25/06/2026
TINGNAN || Sa pagdiriwang ng DSS Testimonial Rites 2026 na may temang BUKAS: Open Minds, Shared Futures, ikinararangal ipakilala ng Department of Social Sciences (DSS) ang ating panauhing tagapagsalita, 𝗗𝗶𝗿. 𝗔𝗯𝗶𝗴𝗮𝗶𝗹 𝗡. 𝗔𝗻𝗱𝗿𝗲𝘀.
Isang alumna ng BA Sociology ng Unibersidad ng Pilipinas Los Baños, si Dir. Andres ay isang mahusay at dedikadong lingkod-bayan na kasalukuyang CESO V at nagsisilbing Provincial Director ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Quezon Province.
Bukod sa kanyang matatag na karanasan sa propesyon, ipinamalas din ni Dir. Andres ang kanyang patuloy na paghahangad ng kahusayan sa pamamagitan ng pagtatamo ng Diploma in Development Management for Senior Executives mula sa Development Academy of the Philippines at pagkuha ng mga yunit sa Master in Public Management. Kaisa rin siya sa maraming programang pangliderato at pamamahala na lalong nagpalawak ng kanyang kakayahan bilang pinuno at tagapaglingkod ng sambayanan.
Bilang isang sosyolohista at lingkod-bayan, isinasabuhay ni Dir. Andres ang mga pagpapahalagang kaakibat ng temang BUKAS—ang pagiging bukas sa pagkatuto, pakikipag-ugnayan, at pag-unawa sa iba’t ibang realidad ng lipunan. Ang kanyang landas ay nagsisilbing paalala na ang kaalamang natutuhan sa sosyolohiya ay maaaring maging sandigan sa pagtataguyod ng makabuluhang pagbabago at responsableng pamumuno.
Sa kanyang pagbabahagi ng mga karanasan at pananaw, inaasahan nating higit niyang mabibigyang-inspirasyon ang ating mga nagsisipagtapos na magpatuloy sa pagiging mapanuri, makatao, at bukas sa mga posibilidad ng hinaharap.
Muli, malugod nating tinatanggap si 𝗗𝗶𝗿. 𝗔𝗯𝗶𝗴𝗮𝗶𝗹 𝗡. 𝗔𝗻𝗱𝗿𝗲𝘀, bilang panauhing tagapagsalita ng DSS Testimonial Rites 2026.
_____________________
I-follow ang UPLB Department of Social Sciences page o bisitahin ang aming opisyal na website (https://dss.cas.uplb.edu.ph) para sa mga karagdagang detalye.