05/05/2026
๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐-๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐ ๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐, ๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐-๐๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐ ๐๐๐๐๐ ๐๐ ๐๐๐๐๐๐๐๐๐ ๐๐๐๐
Noong magsimula ang giyerang agresyon ng US-Israel sa Iran at sa iba pang mga bansa sa Kanlurang Asya, nagdulot ito ng sunod-sunod na serye ng pag-sipa pataas ng presyo ng langis. Mariing kinukundena ng UPLB Grange Association ang makasariling interes ng imperyalistang Estados Unidos at Israel sa sunod-sunod nilang pakikidigma sa mga bansa sa Kanlurang Asya. Lubos din ang pagkundena ng organisasyon sa kawalan ng kahandaan, at ng mahabaan at nakasasapat na tugon ng Administrasyong Marcos-Duterte, at sa kapabayaan nito sa masang lalong naghihirap dulot ng krisis pang-ekonomiyang inanak ng krisis na ito sa langis.
Matatandaan na noong ika-28 ng Pebrero ngayong taon, naglunsad ang puwersang militar ng Estados Unidos at Israel ng Operation Epic Fury Laban sa Iran. Sa pag-atakeng ito ay nagkaroon ng serye ng pambobomba ang US-Israel sa mga imprastraktura ng Iran, dahilan para sapilitang isara ng nasabing bansa ang Strait of Hormuz. Ang giyerang agresyon na ito ay nagdulot ng supply shock ng langis sa buong daigdig dahilan para magkaroon ng walang kasiguraduhan sa kasapatan at sa presyo ng langis. Higit pa sa krisis sa langis, ang giyerang agresyon na ito ay nakakaapekto rin sa mga mamamayan ng Iran. Ayon sa Al Jazeera, umabot na sa 3,375 ang bilang ng pagkamatay sa Iran, at 2,509 naman sa Lebanon. Malinaw na hindi kapayapaan ang interes ng Estados Unidos kundi ang pansariling interes nito at pagpapatunay sa buong mundo na sila ang numero unong terorista.
Ngunit labas pa sa pinsalang dinulot ng Estados Unidos, mas lalong naramdaman ang pag-iral ng mga neoliberal na polisiya sa ating bansa. Bago pa man ang naging pag-atake ng US-Israel sa Iran, hindi na biro ang pag-taas ng presyo ng langis dahil may laya ang mga naglalakihang mga kapitalistang korporasyon na namamahala sa distribusyon ng langis na kontrolin ang presyo nito. Nagiging posible ito dahil sa Oil Deregulation Law na nagbibigay laya sa mga korporasyong ito na magkaroon ng mas malayang kompetisyon dahilan para makontrol nila ang presyo ng langis. Nang pumutok ang girian ng US-Israel laban sa Iran, kaagad na sinamantala ito ng mga malalaking korporasyon upang bumira sa kanilang mga makasariling interes na itaas ang presyo ng langis sa hindi makataong antas. Malinaw naman na may napakalaking reserba pa ang mga kumpanyang ito ng langis kung kayaโt hindi makatarungan ang ganitong pag-taas ng presyo para sa langis na maituturing na pangunahing pangangailangan ng masa.
Bunsod ng ilang buwan nang sunod-sunod na pag-taas sa presyo ng langis, lalong lumala ang krisis pang-ekonomiya ng bansa sa kaakibat nitong epekto ng pag-taas sa presyo ng mga bilihin bilang sa langis pangunahin umaasa ang mga prodyuser sa pag-transport ng kanilang mga produkto. Numero unong apektado rito ang mga tsuper at operator pangunahin ng mga jeepney. Sa mga naging sentimyento ng mga tsuper na nakilahok sa mga naging tigil pasada, hindi na nila kakayanin ang magpatuloy pa sa pamamasada kung magtutuloy-tuloy ang pag-taas ng presyo ng langis.
Sa kaso naman nating mga estudyante, nagbunga ito ng pagpapatupad ng pamahalaan ng mga polisiyang walang basehan at hindi epektibo gaya ng 4 Day Work Week na ipinatupad ni Marcos Jr. at 100% Full Online Class Modality na ipinatupad naman ng CHED. Dahil sa 4 Day Work Week, nalilimitahan ang mga estudyante sa akses sa mga pasilidad ng pamantasan dahil daw sa energy conservation. Napipigilan ang mga estudyante na isagawa ang ibaโt-ibang mga aktibidad sa kanilang mga klase o organisasyon na lalo lang sumasagka sa kanilang academic freedom. Samantala, napatunayan naman nang anti-estudyante ang online classes at nababawasan lamang ang kalidad ng pagkatuto bilang kalakhan sa mga degree programs dito sa UPLB ay mas praktikal ang pagkatuto sa mga laboratoryo at sa mga field works. Dagdag pa rito, mas lalo lamang mapapasa ang hirap lalo sa gastusin sa mga estudyante sa pangangailangan ng pantustos sa internet connection makasabay lamang sa ganitong moda ng pagkatuto.
Habang patuloy na naghihirap ang masa, nagpapatuloy naman ang pagkapal ng bulsa ng naglalakihang mga korporasyon sa laki ng nakakamal nilang pera sa pananamantala sa krisis na ito. Ayon sa INQUIRER.net, noong 2025 pa lamang ay umabot na sa Php 15.6B ang kinita ng Petron, at inaasahang mas tataas pa ito sa sunod-sunod na pag-taas ng presyo ng langis. Kasabay nito, binabarat din ng pamahalaan ang mga tsuper sa pamimigay ng ayudang hindi naman makasasapat para makasabay sa nagaganap na krisis na bunga rin naman ng kapabayaan ng gobyerno. Lalo lang nitong pinapatunayan na kumikiling ang estado sa interes ng mga malalaking pribadong kapitalista, at ganansya ng mga burukrata kapitalista sa pag-iral ng mga neoliberal na polisiya gaya ng Oil Deregulation Law, kaysa sa unahin ang interes ng masang lalong nababaon sa hirap dahil sa kapabayaan mismo ng gobyerno.
Panawagan ng UPLB Grange Association sa administrasyon at sa kabuuan ng pamahalaan na unahin ang interes ng masa at mas maghain ng mga tugon sa krisis na kinahaharap ng bansa na makasasagot sa pangmahabaang panahon. Una na rito ang pagbasura sa Oil Deregulation Law na nagbibigay laya lamang sa mga malaking korporasyon na mag-taas nang mag-taas ng presyo ng langis. Karugtong nito, sa gitna ng lumalalang krisis pang-ekonomiya, panawagan din natin na itaas ang sahod ng mga manggagawa sa mas nakabubuhay na antas. Ayon sa IBON Foundation, ang isang manggagawa ay sa dapat na kumikita ng halagang aabot sa Php 1,266.00 kada araw upang makasabay sa estado ng ekonomiya ng ating bansa. At para naman sa ating mga estudyante, matagal na nating panawagan na itaas ang badyet sa sektor ng edukasyon na makasasapat upang makapagdagdag ang mga pamantasan ng pasilidad na kakayaning tumugon sa ganitong klaseng mga krisis nang walang estudyanteng naiiwan.
Hinahamon namin ang administrasyon ni Marcos Jr. na kundenahin ang mga serye ng pag-atake ng Estados Unidos at Israel sa mga bansa sa Kanlurang Asya lalo at hindi ligtas ang bansa sa ekonomikal na implikasyon ng giyerang agresyong ito. Lalong hindi rin tayo ligtas sa banta ng giyerang agresyon lalo at nagpapatuloy ang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Tsina na hindi rin biro ang banta ng pang-aagaw ng teritoryo sa ating bansa. Hamon sa estadong ito na kumalas na imperyalistang impluwensiya ng Estados Unidos lalo at sa paraang ito tunay na nating makakamit ang ganap na pag-laya sa mga saligang suliranin na nagpapahirap sa ating bansa.
๐ข๐๐ ๐๐๐ฅ๐๐๐จ๐๐๐ง๐๐ข๐ก ๐๐๐ช, ๐๐๐๐ฆ๐จ๐ฅ๐!
๐ฆ๐๐๐ข๐ ๐๐ง๐๐๐ฆ! ๐ฃ๐ฅ๐๐ฆ๐ฌ๐ข ๐๐๐๐๐!
๐๐ ๐ฃ๐๐ฅ๐ฌ๐๐๐๐ฆ๐ ๐ข, ๐๐๐๐๐ฆ๐๐! ๐๐จ๐ฅ๐จ๐๐ฅ๐๐ง๐-๐๐๐ฃ๐๐ง๐๐๐๐ฆ๐ ๐ข, ๐๐๐๐๐ฆ๐๐! โ๐ป
๐๐ ๐ ๐๐๐ง๐ ๐ ๐ฎ๐ง๐ข๐๐ง:
AJLabs. (2026, April 27). US-Israel attacks on Iran: Death toll and injuries live tracker. Al Jazeera.https://www.aljazeera.com/news/2026/3/1/us-israel-attacks-on-iran-death-toll-and-injuries-live-tracker
Esmael, L. (2026, March 3). Petron books strongest year with p15.6b income in 2025. INQUIRER.net. https://business.inquirer.net/577128/petron-books-strongest-year-with-p15-6b-income-in-2025
IBON Foundation. (2026, April 13). NCR Family Living Wage (as of March 2026). https://www.ibon.org/flw-ncr-2603/