14/10/2026
Uring Magsasaka, Pangunahing Pwersa!
Mula pagkabata ay namulat na tayo sa ideyang "ang magtanim ay 'di biro"—ngunit ang katotohanan ay hindi naman kailangang maging pasakit ang pagtatanim kung ang lupa ay pagmamay-ari ng mga mismong nagbubungkal nito, kung may sapat na suporta mula sa pamahalaan, at kung hindi harap-harapang ninanakaw ang kanilang ani.
Ilang dekada at administrasyon na ang nagdaan subalit nananatiling tuyot ang lalamunan ng mga bumubuhay sa ating mga kabukiran. Maraming batas nga ang naipasa, subalit ang masalimuot na katotohanan ay huwad ang mga ito; walang tunay na makamasa at makatao. Nilalayon lamang nitong lalong busugin ang mga ganid na naghaharing-uri, komprador, at panginoong maylupa.
Kamakailan lamang, mas lalong naging malinaw ang kataksilan ng estado sa pagsali nito sa Pax Silica—isang imperyalistang kasunduan na pinangungunahan ng kapitalistang Estados Unidos. Kaakibat nito ang pagtatayo ng isang AI hub na may sukat na 1,600 hanggang 1,620 hektarya sa New Clark City sa Capas, Tarlac. Humigit-kumulang 20,000 na mga katutubong Aeta at 15,000 na magsasaka ang walang habas na pinagkaitan ng lupa at kabuhayan. Hindi ito “progreso,” bagkus ito ay malawakang pangangamkam at militarisasyon sa Luzon Economic Corridor. Kasabay nito ang walang-prenong paglobo ng presyo ng mga pangunahing bilihin at petrolyo, siyang ramdam hindi lang ng ating mga magsasaka kundi pati ng masang Pilipino, na ang puno’t dulo ay ang mga karahasang pinopondohan ng Estados Unidos.
Kaya naman, sa paggunita ng Buwan ng mga Pesante ngayong Oktubre, mariin nating kondenahin ang mapaminsalang Pax Silica at ang anumang anyo ng panggigipit sa mga anak-pawis. Hamon sa bawat isa sa atin na tahasang tumindig sa panig ng api dahil bilang mga Iskolar ng Bayan, na hinulma ng lupang saksi sa militanteng pakikibaka ng sambayanan, hindi sapat na maging mahusay lamang tayo sa larangan ng akademya. Ang ating kahusayan ay walang kabuluhan kung hindi gagamitin bilang sandata laban sa pangingikil ng mga nasa kapangyarihan.
Huwag nating hayaang magtapos ang ating paglaban kasabay ng pagwawakas ng buwang ito dahil panahon na upang wakasan ang panlilinlang, militarisasyon, at pasismo sa kanayunan. Isalin natin ang ating kolektibong p**t sa malawakang pagkilos: makiisa sa mga mobilisasyon, isigaw ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, at sama-samang panagutin ang pasistang estado at ang mga imperyalistang galamay nito.
Maisasakatuparan lamang natin ito kung marangal nating isasabuhay ang ating kasaysayan ng pakikibaka at buong-lakas at tapang nating isusulong ang demokratikong karapatan ng mga mamamayan. Kaya naman, walang takot nating ipagsigawan:
Pesante, mabuhay ka!
🔸