26/05/2026
LATHALAIN | Kambal na Pangarap sa Iisang Panalangin
ni Franchezka Escobañas
Sabi nila, masaya ang magkaroon ng kapatid sapagkat may 'instant' na sandigan sa loob ng tahanan. Ngunit para sa kambal na sina Ma'am Shaira at Ma'am Aira, hindi lamang sa apat na sulok ng bahay naramdaman ang suporta sa isa’t isa—kundi maging sa pag-abot ng kanilang pinakamalaking pangarap.
Sa iisang duyan nagsimula ang kanilang pangarap, at sa iisang tagumpay rin ito humantong—ang pagiging ganap na licensed professional teachers. Hindi lamang simpleng pagpasa sa Licensure Examination for Teachers (LET) ang kanilang nakamit, kundi isang pambihirang tagumpay bilang magkapatid, magkaklase, at magkaagapay na tumahak sa iisang landas.
Hindi naging madali ang buhay-kolehiyo para sa kambal, ngunit mas naging magaan ang pasanin dahil hindi nila kinailangang lumaban nang mag-isa. Sa bawat academic requirements, demonstrations, at examinations, palagi nilang kasama ang isa't isa. Habang ang isa ay gumagawa ng lesson plan, ang isa naman ay naghahanda ng instructional materials. Sa tuwing may hindi nauunawaan sa aralin, mayroon silang kakambal na handang umalalay sa anumang pagkakataon. Kapag napapagod ang isa, may isang handang umintindi. Kapag may nakakalimutang gawain, may isang magpapaalala. At kapag pinanghihinaan ng loob ang isa, may isang magsasabing “Kaya pa”.
Ngunit sa likod ng masasayang alaala bilang magkambal at magkaklase ay may mga pagsubok ding tahimik nilang hinarap. Bilang dalawang anak na sabay na nag-aaral, hindi naging madali ang sitwasyon para sa kanilang pamilya lalo't higit dahil ang kanilang ina lamang ang todo-kayod para sa kanila. Bagama't biyaya para sa kanila ang makapag-aral sa isang State University, aminado silang hindi pa rin biro ang gastusin, lalo na tuwing panahon ng demonstration teaching.
Kasabay ng mabigat na hamon sa mundo ng akademya ay ang takot at pagdududa rin sa sarili habang papalapit ang araw ng LET. Ayon sa kanila, mas mahirap daw kalabanin ang anxiety, pressure, at pagdududa sa sarili kaysa sa mismong pagrereview. Dagdag pa ni Ma'am Shaira, dumating pa sa punto na halos wala silang maayos na review dahil sa ilang personal na dahilan, kaya naman labis ang naging takot nilang baka kulang ang kanilang paghahanda.
Sa kabila ng lahat, hindi nila hinayaang manaig ang takot at pangamba. Sa halip, pinili nilang kumapit sa pananampalataya at sa lakas ng isa't isa. “Niluhod at iniyak ko talaga sa Diyos ang pagpasa namin,” pagbabahagi ni Ma'am Aira. Sa bawat pagod, puyat, at pag-aalala, naging sandigan nila ang sariling determinasyon at ang matibay na paniniwalang may Dakilang Gabay na hindi sila pababayaan.
Kaya naman nang tuluyang lumabas ang resulta ng LET at makita ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga pumasa, bumuhos ang emosyon ng lahat para sa kanila. Matapos ang mga gabing puno ng pagod at mga araw na puno ng pangamba, sa wakas ay hawak na nila ang pangarap na matagal nilang ipinaglaban.
Sa kasalukuyan, hangad muna nina Ma'am Shaira at Ma'am Aira ang makapagturo at makapagbahagi ng kanilang kaalaman bilang mga bagong lisensyadong g**o. Plano rin nilang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at paglinang sa kanilang propesyon upang mas lalo pang makatulong sa mga susunod na henerasyon ng mag-aaral.
Sa mundong puno ng kompetisyon at kanya-kanyang hakbang, pinatunayan ng kambal na may mga pangarap na mas gumagaan kapag may katuwang ka sa pagpasan. At sa kanilang kuwento, malinaw ang isang aral: ang tagumpay ay mas nagiging matamis at makahulugan kapag may kasama kang lumaban.