21/07/2026
TUTULAN ANG HUWAD NA KAPAYAPAAN!
Mariing tinututulan ng Lokal na Konseho ng Kolehiyo ng Narsing kasama ang Students' Rights and Welfare at Environmental Committee, ang Pax Silica at ang mga bantang kaakibat nito; hindi lamang sa karapatan, kapakanan, at kaginhawaan ng mga mag-aaral, kundi maging sa kalikasan, kabuhayan, at kinabukasan ng sambayanang Pilipino.
Hindi ito pagtutol sa pag-unlad.
Ang tinututulan natin ay ang uri ng pag-unlad na humihingi ng kapalit na alam naman nating hindi dapat isinusugal; ang ating lupa, likas na yaman, kalikasan, manggagawa, at ang susunod na mga henerasyon.
Dahil sa gitna ng mga pangakong trabaho, pamumuhunan, at inobasyon, nararapat lamang na na sumibol ang mga katunangan:
Sino ang tunay na makikinabang? At sino ang magbabayad ng tunay na halaga nito?
Hindi naman sapat na tawagin itong “economic development” kung ang kabayaran ay pagkasira ng kapaligiran, paglabag sa karapatan ng mga komunidad, at paglalagay sa panganib ng ating kinabukasan.
Sapagkat ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa bilyong dolyar na pumapasok sa ekonomiya. Nasusukat din ito sa kakayahan nitong pangalagaan ang kalikasan, igalang ang karapatan ng mamamayan, tiyakin ang dignidad ng manggagawa, at siguraduhing ang pinakamalaking pakinabang ay mapupunta sa sambayanang Pilipino, hindi lamang ng iilan.
Higit sa lahat, ito ay usapin ng pananagutan.
Pananagutan sa kalikasan. Pananagutan sa mamamayan. Pananagutan sa mga susunod na salinlahi.
Dahil hindi lahat ng pamumuhunan ay makatarungan. At hindi lahat ng tinatawag na pag-unlad ay tunay na kaunlaran.
Pax Silica, huwad na kapayapaan. Huwad na kaunlaran.
Neokolonyalismo, tutulan!