax Silica Initiative na pinangungunahan ng Estados Unidos. Isa lamang itong inisyatiba para siguraduhin na may tuloy-tuloy na pagkukunan ng likas na yaman ang imperyalistang bansa na iyon para sa semiconductors at AI. Malinaw ang malaking papel ng pang-ekonomiya at estratehikong interes ng US sa Pax Silica, at tulad ng dati, tutang-tuta ang administrasyong Marcos sa kanila! Ipinapangako man nito ang industriyalisasyon, teknolohiya, at de-kalidad na trabaho— ngunit sino ba ang tunay na makikinabang sa mga pangakong ito? Hindi ang karaniwang Pilipino, hindi ang mga manggagawa, hindi ang mga magsasaka, at mas lalong hindi ang mga katutubo natin!
Marami at magkakaiba man ang mga usapin at isyung kinakaharap ng bansa, iisa lamang ang pinapaalala ng mga ito: ang pangangailangan sa patuloy na pagsusuri at pagpapanagot sa taksil na pamahalaan at sa nagdaang mga huwad na administrasyon. Ang kawalan ng mga mamamayan sa pagpapanagot at pagwalang-bahala sa kasaysayan ay daan upang maulit at patuloy na mabaluktot ang sistemang marahas, sinungaling, at mapagsamantala!
Kaya sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, patuloy ang paninindigan ng Junior Philippine Geographical Society - UP Diliman (JPGS-UPD) na ang pag-alala sa diktadura ay hindi dapat mauwi sa ritwal na paggunita na walang saysay sa kasalukuyan. Tungkulin nating ipagtanggol ang makasaysayang katotohanan laban sa pagbura at pagbaluktot nito. Tungkulin nating panagutin ang mga nasa gobyerno sa maling paggamit ng kapangyarihan at pampublikong pondo. Higit sa lahat, tungkulin nating maging mapanuri sa mga patakarang ipinapangakong para sa bayan. Huwag tayong pumayag na gawing kasangkapan lamang ang kasaysayan upang gawing katanggap-tanggap ang hirap na dinaranas nating mga Pilipino. Huwag tayong manahimik habang ang mga desisyon ng iilan ay inaapakan ang karapatan ng karamihan sa ating mga kababayan.
Ang “Never Again” ay hindi lamang pangakong hindi na mauulit ang madilim na nakaraan. Ito ay isang paninindigan na hindi tayo mananahimik, makakalimot, at patuloy na tutuligsain ang pagbaluktot sa kasaysayan!