21/09/2026
๐๐๐๐ ๐๐๐๐, ๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐; ๐๐๐๐๐ ๐๐๐ ๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐
Opisyal na Pahayag ng Kapatirang UP Pi Sigma sa Ika-54 na Paggunita sa Deklarasyon ng Martial Law
Isinilang ang Kapatirang ๐๐ ๐๐ข ๐๐ข๐ ๐ฆ๐ bilang instrumento laban sa diktaturya, pandarambong, at pasismo ng lumang rehimeng Marcos Sr. Limang dekada lagpas na ang nakalipas matapos ang sigwa at dilim noong panahon ng Martial Law. Ngunit, kahit limampu't apat na taon man na ang nagdaan ay higit na malinaw na hindi pa rin nagtatapos ang laban. Noon hanggang ngayon, walang pinag-iba ang magkabilaang panahon. Ang Bagong Pilipinas ng ngayon ay siya ring pahirap ng Bagong Lipunan ng kahapon.
Sa ika-54 na paggunita sa deklarasyon ng Martial Law, militanteng nakikiisa sa pagtindig ng masa ang Kapatirang UP Pi Sigma tutol sa mga pasakit at pahirap na siyang bunga at dala ng rehimeng Marcos Jr. Hubad na katotohanan ang patuloy na paglaganap ng mga isyu ng kapabayaan, pananamantala, garapal na pandarambong, at marahas na panunupil ng estado. Maski ang mga binukong sangkot ay tahasang nagpapakasasa pa rin sa poder habang ang mga biktima ay tinatraydor gamit ang huwad na hustisya.
Lantad na lantad ang kabulukan ng sistemang burukrata kapitalismo sa sukdulang pandarambong na ginawa sa mga flood control project. Sa kabila ng mahigit โฑ545 bilyon na inilaan para sa mga proyekto sa flood mitigation mula 2022 lamang, nananatiling lubog ang buong bansa sa mga sunud-sunod na pag-ulan.
Ang pagkamuhi ng taumbayan ay nananatiling walang mapagduluhan. Sa halip na panagutin ang mga dambuhalang kontratistang naghati-hati sa pondo ng bayan, ang mga maliliit na alipores at sub-contractor lamang ang ipinapakulong upang maghugas-kamay. Habang ginagawang batis ng pansariling tubo ang kaban ng bayan, ang uring manggagawa, maralita, at magsasaka ang nalulunod sa epekto ng kapabayaan at kawalang-katarungan.
Kasabay nito, ginigipit ang mamamayan ng lumalalang krisis sa enerhiya. Habang paulit-ulit na nagdedeklara ng red at yellow grid alerts, nagdaranas ng rotational blackouts, at pinapasan ng mamamayan ang napakataas na singilin, patuloy namang nagkakamal ng dambuhalang tubo at record profit ang mga magnanakaw na malaking burgesyang komprador. Ang krisis ay ginagawang oportunidad para sa karagdagang panggagatas sa masa habang masigasig na pinoprotekta ng gobyerno ang mga pangunahing salarin.
Imbis na angkop itong matugunan, walang ibang maialok ang rehimeng Marcos Jr. kundi ang buong bagsik ng pasismo at represyon ng estado. Ang makatwirang p**t ng sambayanan ay binabaling sa mga kabalbalan. At ang mga patas na lumalaban ay karumal-dumal na dinadakip, hinahamak, at binubusalan.
Walang bago sa mga opresibo at represibong pamamalakad na ito. Tatak pa rin kung paanong marahas na dinakip at binugbog ng kapulisan ang aming kapatid noong kilos-protesta para sa paggunita ng ika-53 na anibersaryo ng pagdeklara ng Martial Law. Wala rin itong pinagbago sa pagdakip sa aming mga kapatid noong Mayo Uno na dalawang taon na ang nakalipas. Gayundin ang pagpapahirap sa lahat ng mga napiit at nakapiit na biktima ng estado. Sa halip na pakinggan ang boses ng sambayanan, ang boses ng mga biktima ng katiwalian at mga tunay na kriminal, nasa panig ng mga naniniil ang sistemang siyang dapat sumusugpo rito.
Nanatiling matatag ang Kapatiran sa paninindigang marapat bumoses ang mga inaapi laban sa mga namamantala at nang-aabuso. Ang pakikibaka para sa kanilang hustisya at mga karapatan ay wasto at dapat. Bilang isang makabayang Kapatiran, tumitindig kami laban sa karahasan ng estado. Buwagin ang bulok na sistemang nagsasadlak sa taumbayan. At singilin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siyang pangunahing salarin.
Hangga't patuloy pa rin ang mga krisis, ang katiwalian, at karahasan, patuloy lamang lalaban ang Kapatiran. Hangga't wala pa ring pinagkaiba ang noon sa ngayon, patuloy kaming mananawagan.
Labanan ang mga porma ng diktaturya. Labanan ang panunupil at korapsyon. Huwag limutin at talikuran silang mga nang-alipusta at nagyurak sa karapatan ng masa.
Bahain ng protesta ang papet at korap na rehimeng Marcos Jr!
Lahat ng sangkot, dapat managot!
Kapatirang Makabayan, Lumalaban!
Kapatirang Lumalaban, Makabayan!
Fratres Usque Ad Finem