29/04/2026
𝗗𝗲𝘃𝗖𝗼𝗺𝗽𝗼𝘀𝗲𝗱 | Hawla
Gapos ng mga iniingatang lihim
ng tunay na pagkatao
Sa likod ng makakapal na rehas
Nahihimlay ang isang presong nangangatog na
Sa mga gabing nakabubulag sa dilim
ang kalangitan
Kung saan tulog man o gising ay
Tila'y nasa bangungot pa rin ng nakaraan
Sa kung saan nag iingay ang kadiliman
kung saan namamaluktot
Hele ang sarili sa pagluha
Nananalukbong sa lilim ng takot at pagdududa
Dinig ang kalansing
ng patong-patong na kasalanan
Sa mga tanikalang sumisigaw na
"Hanggang d'yan ka nalang"
Maraming akong sugat na hindi alam ng iba
tinatago sa masayahing mukha
Upang hindi mahalatang ako'y mahina
Ngunit sa mga sandaling bumabalik ang kirot
Ay tila nalalagutan ako ng hininga
Mistulang lason sa aking dugo
ang bawat pag ngiti at pagtawa
Kahit ang pagbabalatkayo sa harap ng iba
At pagpapakitang ako'y masaya
ay hindi parin pala sapat
'Pagkat ang pagkukunwari'y nagdudulot din
ng panibagong sugat.
Mas malalim. Mas masakit.
Hindi ako humingi ng tulong sa iba
hindi dahil kaya ko pa
Kundi dahil hindi ko alam
kung paano magtitiwala, kanino mag titiwala?
Sa kalunos-lunos kong kalagayan
sa loob ng aking hawla
Sino sa aki'y tunay na nakakakilala?
Sino ang nakakabatid ng aking tunay na nadarama?
Sinong magnanais sagipin ang isang presong naghihintay na lamang malagutan ng hininga?
Hanggang sa sandaling
handa nang wakasan ang lahat
Handa nang itarak ang tabak
Ay may isang tinig na sa akin ay tumawag
Ang sambit ay "Malaya ka na"
Mga salitang matagal nang naglaho
Sa aking isipan, at hindi inaasahang
mapararangalan ng mga katagang
"Bayad na ang iyong mga kasalanan"
Tila ba ako'y naipit sa isang sigalot
Sa pagtatalo ng aking puso at isipan
Ngunit piniling lumuhod,
piniling lumuha sa kanyang paanan
At ang mga palad ko'y Kanyang binuksan.
_________________________
Written by Jasmine Neri
Illustration by Francis Anodan