17/08/2026
Sa Gitna ng Baha, Mas Dapat Pag Igtingin ang Paninindigan para sa Edukasyon
Habang patuloy na pumapasok ang mga estudyante sa kabila ng baha at iba’t ibang kakulangan sa suporta, muling nabibigyang-pansin ang isang mahalagang tanong, paano nga ba binubuo at ipinaglalaban ang badyet para sa edukasyon?
Ngayong Agosto 17, 2026, alas-7:30 ng gabi, nagsasama-sama ang mga Student Regent, Student Trustee, at student leaders mula sa iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs) para sa “ANATOMY OF THE PHILIPPINE EDUCATION BUDGET: A Training on the Budget Process,” isang inisyatiba ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).
Mahalaga ang ganitong talakayan para sa mga lider-estudyante ng Bulacan State University (BulSU), lalo na sa harap ng kakulangan sa suporta para sa mga estudyante. Sa gitna ng baha, kung saan walang suspensyon at tuloy pa rin ang pagpasok, lalong nagiging mahalaga ang pagtalakay sa student welfare, campus safety, at sapat na pondo para sa edukasyon.
Ang edukasyon ay hindi opsyon o laruan, at ang suspensyon ay hindi biro sapagkat nakasalalay dito ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Kung gaano kaseryoso ang panawagan para sa edukasyon, ganoon din dapat ang paninindigan sa mga suliranin ng lipunan, kabilang ang flood control. Ito ay repleksiyon ng isang sistemang kailangang ayusin at panagutin.
Hindi sapat na malaman lamang kung magkano ang budget. Kailangang maunawaan kung paano ito binubuo at kung paano maipaglalaban ang mas sapat na pondo para sa bawat Iskolar ng Bayan.
Maraming salamat sa NUSP sa pagbuo ng espasyong nagtitipon sa mga Student Regent at student leaders mula sa iba’t ibang state universities. Sa ganitong mga inisyatiba, mas napapalakas ang pagkakaisa at paninindigan ng kabataan para sa isang edukasyong tunay na may sapat na suporta.
Dahil ang edukasyon ay hindi dapat pinagkakasya lang. Dapat itong binibigyan at nilalaanan nang sapat na pondo.