09/05/2026
Narito ang Posisyong Papel ng PUP Master of Arts in Filipino Society at PUP PhD Filipino Society, ang mga samahan ng mga gradwadong mag-aaral na kumukuha ng MA Filipino at PhD Filipino patungkol sa Panukalang Reframed General Education Curriculum:
Bilang mga gradwadong mag-aaral ng MA Filipino at PhD Filipino na nagpapakadalubhasa sa wika, kultura at panitikang Filipino at kabilang sa PUP Master of Arts in Filipino Society at PUP PhD Filipino Society, mariin naming ipinahahayag ang aming pagtutol sa panukalang Reframed General Education Curriculum na nag-aalis sa mahahalagang kursong nakatuon sa humanidades gaya ng wika, kultura at panitikan sa antas kolehiyo.
Naniniwala kami na ang kolehiyo ay hindi lamang paghahanda sa mga mag-aaral sa hinaharap para maging bahagi ng lakas-paggawa, kundi mahalagang bahagi ito ng paghubog ng kaakuhang Filipino at pagkabansa, kaya ang pagpapahalaga sa wika, kultura at panitikan ng bansa ay mahalagang manatili sa General Education Curriculum. Ang pag-aalis ng kursong may kaugnayan sa wika, kultura at panitikan sa GE ay pag-aalis din ng espasyo upang lalo pang mapalalim ang pag-aaral at pagtalakay sa ating identidad at pagkataong Filipino.
Lubos din naming ikinababahala ang magiging epekto nito sa amin dahil marami sa amin ay nagtuturo ng wika, kultura at panitikang Filipino sa kolehiyo. Bilang mga g**o, patuloy kaming nagpapakadalubhasa sa larangan ng wikang Filipino, kulturang Filipino at panitikang Filipino. Kami mismo ang mawawalan ng trabaho sa kabila ng patuloy naming pagsisikap, mahabang panahon ng paglilingkod at dedikasyon sa pagpasok sa gradwadong pag-aaral upang lalo pa naming mapahusay ang aming pagtuturo.
Marami sa amin ay kasalukuyang naka-enrol sa MA at PhD Filipino at marami rin ay magtatapos na ngayong semestre. Masasayang ang aming pagsisikap na makapagtapos ng MA at PhD kung mawawalan naman kami ng trabaho. Marami rin sa amin ay mga iskolar ng iba’t ibang institusyon na patuloy na sumusuporta upang mapataas ang antas ng aming kaalaman at kakayahan sa pamamagitan ng iskolarsyip para sa aming gradwadong pag-aaral.
Kinikilala namin ang pahayag ng CHED sa pangunguna ni Tagapangulong Shirley C. Agrupis na nagbibigay pa ng pagkakataon upang lalo pang mapag-usapan at mapag-aralan ang Panukalang Reframed General Education Curriculum.
Bilang bahagi sa paghahanap ng solusyon, iminumungkahi namin na magkaroon pa rin ng GE na may pamagat na “Wika, Kultura at Panitikang Filipino.” Sa pamamagitan ng kursong ito, mapananatili ang mahalagang papel ng wika, kultura at panitikang Filipino sa lalong mataas na edukasyon habang natutulungan ding maisalba ang kabuhayan naming mga g**o sa kolehiyo na patuloy namang nagsisikap at nagtuturo nang mahusay.
Patuloy kaming nakikiisa sa layunin ng CHED na paunlarin ang kalidad ng lalong mataas na edukasyon sa bansa. Handa at bukas din kaming makipagtulungan upang lalo pang mapabuti ang edukasyon sa ating bansa na hindi naisasantabi ang wika, kultura at panitikang Filipino.
Umaasa kami na patuloy na pakikinggan ng CHED ang aming hinaing at mungkahi para sa lalong ikauunlad ng edukasyon sa ating bansa.