23/04/2026
𝘿𝘼𝙂𝘼, 𝘽𝙄𝘼𝙂, 𝙆𝙄𝙉𝘼𝘽𝘼𝙆𝙉𝘼𝙉𝙂… 𝙎𝘼𝙇𝘼𝙆𝙉𝙄𝘽𝘼𝙉!
𝙃𝙐𝙎𝙏𝙄𝙎𝙔𝘼 𝙋𝘼𝙍𝘼 𝙆𝘼𝙔 𝘼𝙇𝙔𝙎𝙎𝘼 𝘼𝙇𝘼𝙉𝙊!
𝘾𝙊𝙉𝘿𝙀𝙈𝙉 𝘼𝙁𝙋’𝙎 𝘼𝙏𝙏𝘼𝘾𝙆𝙎 𝙄𝙉 𝙉𝙀𝙂𝙍𝙊𝙎!
𝙐𝙋𝙃𝙊𝙇𝘿 𝙄𝙉𝙏𝙀𝙍𝙉𝘼𝙏𝙄𝙊𝙉𝘼𝙇 𝙃𝙐𝙈𝘼𝙉𝙄𝙏𝘼𝙍𝙄𝘼𝙉 𝙇𝘼𝙒!
Kaisa ng mga Iskolar ng Bayan at ng buong komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas ang UP Namnama sa pagsusulong ng hustisya para kay Alyssa Alano, hustisya para sa Negros 19, at pagtigil sa pasismo ng militar sa kanayunan.
Si Alyssa, na may dugong Ilokano, ay Education and Research Councilor ng UP Diliman University Student Council. Isa siya sa mga karumal-dumal na pinaslang ng 79th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Negros. Nakipamuhay si Alyssa sa hanay ng mga magsasaka upang dalumatin at maunawaan ang kanilang tunay na kalagayan sa gitna ng pananamantala ng mga panginoong maylupa at militar sa Negros.
Ang ganitong pasismo ay hindi na bago sa kasaysayan ng Hilagang Luzon. Saksi ang kasaysayan sa pagdanak ng dugo sa pagkamartir ni Macli-ing Dulag noong panahon ng diktador na si Marcos Sr. Ngayon, makalipas ang ilang dekada, sa ilalim ng isa na namang Marcos, nagpapatuloy ang kultura ng impunidad at paglabag sa karapatang pantao.
Mariin naming kinokondena ang Ilokanong nakaupo sa Malacañang, na nasa likod ng mga pagpatay ngayon at ang madilim na kasaysayan sa panahon ng diktadurya ng kaniyang ama. Patunay ang pagkamartir ni Alyssa na walang ligtas, maski ang ating mga kailian, sa pasistang atake ng estado sa kanayunan. Sa patuloy na pangangamkam ng estado sa mga lupaing sakahan at pang-aalipusta sa kalakhang masa, mananatili ang mga kundisyon ng lipunan para sumibol ang makatarungang paglaban para sa ating mga karapatan. Hangga’t hindi nababaligtad ang tatsulok, patuloy na sisibol ang mga gaya ni Alyssa na handang lumaban para sa mga pinagsasamantalahan. Hamon sa atin ngayon na labanan ang pasistang estado at ipanawagan ang hustisya.
Kasabay ng pagsalubong natin sa mga bagong Iskolar ng Bayan, isinasalubong din natin ang tunay na diwa ng paglilingkod sa sambayanan. Ang edukasyon sa pamantasan ay hindi lamang limitado sa loob ng silid-aralan—ito ay nakaugat sa patuloy na laban para sa tunay na katarungan kasama ang masang pinagkakaitan. Isinabuhay ni Alyssa ang tunay na diwa ng pagiging Ilokano at Iskolar ng Bayan: mahusay, marangal, at matapang.
𝗧𝘂𝗺𝗶𝘁𝗶𝗻𝗱𝗶𝗴 𝗮𝗻𝗴 𝗨𝗣 𝗡𝗮𝗺𝗻𝗮𝗺𝗮 𝗸𝗮𝘀𝗮𝗺𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗹𝗮𝘄𝗮𝗸 𝗻𝗮 𝗵𝗮𝗻𝗮𝘆 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗜𝗹𝗼𝗸𝗮𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗜𝘀𝗸𝗼𝗹𝗮𝗿 𝗻𝗴 𝗕𝗮𝘆𝗮𝗻 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗻𝗮𝘄𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗵𝘂𝘀𝘁𝗶𝘀𝘆𝗮 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝗸𝗮𝘆 𝗔𝗹𝘆𝘀𝘀𝗮 𝗔𝗹𝗮𝗻𝗼 𝗮𝘁 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗵𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝗲𝘀𝘁𝘂𝗱𝘆𝗮𝗻𝘁𝗲, 𝗸𝗮𝗯𝗮𝗯𝗮𝗶𝗵𝗮𝗻, 𝗮𝗸𝘁𝗶𝗯𝗶𝘀𝘁𝗮, 𝗺𝗮𝗴𝘀𝗮𝘀𝗮𝗸𝗮, 𝗺𝗮𝗻𝗴𝗴𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗸𝘂𝗹𝘁𝘂𝗿𝗮𝗹, 𝗮𝘁 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼𝗻𝗴 𝗺𝗶𝗻𝗮𝗿𝘁𝗶𝗿 𝗻𝗴 𝗲𝘀𝘁𝗮𝗱𝗼.
STATEMENT
Noong Abril 19, walang habas na pinaulanan ng bala ng 79th Infantry Batallion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental kung saan halos 168 na pamilya at 653 na mga indibidwal ang napilitang magbakwit sa kanilang mga tahanan.
Kaugnay nito, ibinabalita ng UP Diliman University Student Council na isa sa mga nasawi ang ating kapwa Iskolar ng Bayan na si USC Councilor Alyssa Alano dahil sa pasistang atake at panunupil ng militar sa Negros.
Mariing kinukundena ng UP Diliman USC ang ginawang pagpatay ng AFP kay Alyssa na isang inosenteng sibilyan.
Lubos ding tinututulan ng UP Diliman USC ang karumaldumal at paulit-ulit na paglabag ng reaksyunaryong gobyerno at ng kanilang mga mersenaryo sa karapatang pantao ng mamamayan ng Negros at maging sa mga aktibistang sumasandig sa laban ng masang api.
Sa kasalukuyan, si Councilor Alano ang Education and Research Councilor ng USC UP Diliman.
Nakipamuhay at nakipag-aralan si Alyssa sa hanay ng mga kapatid nating magsasaka mula sa Negros upang alamin ang kanilang tunay na kalagayan sa harap ng pangangamkam sa lupa, pagsasamantala, at militarisasyon.
Nananatili ang Negros bilang isa sa mga rehiyong may pinakamatinding militarisasyon at paglabag ng karapatang pantao. Pinaigting ng Memorandum Order 32, na naglagay sa Negros sa “State of Lawless Violence”, ang pagtaas ng presensya at operasyong militar sa rehiyon.
Walang habas ang mga mersenaryo sa pangangamkam ng lupa at pananamantala. Tumitindi ang pandarahas, pandadakip, at pagpatay ng mga magsasakang Negrense.
Nakita at naintindihan ni Councilor Alano ang kahalagahan sa paggamit ng kaniyang talino at lakas upang ipaglaban ang mga karapatan ng mga estudyante at batayang sektor, lalo sa pagtindi ng krisis sa ekonomiya.
Si Alyssa ay naging isang mahusay, masikhay, mapagmahal, at dakilang lider-estudyante at tunay na anak ng bayan.
Nagluluksa ang konseho at buong komunidad ng UP sa pagkawala ni Alyssa. Mahigpit ding nakikiramay ang konseho sa kanyang mga naiwang pamilya, kaibigan, at mahal sa buhay.
Buong tapang at buong pusong tinanggap ni Alyssa ang hamon sa bawat Iskolar ng Bayan–ang paglingkuran ang sambayanan. Hinding-hindi natin siya malilimutan.
Nalulungkot ang buong konseho sa pangyayari, ngunit higit dito, pinipili ng UP Diliman USC na buong tapang at buong tatag na ipagpatuloy ang laban para sa hustisyang panlipunan at katarungan para sa lahat ng biktima ng pasismo ng kasalukuyang nabubulok na estado.
Hangga’t hindi nabibigyan ng solusyon ang ugat ng kahirapan, marami pa ang katulad ni Alyssa na handang pag-aralan ang lipunan at magiging handang ipaglaban ang isang lipunang malaya sa pagsasamantala. Hinding-hindi mapuputol ang diwa ni Alano sa malawak na hanay ng mga Iskolar ng Bayan na pahihigpitin pa lalo ang pagkakaisa para tuluyang magapi ang isang sistema ng lipunang mapang-api at mapagsamantala.
Iskolar ng Bayan, ipagpatuloy natin ang militanteng diwa ni Alyssa Alano!
Tumindig tayo, kasama ang bawat Iskolar ng Bayan, komunidad ng UP, at mamamayang Pilipino para sa tunay na kalayaan, katarungan, at hustisyang panlipunan!
Sumandig tayo sa laban ng mga magsasaka at lahat ng masang-api! Palakasin natin ang boses at pwersang yayanig sa sistemang mapang-api!
Alyssa, ang iyong buhay ay mananatiling isang maningning at matalas na tanglaw para sa bawat Iskolar ng Bayan, na patuloy na mangahas na makibaka at paglingkuran ang sambayanan!
Hustisya para kay Alyssa Alano!
Uphold International Humanitarian Law!
Militar sa Kanayunan, Palayasin!
Inutang na Dugo ng Pasistang Rehimen, Singilin, Singilin, Pagbayarin!