27/09/2026
𝟱𝟰𝗧𝗛 𝗠𝗔𝗥𝗧𝗜𝗔𝗟 𝗟𝗔𝗪 𝗖𝗢𝗠𝗠𝗘𝗠𝗢𝗥𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡
Sa paggunita ng ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar, nakikiisa ang UPV CFOS Student Council sa patuloy na pag-alala sa mga biktima ng diktadura at sa pagsasabuhay ng kanilang mga kwento at pakikibaka bilang paalala sa kabataan ng lakas ng sama-samang pagkilos.
Bilang bahagi ng paggunita, naglunsad ang Konseho ng isang educational exhibit na naglalayong ilapit sa sangkaestudyantehan ang madilim na kasaysayan ng Batas Militar at ang mga karahasang dinanas ng mga Pilipino sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr. Tampok din sa exhibit ang panawagang “Marcos Noon, Marcos Ngayon,” na nag-uugnay sa mga karanasan ng karahasan at panunupil noon sa mga usapin ng patuloy na pasismo at pang-aabuso sa kapangyarihan sa kasalukuyan sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Kasabay nito, may mga balatenggang isinabit sa loob ng kampus bilang bahagi ng kampanya sa paggunita—bitbit ang panawagang “NEVER AGAIN, NEVER FORGET” bilang pagpapaalala na hindi dapat burahin sa kasaysayan ang mga karanasan at pakikibaka ng mga biktima ng Batas Militar. Kasama ang buong sangkaestudyantehan ng CFOS, lumahok ang konseho sa 54th Martial Law Commemoration mobilization upang makiisa sa panawagan para sa hustisya, pananagutan, at pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan.
Sa loob ng mahigit walong taon ng Batas Militar, dumanas ang mga Pilipino ng iba’t ibang anyo ng karahasan at panunupil—mula sa iligal na pagkakakulong at tortyur hanggang sa pagpaslang at enforced disappearance. Ang pag-alala sa mga ito ay hindi lamang pagbabalik-tanaw sa nakaraan, kundi pagkilala sa mga biktima at paninindigang hindi kailanman dapat kalimutan ang malagim na kasaysayan ng pasismo at panunupil—upang hindi na muling maranasan ng sambayanan ang ganitong karahasan.
NEVER AGAIN. NEVER FORGET.