20/02/2026
MGA NAKAKASIRA AT NAKABABAWAS SA GANTIMPLA NG PAG AAYUNO
Ang pag-aayuno sa Ramaḍān ay hindi lamang pag-iwas sa pagkain at inumin. Ito ay pagsasanay ng kaluluwa, dila, mata, at puso. Ang tunay na ṣawm ay pag-aayuno ng buong pagkatao.
Ayon kay Prophet Muhammad ﷺ:
مَنْ لَمْ يَدَعْ قَوْلَ الزُّورِ وَالْعَمَلَ بِهِ، فَلَيْسَ لِلَّهِ حَاجَةٌ فِي أَنْ يَدَعَ طَعَامَهُ وَشَرَابَهُ
“Sinuman ang hindi tumigil sa kasinungalingan at masamang gawain, hindi kailangan ni Allah na iwan niya ang kanyang pagkain at inumin.”
— (Bukhārī)
1️⃣ Mga Tahasang Nakakasira sa Pag-aayuno
✔ Sinadyang Pagkain at Pag-inom
Kapag ang isang tao ay sadyang kumain o uminom habang nag-aayuno, nasisira ang kanyang ṣawm.
✔ Pakikipagtalik (Pagtabi sa Asawa) sa Oras ng Pag-aayuno
Ito ay malinaw na nakakasira ng pag-aayuno at may kaakibat na mabigat na kaffārah (pagbabayad-sala).
2️⃣ Mga Nakababawas ng Gantimpala
Bagama’t maaaring hindi tuluyang makasira sa fiqh aspect, binabawasan naman nito ang ajr (gantimpala).
❌ Pagtingin sa Hindi Kanais-nais
Ang mata ay dapat ding mag-ayuno.
❌ Masasakit na Salita, Paninirang-Puri, Tsismis
Sinabi ng Propeta ﷺ:
الصِّيَامُ جُنَّةٌ، فَإِذَا كَانَ يَوْمُ صَوْمِ أَحَدِكُمْ فَلَا يَرْفُثْ وَلَا يَصْخَبْ
“Ang pag-aayuno ay panangga. Kaya kapag araw ng pag-aayuno ng isa sa inyo, huwag siyang magsalita ng malaswa at huwag makipagsigawan.”
— (Bukhārī at Muslim)
Ang paninirang-puri (ghībah) at pagmamarites ay maaaring magbura ng malaking bahagi ng reward ng pag-aayuno.
3️⃣ Pakikipag-away at Galit
Kapag may gustong makipag-away, itinuro ng Propeta ﷺ na sabihin:
إِنِّي صَائِمٌ
“Ako ay nag-aayuno.”
Ito ay paalala sa sarili na ang layunin ng ṣawm ay pagpipigil at paglinis ng puso.
🌿 Mahahalagang Paalala:
🔸Ang tunay na pag-aayuno ay pag-aayuno ng dila, mata, tainga, kamay, at puso.
🔸Maaaring valid ang iyong ṣawm sa batas, ngunit walang laman sa gantimpala kung puno ng galit, tsismis, at masamang asal.
🔸Ang Ramaḍān ay buwan ng tazkiyah (paglilinis ng kaluluwa).
Hindi sapat na gutom ang tiyan
dapat gutom din ang puso sa kasalanan,
at sabik sa awa ni Allah.
゚