04/06/2026
𝙆𝙖𝙥𝙥𝙖𝙣𝙖𝙡𝙞𝙜 2026: 𝙂𝙪𝙡𝙤𝙣𝙜 𝙣𝙜 𝙆𝙖𝙗𝙪𝙝𝙖𝙮𝙖𝙣, 𝘽𝙞𝙮𝙖𝙝𝙚 𝙣𝙜 𝘽𝙖𝙮𝙖𝙣𝙞𝙝𝙖𝙣
Ang Kappanalig ay taunang programang inilulunsad ng 𝙐𝙋 𝙆𝙖𝙥𝙥𝙖 𝙋𝙝𝙞 𝙎𝙞𝙜𝙢𝙖 – 𝘾𝙤𝙣𝙨𝙚𝙧𝙫𝙖𝙩𝙞𝙤𝙣 𝙖𝙣𝙙 𝘿𝙚𝙫𝙚𝙡𝙤𝙥𝙢𝙚𝙣𝙩 𝙎𝙤𝙘𝙞𝙚𝙩𝙮 (UP KPS-CDS) na naglalayong mangalap ng pondo at materyal na tulong para sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan. Higit pa sa simpleng donasyon, ito ay isang panawagan ng pakikiisa. Isang paalala na sa gitna ng krisis, ang tunay na lakas ng bayan ay nagmumula sa sama-samang pagkilos at pagtindig para sa isa’t isa.
Ngayong taon, dala ng temang “Gulong ng Kabuhayan, Biyahe ng Bayanihan” na gaganapin sa Mayo 24, 2026, nakatuon ang Kappanalig 2026 sa isa sa mga sektor na lubhang naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis—ang ating mga tsuper. Sa Brgy. Batong Malake, Los Baños, Laguna, 60 tsuper ng tricycle mula sa LBSTODA ang napiling maging pangunahing benepisyaryo ng programa.
Sa kasalukuyan, kapansin-pansin ang bigat ng kanilang kinakaharap: mula sa dating halos ₱1000 na kita sa isang araw, marami sa kanila ang kalahati na lamang o mas mababa pa ang naiuuwi. Kasabay nito, dumoble ang kanilang gastos sa gasolina. Mula sa humigit-kumulang ₱200 noon, umaabot na ito ngayon sa ₱450–₱500 kada araw. Sa kabila ng pangakong tulong mula sa gobyerno, sila ay hindi pa rin nakakatanggap ng ipinangakong subsidy. Dahil dito, napipilitan silang magsakripisyo, maging sa mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya tulad ng pagkain.
Sila ang araw-araw nating kasama sa biyahe. Sa pagpasok sa paaralan, sa trabaho, at sa bawat galaw ng ating komunidad. Ngunit sa likod ng kanilang serbisyo ay isang tahimik na pakikibaka para sa kabuhayan.
Kaugnay nito, taos-puso naming inaanyayahan ang mga organisasyon, kompanya, at indibidwal na maging aming partners at sponsors sa proyektong ito. Ang inyong suporta, maaaring pinansyal, in-kind, o sa anyo ng kolaborasyon ay direktang makatutulong sa pagbibigay ng makabuluhang tulong sa aming mga benepisyaryo at sa pagpapatibay ng diwa ng bayanihan sa komunidad.
Sa huli, ang Kappanalig ay hindi lamang tungkol sa pagbibigay. Ito ay tungkol sa pakikiisa sa laban ng mga sektor na patuloy na nagsisilbi sa atin.
Dahil ang laban ng tsuper ay laban din ng komyuter.
📩 Para sa partnerships at sponsorships, makipag-ugnayan lamang sa amin sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa [email protected]