06/05/2026
Pahayag ng Pagtutol ng UST Department of Creative Writing
sa Reframed General Education Curriculum ng CHED
Sa bawat pagtatangkang bawasan ang espasyo ng humanidades sa loob ng unibersidad, hindi lamang simpleng asignatura ang binubura, kundi mga posibilidad ng pagpapakatao. Hindi lamang mga kurso ang tinatanggal kundi mga tinig at alaala, maging ang pag-unawa sa sarili, sa lipunan, at sa kapwa.
Ang humanidades ang pundasyon ng edukasyong dulot ng unibersidad, nagpapaalala sa ating pag-iral bilang tao at hindi turnilyo ng makina ng kapital, nagpapaunawa sa mundo at sa kapwa. Sa mga asignaturang tulad ng Pagpapahalaga sa Sining, Etika, Pag-unawa sa Sarili at sa Kasaysayan, natututuhan nating hindi lamang magbilang o magtantiya o magkamal ng pera, kundi makiramdam. Ang unibersidad na walang humanidades ay gusaling matayog ngunit hungkag, o sa wika ng Tomasinong si Emilio Jacinto, “walang lilim, kundi damong makamandag.”
Sa panahon ng AI, ang pure technical training ay simbilis ng paglipas ng teknolohiya. Ang pagiging malikhain at makatao ay panghabambuhay. Kung ang edukasyon ay ihahain lamang bilang paghahanda sa merkado, ano ang silbi ng talino kung hindi marunong umunawa? Ano ang halaga ng husay kung hindi marunong magtanong kung para kanino?
Karapatan ng bawat isa sa atin ang edukasyon, ang maging buo ang pagkatao, at ito ang ibinibigay ng edukasyon sa humanidades. Hindi lamang tayo mga tagapagbayad ng buwis at kasangkapan para manatili sa kapangyarihan ang iilan. Tayo ay mga nilalang na may gunita, may paninindigan; may kakayahang magsalaysay, magsuri, at magpasiya. Ang edukasyong tumatapyas kung hindi man tuluyang magtanggal sa humanidades ay edukasyong kumikitil sa karapatang ito.
Ang pagtanggal sa mga asignaturang kaugnay ng humanidades ay tahasang pagbalewala sa ating pagkatao. Paano natin uunawain ang ating sarili kung aalisin ang mga larangang nagtuturo sa atin na basahin ang ating kasaysayan, kultura, at identidad?
Ang mga kurso ng humanidades ang nagsisilbing gabay upang magsuri ang mag-aaral. Sa gitna ng disimpormasyon, karahasan, at pagkakahati-hati, dito hinuhubog ang kakayahang magtanong: Ano ang tama? Ano ang makatarungan? Sino ang napag-iiwanan? Kung aalisin ito, sino ang maninindigan laban sa mali kung ang lahat ay sinanay lamang sumunod?
Kaugnay ng kursong Malikhaing Pagsulat, pinayayabong ng sining at humanidades ang pagiging malikhain. Hindi lamang ito dekorasyon sa kurikulum, ito ang pinanggagalingan ng inobasyon. Ang agham at teknolohiya ay hindi hiwalay sa imahinasyon. Bawat imbensiyon ay nagsimula sa isang tanong, sa isang bakit o paano. Kapag tinanggal natin ito, pati ang kinabukasan ay ating nililimitahan.
Sa huli, ang usapin ay hindi lamang tungkol sa kurikulum. Ito ay usapin kung anong uri ng lipunan ang nais nating buuin.
Naninindigan ang Department of Creative Writing ng UST na ang edukasyon ay hindi dapat pagtugon lamang sa pangangailangan ng industriya at kapital. Sapagkat sa bawat kuwento at sanaysay na binabasa, sa bawat tulang isinusulat o binibigkas, sa bawat titik na hinihingahan ng buhay, sa bawat pagsusuri, puna, lugod, doon natin muling natatagpuan ang ating pagkatao.