01/10/2026
𝙎𝙖 𝙡𝙖𝙗𝙖𝙣 𝙣𝙜 𝙢𝙜𝙖 𝙩𝙨𝙪𝙥𝙚𝙧, 𝙠𝙖𝙨𝙖𝙢𝙖 𝙖𝙣𝙜 𝙠𝙤𝙢𝙮𝙪𝙩𝙚𝙧!
Sa patuloy na US War of Aggression, ang sistema sa Pilipinas ay lumalala. Ang pagsarado ng Strait of Hormuz noong Pebrero ay nagdulot ng malalang krisis sa gasolina sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, kabilang na ang Pilipinas. Sa kasalukuyan, hindi na lamang ang Strait of Hormuz ang sarado, pati na rin ang Bab al-Mandab Strait, na siyang nagdulot ng muling pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ang krisis na ito ang siyang pinaghuhugutan ng lakas ng mamamayan upang ipaglaban ang karapatan ng bawat Pilipino. Sa pagtaas ng presyo ng gasolina, bumababa naman ang kita ng ating mga tsuper. Hindi lamang ang mga tsuper ang nakakaranas ng kahirapang dulot ng gyera, kundi pati na rin ang mga komyuter at konsyumer. Kasabay nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, na lalo pang nagpapabigat sa araw-araw na pamumuhay ng ating mamamayan. Sa ilang buwan nang pagdurusa at patuloy na panawagan, wala pa ring konkretong aksyon na ginagawa ang gobyerno. Hindi sagot sa patuloy na pagmahal ng gasolina at mga bilihin ang pagsususpinde ng excise tax sa kerosene at LPG. Isa lamang itong pansamantalang hakbang na hindi tunay na tumutugon sa ugat ng krisis at sa mga panawagan ng mamamayang Pilipino.
Sa sitwasyong kinakaharap ng mamamayan, naging patunay ang pakikiisa sa ating mga drayber at komyuter sa isinagawang Nationwide Transport Strike noong Setyembre 29 at 30, na dala-dala ng mga tsuper at komyuter ang mga panawagang tapusin na ang US War of Aggression. Kasabay dito ay ang panawagang tanggalin ang Excise Tax, 12% VAT, at ibasura ang Oil Deregulation Law, kung saan ay kinikilalang mas nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Ang ating pakiisa sa transport strike ay pakikipaglaban para sa katarungan at panawagan sa gobyerno na aksiyonan ang problemang kinakaharap at hindi palalain ito.
Ang patuloy na pang-aabuso ng imperyalistang US, kasabay ng pagkatuta ng administrasyong Marcos sa kanilang interes, ay lalong nagpapahirap sa mamamayang Pilipino. Ang kanilang mga patakaran at panghihimasok ay may direktang epekto sa kabuhayan ng ating mga manggagawa, tsuper, komyuter, at iba pang sektor ng lipunan. Kung kaya’t mahalagang unawain ang mga ugat ng krisis na ito at sama-samang kumilos upang wakasan ang bulok na sistemang patuloy na nagpapahirap sa mamamayan.
Kung kaya’t ang School of Technology Student Council, kasama ang buong hanay ng mga estudyante ay nakikiisa sa mga panawagan ng ating mga tsuper, sapagkat ang kanilang mga hinaing ay hindi nalalayo sa mga hinaing natin. Hindi natin maihihiwalay ang kanilang mga hamon sa atin kung pareho tayong inaapakan ng iisang sistema. Bilang mga kinatawan ng mga mag-aaral ng isang unibersidad na patuloy dinadanas ang sistema ng transportasyon na hindi tunay na tumutugon sa pangangailangan ng sangkaestudyantehan, kami ay mariing naninindigan na ang mga drayber ay dapat pakinggan at ipaglaban.
Ang pagtanggal sa mga pahirap na batas tulad ng Excise Tax, 12% VAT, at Oil Deregulation Law ay dapat agarang isakatuparan at aksyunan ng ating gobyerno. Kasabay nito, dapat ding tuunan ng seryosong pansin ang panawagan para sa makabuluhang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, upang makatugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang pagsama sa kanilang pakikibaka sa laban para sa isang makataong polisiya ay dapat nating ipagpatuloy. Hindi titigil ang masa hangga’t hindi nababago ang sistemang nagpapahirap sa bawat Pilipino.