23/06/2026
| TULOY ANG PAKIKIBAKA NG MGA KONSENSYA NG BAYAN, SA DIWA AT ALA-ALA NINA ALYSSA, MAU, AT NG TOBOSO 19!
ILANTAD ANG ANTI-KABATAANG PROPAGANDA NG NYC, SINGILIN ANG HUSTISYA, PANAGUTIN ANG BERDUGONG MILITAR!
Dalawang buwan matapos ang masaker sa Toboso, Negros na kumitil sa buhay ng 19 katao, kabilang ang mga Iskolar ng Bayan na sina Alyssa Alano at Maureen Santuyo, patuloy na ginugunita ng komunidad ng UP ang kanilang kabayanihan at paglilingkod sa mamamayan. Samantala, sa halip na makiisa sa panawagan para sa hustisya at pananagutan, naglabas ang National Youth Commission (NYC) ng isang pahayag na inulit lamang ang baluktot na naratibo ng estado at kumondena sa anilaβy panlilinlang sa mga kabataan na lumahok sa armadong pakikibaka.
Mahigpit na kinukondena ng CSSP Student Council ang pagtatangkang ito ng NYC na balutin ng huwad na βpagmamalasakitβ ang pagdungis sa pangalan ng mga sibilyang pinaslang ng berdugong militar. Habang nagpapakilalang tagapagtaguyod ng kapakanan at demokratikong karapatan ng kabataan, pinili ng komisyon na magsilbing tagapagpalaganap ng mga naratibong matagal nang binibigyang-katwiran ang panunupil, paninindak, at pag-atake sa mga organisasyon at indibidwal na nagsusulong ng tunay na paglilingkod sa sambayanang Pilipino.
Sa pahayag na ito, isang araw bago ang paggunita rin sa Araw ng Kabataang Pilipino at ika-165 na kapanganakan ni Rizal, binigyang-diin ng NYC ang panganib na dala ng armadong tunggalian, subalit bigo silang harapin at bunturin ang katotohanan ng masaker at ang matagal nang krisis na kinahaharap ng mga magsasaka at kabataan sa Negros na siyang ugat ng pakikibaka ng mamamayan. Hindi nabanggit ng NYC ang 22.6% na poverty rate sa Negros Island, na siyang isa sa pinakamataas sa bansa. Hindi rin nabanggit ang milyong kabataang Pilipino na napipilitang magbanat ng buto para lamang makaraos, habang pinagkakaitan ang mga manggagawa at magsasaka ng nakabubuhay na sahod at kita.
Mismong ang mga rason na ito ang nagtulak kina Alyssa at Mau na tumungo sa kanayunan at makipamuhay sa mga magsasakang matagal nang inaagawan ng lupa. Nakapaloob man ang kabataan sa pangalan nito, ang National βYouthβ Commission ay walang pagkakaiba sa mga makinarya ng estado na sumusupil sa mga kabataang tumitindig para sa katarungan at panlipunang pagbabago.
Hindi ito ang unang pagkakataong ginamit ang retorika ng βpambansang seguridadβ upang lapastanganin ang pakikibaka ng masang inaapi. Matagal na itong pinaiiral ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) upang takutin at patahimikin ang mga kritikal at mulat na tinig. Ang mga institusyong ito ng pamahalaang pinatatakbo ng imperyalismong US at mga makapangyarihang may-ari ng lupa ang mismong nagpapasigla sa pag-usbong ng mga bayaran at malawakang troll farms. Batid ng mga kabataan ang mga kasinungalingan ng AFP sa mahaba nitong kasaysayan ng pamamasismo at pandarahas. Batid din nila ang kanilang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL) sa masaker sa Toboso, kayaβt armas ng estado ngayon ang sandamakmak na trolls na bumabalahura sa pagkatao ng mga biktima.
Hindi armadong kilusan ang βrecruiterβ ng mga kabataang pinipiling mag-alsa, bagkus ay ang gutom, dahas, at impunidad na pinaiiral ng estado sa mga mamamayan nito. Kung kayaβt taliwas sa mga paratang ng NYC, hindi kailanman mali ang landas na tinahak nina Alyssa, Mau, at ng mga kabataang patuloy na tumitindig laban sa kahirapan, kawalan ng lupa, at matinding militarisasyon. Silaβy pawang mga kabataang tumugon lamang sa tawag ng panahon upang makisalamuha, matuto, at maglingkod kung saan tayo higit na kinakailangan.
Dalawang buwan na ang lumipas, ngunit hindi kailanman mananahimik ang mga Konsensya ng Bayan sa pagsingil ng hustisya. Walang ibang pumipihit sa landas ng kabataan kundi ang layuning pagsilbihan ang sambayanan. Hindi instrumento ng panlilinlang ang pakikipamuhay sa masa, bagkus ay edukasyon itong nakaugat sa kongkretong kalagayan ng lipunan.
Walang bilang ng mapanlinlang na propaganda mula sa NYC, NTF-ELCAC, PNP, o AFP ang makapipigil sa masa na singilin ang mga inutang na dugo ng rehimeng Marcos Jr. at ng mga amo niyang korporasyon at dayuhan. Sa harap ng tumitinding panunupil at patuloy na paggamit ng estado ng kanilang kapangyarihan upang yurakan ang mga demokratikong karapatan at baluktutin ang alaala ng Toboso 19, hindi aatras ang mga kabataan upang igiit ang katarungan, tumungo sa kanayunan, at manindigan kasama ang malawak na hanay ng masang Pilipino.
HUSTISYA PARA SA TOBOSO 19!
HUSTISYA PARA KAY ALYSSA ALANO!
HUSTISYA PARA KAY MAUREEN SANTUYO!
DEFEND NEGROS!
MILITAR SA KANAYUNAN, PALAYASIN!