09/08/2023
Ang buong Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa pangunguna ng Bureau of Learning Delivery-Indigenous Peoples Education Office (BLD-IPsEO) at International Cooperation Office (ICO) ay buong pusong nakikiisa sa pagdiriwang ng Pambansa at Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo o National and International Day of the World’s Indigenous Peoples ngayong Agosto 9, 2023.
Sa temang "Katutubong Kabataan bilang Tagapagtaguyod ng Pagbabago para sa Sariling Pagpapasiya o Indigenous Youth as Agents of Change for Self-determination," ating kinikilala ang mahalagang papel na dapat gampanan ng mga katutubong kabataan upang tumibay ang kakayahan ng mga katutubong pamayanan na maipatupad ang sariling pagpapasya tungo sa kaunlaran.
Itinalaga ang ika-9 ng Agosto bawat taon bilang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Katutubong sa Mundo noong ika-23 ng Disyembre 1994 sa bisa ng resolusyon 49/214 ng United Nations (UN) General Assembly. Bilang pagtugon sa panawagan ng UN, ipinatupad ang Republic Act No. 10689 upang ipagdiwang ang Pambansang Araw ng mga Katutubo sa araw na ito. Hinihikayat ang lahat mula sa iba’t ibang panig ng mundo na sariwain sa araw na ito ang kahalagahan ng pagtataguyod ng mga karapatan ng mga katutubo.