29/09/2026
UNION DIARIES l VAT at Excise Tax Tanggalin, Korap Panagutin! Oil Deregulation Law, Ibasura! Pagsuporta sa Transport Strike, Setyembre 29, 2026
Nakiisa ang ating unyon sa laban ng mga tsuper sa kanilang kilos-protesta para tutulan ang labis-labis na pagtaas ng presyo ng langis. Tulad nila, tayo’y gumigising nang maaga, bumibiyahe, nagtitiis ng trapik, kumakayod para sa pamilya. Ngunit sa kabila ng ating mga pagsisikap, bakit lalo tayong naghihirap?
Ang Petron ay kumita ng ₱3.8 bilyon sa unang anim na buwan ng 2026 na katumbas ng nasa ₱20 milyon kada araw. Samantala, ang gobyerno ay kumikita ng ₱544 milyon bawat araw mula sa buwis sa diesel pa lamang. Habang sila’y paldong-paldo, ang karaniwang tsuper ay abonado: boundary, diesel, pagkain, at maintenance ng sasakyan ay umaabot ng halos ₱5,000 kada araw (₱3,000 dito ay napupunta sa langis sa halagang nasa ₱100 kada litro), samantalang ang kita mula sa pamasahe ng 200 pasahero ay nasa ₱2,800 lamang. Luging-lugi ang drayber, samantalang malaki ang tubo ng oil companies at gobyerno.
Hindi dapat ipasa sa mamamayan ang pasanin ng taas‑presyo at taas‑pasahe. Dapat tanggalin ang VAT at excise tax, ibasura ang oil deregulation law, at kontrolin ng gobyerno ang presyo ng langis at bilihin. Ang dapat ding buwisan ay ang mayayaman gamit ang progresibong tax system sapagkat sa datos noong 2022, 10% ng populasyon ang may hawak ng ₱40 trilyong yaman, samantalang ang 90% ay ₱15 trilyon lamang. Malinaw na iilan ang nagkakamal ng sobra‑sobrang kayamanan, habang ang nakararami ay laging lubog sa baha at sa utang.
Kaya ng ibang bansang panatilihing mababa ang presyo sa pamamagitan ng subsidy, pambansang industriya ng langis, at kontrol ng pamahalaan, ngunit hindi ito ginagawa ng administrasyon ni BBM. Ito ay dahil hindi ang taong-bayan ang kanilang priyoridad kundi ang interes ng sarili at mga lokal at dayuhang kapitalista. Napakataas ng kanilang kinikita sa langis at sa buwis, at dagdag dagok pa ang iba’t ibang porma ng korapsyon tulad ng maanomalyang flood control projects at budget insertions.
Hindi tayo dapat pumayag sa harap‑harapang pagsasamantala at pagnanakaw. Tayo’y kumilos, magkaisa, at bawiin ang yaman at kapangyarihang galing sa ating dugo’t pawis.
Sa laban ng tsuper, kasama ang komyuter!
Sahod, itaas! Presyo, ibaba!
Oil deregulation law, ibasura!
Itigil na ang gerang agresyon ng US-Israel sa Kanlurang Asya!