30/01/2026
ππ’πππ«ππ«π² | Ang Ingay ng Hindi Laude
Second year pa lang si Maria, pero pagod na siya sa salitang malapit ka na.
May isang asignatura siyang tres. Hindi pa graduation, hindi pa pagtatapos, pero sapat na iyon para ipaalala sa kanya na malabo na ang salitang Laude. Isang numero pa lang, pero parang buong hinaharap na ang tinamaan.
βOkay lang βyan,β sabi ng iba.βBata ka pa,β dagdag nila.βMay bawi pa,β paulit-ulit na pang-aliw.
Ngumiti si Maria. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag na may mga bagay na hindi binabawi ng panahon.
Sa loob ng dalawang taon, natutunan niyang sukatin ang sarili sa grado. Bawat uno ay patunay. Bawat mababang marka ay tanong sa halaga niya. Hindi siya bumabagsak, pero parang laging kulang. Hindi humihinto, pero parang laging nauubos.
Ang tres ay hindi bagsak. Hindi rin karangalan. Isa itong paalala na kahit anong sipag, may mga araw na talagang hindi kakampi ang katawan at isip.
May mga gabi na nag-aaral siya hindi dahil may exam, kundi dahil takot siyang maiwan. Ayaw niyang maramdaman na kulang ang binigay niya kahit alam niyang binigay niya ang lahat.
Sa klase, tahimik si Maria. Mas sanay siyang magsulat kaysa magsalita. Mas madali niyang ipasa ang papel kaysa ipaliwanag kung bakit mabigat na ang dibdib niya. Kapag sinasabi ng propesor na mataas ang pamantayan, naririnig niya iyon bilang babala, hindi hamon.
Sa loob ng isip niya, may ingay na ayaw tumahimik.
Laude.
Hindi ito sigaw ng tagumpay. Isa itong reklamo na walang lakas ng loob lumabas. Isang pagod na hindi pa pwedeng aminin dahil wala pa naman siyang napapatunayan.
Minsan, iniisip ni Maria kung kailan siya pwedeng mapagod nang walang paliwanag. Kung kailan niya pwedeng sabihin na hindi siya okay kahit wala pa siyang medalya, wala pang toga, wala pang palakpak.
Second year pa lang siya.
Pero ang pagod, parang pang-apat na taon na.
At sa gitna ng lahat, may isang bagay siyang unti-unting natutunan. Hindi lahat ng laban ay kailangan patunayan. Hindi lahat ng pangarap ay kailangan ipaglaban sa paraang ikinasisira ng sarili.
Tahimik pa rin si Maria. Pero ngayon, marunong na siyang makinig sa sarili.
At sa bawat gabing sinusubukan niyang matulog nang hindi binibilang ang grado, unti-unti niyang tinatanggap ang isang katotohanan.
Hindi siya Laude ngunit hindi pa siya tapos.
via Devine Grace Manlapaz