31/08/2026
๐๐๐ง๐๐ฅ๐๐ฅ๐ | Ang Liwanag ni Sinag
Noong unang panahon, sa isang bayang hindi makikita sa kahit anong mapa, may isang maliit na baryo sa pagitan ng dalawang bundok. Ang tawag rito ng mga taga roon ay baryo Sikatan.
Hindi naman talaga madilim sa Sikatan noon.
Tuwing umaga, sumisilip ang araw sa pagitan ng mga bundok. Kumukulay kahel ang langit bago tuluyang maging bughaw. Kumakaway ang mga puno sa hangin, umaawit ang mga ibon, at kumikislap ang ilog na parang salamin. Nasaksihan ng Sikatan ang pagtanda ng mga taga baryong masaya at puno ng sigla.
Ngunit isang umaga, hindi sumikat ang araw.
Naghintay ang mga tao.
Lumipas ang umaga, naging tanghali, naging hapon. At nang sumapit ang gabi, nanatiling madilim ang buong baryo.
Kinabukasan, ganoon pa rin. At sa mga sumunod na taon, hindi na muling sumikat ang araw.
Hanggang sa nasanay na ang mga tao sa dilim. Nagsindi sila ng kandila at gumamit ng mga lampara. Kasabay ng pagdilim ng baryo ay ang pagdilim ng pang-araw-araw na buhay ng mga taga-rito.
Isa sa mga batang nakatira roon ay si Sinag, isang labindalawang taong gulang na maraming tanong. Madalas niyang itanong kung bakit hindi na sumisikat ang araw at kung kailan ito babalik, ngunit lagi lamang siyang sinasagot ng malungkot na ngiti.
Kaya tumigil siya sa pagtatanong. Sa halip, nagsimula siyang magmasid.
Isang maulan na gabi, nakita niya ang kaniyang lola na naglilinis ng isang lumang baul na matagal nang nakatago sa kanilang bahay. Nang makatulog ang lahat, palihim itong binuksan ni Sinag. Laking dismaya niya nang matagpuang walang ginto, alahas, o laruan rito. Tanging ilang papel at isang maliit na bandila lamang.
Ngunit bago niya tuluyang isara ang baul, may isang bagay na kumislap. Isang maliit na bola ng liwanag, kasinglaki ng kaniyang palad. Dahan-dahan niya itong hinawakan at napatili siya sa tuwa nang hindi siya mapaso. Ngunit may narinig siyang mahinang bulong.
โIpasa mo.โ
Napabitaw si Sinag, ngunit hindi nawala ang liwanag. Sa halip, lalo itong kumislap.
Kinabukasan, ipinakita niya ito sa kaniyang lola. Matagal itong tinitigan ng matanda bago tuluyang magsalita. Ang liwanag daw ay matagal nang ipinapasa ng mga taong nauna sa kanila. Mga taong nagsulat, lumaban, naglakbay, nag-alaga sa kapwa, at nagbigay ng kanilang buhay upang magkaroon ng liwanag ang mga susunod sa kanila.
Natatakot din daw sila noon, ngunit may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa takot.
Kaya ngayon, ang liwanag ay nanatili sa baryo.
Mula noon, lagi nang dala ni Sinag ang maliit na araw. Itinago niya ito sa isang garapon upang hindi mawala. Hanggang isang araw, nakita niya si Lino sa labas ng paaralan. May hawak itong libro ngunit hindi makapagbasa dahil wala silang sapat na ilaw.
Tiningnan ni Sinag ang kaniyang garapon at napansing maliit lamang ang liwanag. Hindi ito sasapat para sa buong baryo ngunit baka sapat para sa isang libro kaya binuksan niya ang garapon at nakapagbasa si Lino. Kinabukasan, napansin ni Sinag na lumiit ang kaniyang araw. Kinabahan siya nang bahagya ngunit ipinagsawalang bahala.
Noong sumunod na araw, nakita niya naman si Mang Isko, isang matandang magsasaka na hirap umuwi mula sa bukid. Wala itong lampara at sugatan ang paa. Awang awa si Sinag sa sitwasyon ng matanda kaya muli niyang binuksan ang garapon.
Sinundan ni Mang Isko ang liwanag hanggang sa kaniyang bahay. Nagpasalamat ito nang buong galak ngunit kabaliktaran ang naramdaman ni Sinag pag-uwi. Lalo pang lumiit ang kaniyang araw. At sa unang pagkakataon, natakot siya na baka mali ang ginagawa niya. Baka ang liwanag ay para lamang sa kaniya. Baka kailangan niya itong itago. Baka kailangan niyang hintayin ang tamang panahon.
Kaya kinabukasan, itinago niya ito.
Kaya lamang, nang hapon ding iyon, may isang ina na naghahanap habang tumatangis sa kaniyang anak na si Rosa. Sobrang dilim na ng buong paligid. Gusto sanang tumulong ni Sinag, ngunit naalala niya ang halos ubos nang liwanag sa kaniyang garapon.
Ngunit naalala niya rin ang sinabi ng kaniyang lola โ na may mga bagay na mas mahalaga kaysa sa takot. Kaya kinuha niya ang garapon at walang alinlangang binuksan ito. Maliit na lamang ang liwanag, ngunit sapat upang makita ang daan.
Hinahanap nila si Rosa sa likod ng mga puno, sa tabi ng balon, at sa lumang tindahan hanggang sa marinig nila ang kaniyang mahinang hikbi mula sa isang maliit na kubo.
Nandoon siya, nanginginig at takot na takot. Agad itong tumakbo sa bisig ng kanyang ina nang makita ito pagkatapos ng ilang oras na pamamalagi sa madilim na espasyo.
Hindi labag kay Sinag ang tumulong ngunit hindi nito maiwasang malungkot sapagkat nang tingnan niya ang garapon, halos wala na itong laman. Isang munting kislap na lamang.
Kinabukasan, pumunta siya sa gitna ng baryo upang sana ay magnilay sa kanyang mga desisyon.
Doon niya nakita si Lino na may dalang maliit na lampara para sa iba. Sa kabilang bahagi naman, may dala si Mang Isko na bote ng langis para sa isang matandang walang pangsindi. Maya-maya, nakita niya ang ina ni Rosa na may dalang kandila para sa isang batang mag-isang nakaupo sa gilid ng daan.
Isa-isa, nagsimulang magbigay ng liwanag ang mga tao at hindi nagtagal, napuno ang Sikatan ng maliliit na ilaw. Hindi kasingliwanag ng araw ngunit sapat upang makita nila ang isa't isa. Tumingin si Sinag sa kaniyang garapon dahil dito. Ang buong pag-aakala niya ay wala na itong laman, ngunit naroon pa rin ang maliit na liwanag. Mas maliit kaysa dati ngunit buhay.
Dali dali siyang umuwi at dinala sa kaniyang lola ang natitirang araw. Ngumiti ang matanda at itinuro ang baryo. Ani nito, ito ang nag-iisang dahilan. Dahil hindi pala nauubos ang liwanag kapag ibinibigay.
Dumarami ito.
Dagdag pa ng matanda, ganoon din ang mga taong nauna sa kanila. Ibinigay nila ang kanilang liwanag upang magkaroon ng sariling liwanag ang mga susunod. Maaaring wala na ang kanilang mga katawan, ngunit hindi ang liwanag na iniwan nila.
Kinaumagahan, muling nagtipon ang mga tao sa gitna ng baryo. Biglang kumislap ang kaniyang maliit na araw at narinig niya muli ang bulong. Ngunit ngayon, hindi na ito isang tinig. Parang libo-libong tao ang nagsasalita nang sabay-sabay.
โHuwag ninyo kaming alalahanin lamang.โ
Napatingin si Sinag sa pinanggagalingan ng boses. Sa kanyang ngayon ay mumunting liwanag na lamang.
โAlalahanin ninyo ang mga dahilanโ
Nang umaga ring iyon, may nangyaring matagal nang hinihintay ng buong bayan. Sa pagitan ng dalawang bundok, may isang maliit na sinag na sumilip at isang batang may maraming tanong ang unang nakakita nito.
โAraw!โ sigaw ni Sinag.
Sabay sabay na tumingala ang mga taga baryo at unti-unting lumitaw ang araw sa likod ng mga bundok. Matagal nila itong hinintay, ngunit nang sumikat ito, napagtanto nilang hindi pala sila lubusang nabuhay sa dilim. Dahil sa loob ng maraming taon, may mga taong patuloy na nag-iingat ng liwanag at may mga taong patuloy na ipinapasa ito.
Sa sandaling iyon, naunawaan ni Sinag ang tunay na dahilan kung bakit may mga araw na hindi kailanman nawawala.
Hindi pala ang araw sa langit ang nagbibigay ng lahat ng liwanag. Ang liwanag sa kanilang baryo ay nagmula sa mga taong nauna sa kanila, sa atin. Sa mga taong nangarap ng kalayaan. Sa mga taong tumindig para sa kanilang kapwa. Sa mga taong nagsalita kahit mas ligtas sana ang manahimik. Sa mga taong lumaban kahit alam nilang maaaring hindi nila makita ang bunga ng kanilang laban. At sa mga taong nagbigay ng kanilang buhay para sa isang bayang hindi pa nila nakikitang malaya.
Dahil ang mga ito ay maaaring wala na sa tabi natin, ngunit ang kalayaan na kanilang ipinaglaban ay nasa ating mga kamay. Ang mga pangarap na kanilang ipinaglaban ay nasa ating mga mata. At ang liwanag na kanilang iniwanโtayo ang may hawak.
โ
Sa bawat liwanag na dala ng batang tulad ni Sinag, maraming kuwento ang hindi kailanman dapat malimutan.
Nawa ay matuklasan natin na ang liwanag na iniwan ng mga bayani ay hindi kailanman nauubos. Dumarami ito sa tuwing ipinapasa natin.
Pagpupugay sa bawat bayani!
sa panulat ni Arlyn Lolong
dibuho at animasyon ni JM Olan