13/05/2026
Lubos na tinututulan ng mga g**o ng Kasaysayan sa UP Visayas at ng UPV Kamaragtas ang panukala ng Commission on Higher Education (CHED) na pag “reframe” ng General Education units sa curriculum sa higher educations.
Kamakailan lamang ay nag-anunsyo ng isang panukala ang Commission on Higher Education (CHED) ukol sa planong pagbabawas ng required General Education (GE) units sa curriculum. Magreresulta ito sa 18 mandatory units mula sa kasalukuyang 36. Ayon sa CHEd, layunin ng panukala na pagsamahin at gawing mas intentional ang GE curriculum upang paigtingin ang pag-abot ng mga layuning pag-aaral nito. Sa ngalan ng pagiging 'globally competitive,' nilalayon nitong lusawin ang ibang kurso at disiplina tulad ng Philosophy, History, Ethics, at Art Appreciation.
Isang kurso sa panukalang curriculum ay naglalayong pagsamahin ang Life and Works of Rizal at Readings in Philippine History. Mababaw na kalinangan ang magiging resulta ng planong ito dahil imposibleng maituro ang iba’t ibang mga perspektibo ng ating kasaysayan sa lente lamang ng buhay ni Rizal. Malinaw dito ang potensyal na pagkawala ng malalim na pag-intindi sa kasaysayan ng Pilipinas. Sa isang bansa kung saan ang kasaysayan ay lubos na humuhubog sa kultura at identidad, ang pagkawala ng detalyado at masusing pagtuturo nito ay maaaring magdulot ng pagkalimot at pagkawalang-bahala ng mga mamamayan at ang potensyal na maki-apid sa mga mekanismong naglalayong burahin at baguhin ang ibang bahagi ng ating kasaysayan na hindi pabor sa pananaw at layunin ng iilan.
Bakit nga ba kailangang bawasan ang GE units? At bakit nga ba kailangan ang pag-abot ng layunin ng curriculum lamang ang bibigyang-atensyon?
Maliban sa sanayin ang mga estudyante para sa mga trabaho sa kani-kanilang disiplina, malalim ring nakaugat ang lalong mataas na edukasyon (higher education) sa kakayahan nitong humubog ng indibidwal at mamamayang may kakayahang mag-isip para sa sarili at unawain ang lipunang nakapaligid sa kanya. Makakamit lamang ang dalawang layuning ito kung walang sakripisyo sa pangkalahatang pagkabuo ng intelektwal na kamalayan ng mga estudyante. Sa mundong pera at paggawa ang nagdidikta sa buhay ng tao, maaaring malusaw ang pagkatao at pagkamakatao ng indibidwal. Ang dahasang pag-aalis ng mga daluyan kung saan mas pinagtutuunan ng pansin ang paglinang sa kakayahang maging mapanuri at pagiging kritikal, at ang pagre-rebisa ng mga paksang napag-uusapan ang pagkatao, pakikipagkapwa, kultura, at kasaysayan— ay tahasan ding pag-alis sa kakayahan ng mag-aaral na maging mulat at mapanuri sa mga pangyayaring panlipunan.
Kung ang nais ng isang mapagpalayang bayan ay mga proaktibong mamamayan sa pamamagitan ng mga kabataan na siyang itinuturing na pag-asa ng bayan, nararapat din na ang mismong edukasyong humuhubog sa kanilang intelektwal at panlipunang kalinangan ay hindi hayok sa pagkamit ng mga produktong magagamit lamang sa lakas ng paggawa o nakatuon lamang sa layunin ng paghahanda ng mga “manggagawang episyente”. Ngayon higit kailanman, kung kinakailangan man ng madaliang reporma, ang dapat isulong ay ang mga repormang mas magpapatatag at mas magbibigay kabuluhan sa mga asignaturang humuhubog sa historikal na kamalayan, panlipunang sensibilidad, at etikal na pananagutan ng mga mag-aaral upang hindi sila maging mga tahimik na tagasunod lamang ng mga umiiral na sistema, kundi mga mamamayang may kakayahang mag-isip ng kritikal at kumilos para sa isang kolektibong kabutihan.