16/03/2026
Tagumpay na naidaos Ang Pamanang Alab 2026 noong Huwebes, ika-12 ng Pebrero, na may temang Paghahayuma: Mga Hibla ng Anak Pawis bilang pagkilala sa Paghahayuma, ang sining ng paghahabi at pagkukumpuni ng lambat sa Hagonoy na nagsilbing makapangyarihang talinghaga ng buhay, at ang pakikibaka ng mga Anak-Pawis ng Bulakan, Bulacan.
Nakiisa sa programa ang mga espesyal na panauhin na pinangunahan ni G. Jerry Gracio, kasama si Ma. Cristina V. Rodriguez, Executive Director ng Bantayog ng mga Bayani, at mga kapamilya ni Francisco “Soc” Rodrigo. Binigyang-diin ni G. Gracio ang papel ng panitikan, hindi lamang upang itala ang kasaysayan, bagkus ay maging kasangkapan sa pagbabago ng lipunan. Itinuturol na ang pagkamuhi ay pagkamuhi lamang kung walang direksiyon at sa talakayan, ang patutunguhang tinutukoy ay ang panulat at pagsusulat. Inilahad rin niya ang kahalagahan ng pagsulat ng sariling danas, lalong higit ang danas ng mga nasa laylayan na pagtitibayin ng pakikihalubilo at pakikipamuhay sa kanila. At panghuli, naging laman ng malayang talakayan ang pagtitimon ng sariling kinabukasan at pagtahak ng landas kung saan ka may kahusayan hanggang sa pananatiling gising sa mga panahong lumalabong muli at nagiging marahas ang kasaysayan at tumatawag ang silbi ng panulat.
Naging bahagi rin ng programa ang pagpapalabas ng video animation na itinatampok ang buhay at pakikibaka ni Francisco “Soc” Rodrigo bilang manunulat at ama sa panahon ng Batas Militar. Ang nasabing video animation ay bunga ng naging pananaliksik ng Departamento ng Wika, Panitikan at Araling Pilipino upang magsilbing module sa pagtuturo ng panitikan at kulturang popular. Nagpaabot din ng mensahe ang anak ni Soc na si Atty. Ramon “King” Rodrigo na nagbabalik-tanaw sa kaniyang danas ng pakikibaka kapiling ang kanyang ama.
Gayundin, ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa BA: Malikhaing Pagsulat ang kanilang husay at talento sa masining na pagbasa at pag-awit ng mga piling akdang humahayuma sa danas ng mga anak-pawis, na lalo pang pinag-alab ng kultural na pagtatanghal mula sa Lahing Kayumanggi Dance Group.
Sa diwa ng panitikan at pakikibaka, kinikilala ng Pamanang Alab ang mahalagang papel ng mga manunulat sa pagsasatinig ng mga hinaing at maging pagpupunyagi ng bayan. Tulad ng paghahabi ng lambat, ang panitikan ay hibla na nagdurugtong-dugtong sa mga karanasan, katotohanan, at paglaban ng noon at ngayong henerasyon.
Hanggang sa mga susunod pang Pamanang Alab! ❤️🔥