01/05/2026
URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA!
Ngayong Araw ng mga Manggagawa, ating mas pinaiigting ang makatarungang paniningil laban sa lumalalang krisis na pinaghaharian ng rehimeng Marcos-Duterte at imperyalistang U.S.
Sa kasalukuyan, nananatili pa rin na mababa at hindi sapat ang minimum wage kung ikukumpara sa tunay na halaga ng mga gastusin para sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga manggagawang Pilipino. Humigit kumulang ₱695 ang pinakamababang sahod kada araw sa NCR habang mas mababa pa ang itinakdang pasahod para sa ibang rehiyon at probinsya. Malayong-malayo ito sa nakakabuhay na sahod upang matustusan ang pagkain, tirahan, transportasyon, at iba pang batayang pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino. Sa gitna ng mabilis na pagtaas ng mga presyo ng bilihin at pamasahe, ang mga manggagawa ang pilit na nagtitiis sa maliit na sweldo at mabigat na mga trabaho habang patuloy silang pinagsasamantalahan ng mga kapitalista’t kurakot na kumpanya.
Makikita rin natin ang patuloy na umiiral at bulok na sistema sa industriya ng paggawa sa bansa. Kamakailan, ang mga manggagawa mula sa Kowloon House ay naglakas-loob na ilantad ang mapang-abusong kalagayan na kanilang kinakaharap, kabilang ang hindi makataong pagtrato, mababang pasahod, at kawalan ng seguridad sa trabaho. Ang ganitong uri ng kalakaran ay hindi lamang paglabag sa karapatan ng manggagawa, kundi isa ring malinaw na pagyurak sa kanilang dignidad bilang tao. Nananawagan kami na wakasan ang ganitong mga sitwasyon sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga karagdagang polisiyang tunay na magpoprotekta sa kapakanan at karapatan ng ating mga manggagawa.
Kaugnay rin ng laganap na inflation ang oil price hike na mas lalong nagpapabigat sa pasanin ng ating mga manggagawa. Sa ilalim ng Oil Deregulation Law, binibigyan ng kapangyarihang kontrolin ng pribadong sektor ang presyo ng langis batay sa pandaigdigang merkado. Mula rito, nag-uugat ang pangdudusta ng mga naglalakihang kumpanya ng langis tulad ng Petron, Shell, at Chevron. Sa ganitong sistema, malinaw nating nakikita at nararamdaman ang walang pakundangang pagpapahirap at pagpapasa ng krisis sa mga ordinaryong mamamayan.
Hindi rin maihihiwalay sa mga suliraning ito ang patuloy na pag-iral ng imperyalistang impluwensya ng U.S. sa ekonomiya ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga neoliberal na polisiya at kasunduang nakasentro sa dayuhang kapital, inilalantad ng estado ang mga manggagawang Pilipino sa pandaigdigang krisis at patuloy na pang-aalipusta ng mga korporasyon sa ating lakas-paggawa. Nananatili tayong nakaasa sa importasyon na nagtatali lamang sa ating bansa at mga mamamayan sa kahirapan at kawalan ng kakayahan na magtakda ng sariling direksyon sa ekonomiya.
At sa gitna ng lahat ng ito, malinaw na hindi ang sambayanang Pilipino ang pinaglilingkuran ng rehimeng Marcos-Duterte. Sa kabila ng mahigpit na pangangailangan para bigyang-aksyon ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at langis, patuloy na binabalewala ng administrasyon ang panawagan ng mga manggagawa at tumitigil na lamang sa pagbibigay ng mga panandaliang solusyon gaya ng ayuda. Hanggang ngayon, walang pananagutan na ipinapataw ang administrasyong Marcos sa mga mapang-abusong kumpanya ng langis at iba pang kasabwat sa korapsyon. Sa halip, nilulunod ang mga mamamayan sa patong-patong na gastusin, mababang pasahod, at kawalan ng kabuhayan. Hindi ito ang dapat na maging panghabang-buhay na reyalidad ng mga Pilipino.
Ngayong Mayo Uno, taas-kamaong kinokondena ng Sigma Delta Pi Sorority - UP Manila ang tahasang pagyurak sa karapatan ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino ng rehimeng Marcos-Duterte at imperyalistang U.S. Sa nagkakaisang hanay ng mga manggagawa, maralita, kababaihan, at kabataan, patuloy natin na isulong ang mga panawagan para sa tunay na reporma, pagpapatupad ng ₱1,200 living wage, pagtanggal sa 12% VAT, at wakasan ang giyera ng U.S.
SAHOD ITAAS, PRESYO IBABA!
IMPERYALISMO, IBAGSAK!