15/06/2023
[GRADUATION RITES IS STUDENTS' RIGHTS!]
TUTULAN ANG PAMUMULITIKA AT HINDI MAKA-ESTUDYANTENG GRADUATION RITES! ITAKWIN ANG MGA PAHIRAP AT HINDI MAKA-MAMAMAYANG PULITIKO.
Ang graduation rites ay inilulunsad upang bigyang karangalan ang mga iskolar ng bayan at ating mga magulang o pamilya na nagsumikap at pinagtrabahuhan ang ating pag-aaral. Ang seremonyang ito ay pagbibigay-pugay sa ating binaybay para pag-aralan ang mga disiplinang tinahak natin upang pagsilbihan ang lipunan.
Sa kabila ng kabuluhan ng seremonya na espasyo para ipagdiwang ang kanilang tagumpay at karangalan, ginamit pa ng BulSU Admin na pagkakataon ito para itanghal ang mga pulitikong may kasaysayan ng pagnanakaw ng kaban ng bayan, pagmamalabis at pagsasamantala sa mga magsasaka, mangingisa, manggagawa at malawak na hanay ng masa, at pandarahas at pambubusal laban sa progresibo at tumitindig na kabataan at mamamayan - mga katangiang taliwas sa ubod na prinsipyo ng BulSU. Habang lantaran ang pagpapapasok sa mga pahirap at hindi maka-mamamayang pulitiko, ang mga estudyante naman ay malimit lang na may akses sa mga plataporma ng pamantasan dahil madalas sila'y binubusalan, nire-redtag, tinatakot, at pinipigil sa kanilang mga progresibong aktibidad.
Sa halip ding pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng isang sistematiko at maayos na sistema at kondukta ng seremonya na dapat ay nakasentro sa karangalan ng mga estudyante’t kanilang magulang, magulo, hindi pantay-pantay at hindi koordinado ang ibinabalato para sa mga estudyante. Malayong-malayo ito sa tiyak na espesyal na pagtrato at pangangasiwa para salubungin ang mga pulitikong labis na tinatangi ng BulSU Admin bilang tapat at tutang tagapangasiwa ng mga anti-mamamayang patakaran ng mga ito sa pamantasan.
Isa lang ang sistema sa seremonyang ito sa marami pang problema sa sistema ng BulSU na pinapasan ng mga mag-aaral - mula sa sistema ng admission at enrolment, grading system, at miski pagproseso ng mga dokumento. Pinamasaklap pa, sumasalubong din ang hindi makaestudyanteng pasanin sa hindi aksesibol na pag-aaral, mababang kalidad ng pagkatuto, at kawalan ng demokratikong espasyo. At sa labas ng paaralan, lugmok pa rin ang kalagayan ng mga pamilya dahil sa pang-ekonomya at pampulitikang krisis na dinudulot ng administrasyong US-Marcos-Duterte.
Ang nagkakaisang puwersa ng masang estudyante, mga publikasyon, organisasyon, at mga pampulitikang partido, ay tumitindig laban sa hindi makaestudyante, palpak, at hindi sistematikong seremonya ng pagtatapos. Naninindigan ang mga nakalagda na higit dapat nating itaguyod ang pagbibigay ng pagkakataon para sa mga magsisipagtapos na maging pangunahing personahe ng pagtitipon at hindi bilang tagapakinig lamang ng pulitikong walang kinalaman sa kanilang tagumpay na makapagtapos at mairaos ang pangarap na diploma.
Sa ganitong kalagayan na lantaran tayong binabalewala ng ating administrasyon at gobyerno, malaki ang kahingian mula sa bawat magtatapos na BulSUan at mga iskolar ng bayan na gamitin ang nakuhang kaalaman upang magsilbi sa sambayanan hindi para sa iilang mayayaman at dayuhan. Ipagsilbi natin ang diploma upang ibayong palakasin ang hanay na tagapagtaguyod ng ating karapatan at kinabukasan.
Mula sa pagkadismaya sa palpak na sistema ng graduation na nakaugat sa hindi maayos na sistema ng edukasyon, pang-ekonomiya at pampulitikang krisis, ituon natin ito sa sama-samang paninindigan at pagkilos upang isulong ang isang makamasa, makabayan, at siyentipikong sistema ng edukasyon - para sa masa at hindi para sa pamumulitika.