03/09/2026
ISU–City of Ilagan Campus Architecture Students, Nakiisa sa Pagbubukas ng 2026 Isabela Tourism Month
Nakisaya, at buong-puwersang sumama ang mga mag-aaral ng arkitektura ng Isabela State University–City of Ilagan Campus sa opisyal na Kick-Off Opening Ceremony NG National Tourism Month 2026 ng Isabela na ginanap ngayong Setyembre 1, 2026, sa Isabela Museum and Library sa lungsod na ito.
Bitbit ang temang “Digital Agenda and Artificial Intelligence to Redesign Tourism,” nakatuon ang pagdiriwang ngayong taon sa mahalagang papel ng makabagong teknolohiya at inobasyon sa paghubog ng mas maunlad na hinaharap ng turismo sa buong lalawigan.
Bilang kinatawan ng ISU - Ilagan Campus, pormal na inanyayahan at hinikayat ni Engr. Alfonso R. Simon, PhD, Cluster Executive Officer, ang mga mag-aaral ng pamantasan, lalo na ang mga mag-aaral ng kursong Architecture na makiisa at maging bahagi ng program na ito.
Sa kanyang ipinaabot na mensahe, muli niyang pinagtibay ang komitment ng unibersidad sa pagpapalakas ng pakikiisa at pag-aambag sa paglago ng turismo at pankulturang pag-unlad sa Isabela.
Dumalo at nakiisa rin sa programa sina Joane T. Maranan, Provincial Tourism Head, at Ma. Cristina Simon, Pangulo ng City of Ilagan Tourism Office, kasama sina Architect Blessie M. Laguna, Architect Jefsie Antonio, upang ipagdiwang ang mayamang pamana ng lalawigan.
Sa kanyang pahayag, binigyang-diin ni Ma. Cristina R. Simon ang kahalagahan ng turismo sa komunidad, 'Let's continue to believe in the power of tourism to bring opportunities and good life, let us move forward together.'
Pinangunahan din ni Dr. Troy Alexander G. Miano, Regional Director ng Department of Tourism Region II, ang okasyon kung saan ibinahagi niya ang kanyang mga mensahe at pananaw ukol sa patuloy na pag-unlad ng turismo sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok na ito, patuloy na pinangungunahan ng ISU–City of Ilagan kasama ang mga architecture students ang pagtataguyod ng kultura, inobasyon, at pakikipag-ugnayan sa komunidad upang mas mapalago pa ang turismo sa Lalawigan ng Isabela.
_
Written by John Ancheta
Layout by Mike Giann Rivera