29/05/2026
DEFEND THE DEFENDERS! STOP RED-TAGGING! ABOLISH NTF-ELCAC!
Pahayag ng UP Office of the Student Regent hinggil sa panghaharas ng kapulisan sa mga miyembro ng komunidad ng UP Mindanao at iba pang mga organisador sa Timog Mindanao
Nitong Mayo 27, inilathala ng PNP Cateel Municipal Police Station sa isang Facebook post ang malisosyong listahan ng 14 na โactive wanted persons,โ kabilang sina UP Mindanao USC Chairperson Lara Felescoso, dating UP Mindanao USC Vice Chairperson Cobbie Jan Canda, dating KASAMA sa UP Vice Chairperson for Mindanao Fauzhea Guiani, at iba pang mga miyembro ng komunidad ng UP Mindanao.
Mariing kinukundena ng UP Office of the Student Regent ang nangyaring pananakot ng PNP sa mga nasabing indibidwal at iba pang mga progresibong organisasyon. Walang anumang kaso o arrest warrant ang nakahain sa mga nakalistang indibidwal. Hindi simpleng pagkakamali lamang ang paglalathala ng nasabing listahan dahil mahaba na ang kasaysayan ng pananakot at redtagging ng PNP at iba pang mga ahensya ng estado. Inilalagay ng listahang ito sa kapahakaman ang mga nakatalang indibidwal na wala namang ibang ninais kundi isulong ang karapatan at kagalingan ng mamamayan.
Malinaw na malinaw ang paglalabas ng listahang ito ay bahagi ng mas malawak na programa ng estado para sa panunupil at pamamasista sa mamamayan. Sukdulan sa pagtitipid ang pamahalaan sa pagpopondo sa mga batayang serbisyong panlipunan, ngunit bumabaha naman ang pondo para sa korapsyon at pamamasismo. Mula sa mga pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso kay UPD USC Chairperson Joaquin Buenaflor, hanggang sa pagpatay sa mga kapuwa natin Iskolar ng Bayan na sina Alyssa Alano at Maureen Santuyo, klaro ang layunin ng mga nasa kapangyarihan: supilin ang paglaban ng mamamayan para protektahan ang pagpapalaki ng kanilang ninakaw na yaman.
Nakikiisa ang UP Office of the Student Regent sa panawagang ibasura ang NTF-Elcac at singilin si Bongbong Marcos para sa pagpapatuloy at pagpapaigting ng programang panunupil ng gubyerno sa balangkas ng National Action Plan for Unity, Peace, and Development (NAP-UPD). Dapat ilaan sa mga batayang serbisyong panlipunan ang pondong ibinubuhos ng administrasyong Marcos sa korapsyon at pamamasismo.
Hindi masama ang tumindig at lumaban. Hindi kailanman basta-basta binigay ng estado ang pangangailangan ng mamamayan nang walang anumang laban. Tanging sa pamamagitan lamang ng sama-samang pakikibaka ng mamamayan natin makakamit at maitataguyod ang ating mga karapatan. Sa gitna ng lumalalang krisis pampulitika at pang-ekonomya, at tumitinting pasismo ng estado, nararapat lamang na higit pang pag-alabin ang ating laban para baliktarin ang bulok na sistemang ugat ng ating kahirapan.