25/08/2026
HINDI DAHIL TUYO NA ANG LUPA NG MALOLOS, AY AYOS NA RIN ANG KARATIG BAYAN NITO
Habang may mga estudyanteng naghahanda para sa panibagong araw ng klase, may ilan namang hindi pa makaalis ng kanilang mga tahanan dahil baha pa rin ang bumabalot sa kanilang mga komunidad.
Sa ilang lugar, hindi simpleng pag-ulan ang kinakaharap. May mga kalsadang binabaha, rutang hindi madaanan, at pampublikong transportasyong naaantala. Para sa mga estudyanteng kailangang bumiyahe nang malayo patungong unibersidad, ang pagpasok sa face-to-face classes ay nangangahulugan ding pagharap sa panganib bago pa man makarating sa silid-aralan.
Dahil dito, nagsumite ang Office of the Student Regent (OSR) at Bulacan State University Student Government ng petisyon sa University Administration para sa pansamantalang pagsususpinde ng face-to-face classes sa Agosto 26, 27, at 29. Kasama rin sa panawagan ang posibleng pag-aadjust ng Midterm Examination Week at paggamit ng flexible learning modalities kung magpapatuloy ang mga abala dulot ng panahon.
Hindi naman hinihingi ng petisyon na isantabi ang edukasyon. Ang hinihingi ay kaunting konsiderasyon para sa mga estudyanteng ang pagpasok sa klase ay nangangahulugan munang pagtawid sa baha, paghihintay sa masakyan, at pagsusugal sa kaligtasan.
Dahil ang edukasyon ay mahalaga. Pero ang mga taong pinagsisilbihan nito ay mahalaga rin.
Sa panahong hindi pa rin tiyak ang lagay ng panahon, sana ay hindi kailangang pumili ng isang estudyante sa pagitan ng pagpasok sa klase at pag-uwi nang ligtas.
Basahin ang kabuoan ng petisyon: https://bit.ly/4qGDk9a