21/09/2026
Bayang Namulat, Ngayon ay Babalikwas!
Limang dekada at apat na taon—ganito na katagal mula nang yinurakan ang demokrasya ng ating bansa.
Sa ilalim ng Batas Militar, libo-libong Pilipino ang dinakip, pinahirapan, at pinaslang. Pinatahimik ang mga mamamahayag. Inusig ang mga aktibista. Pinagkaitan ng hustisya ang mga pamilyang hanggang ngayon ay naghahanap ng pananagutan. Tinanggalan ng karapatang magsalita, tumutol, at mamuhay nang malaya ang mga ordinaryong mamamayan. Hindi lamang mga buhay ang winasak ng diktadurya. Nag-iwan ito ng malalim na sugat sa bayan, kung saan dumanak ang dugo at kasakiman.
Nagdaan man ang mahigit kalahating siglo, naghilom man ang sugat dahil sa pakikibaka at pag-aaalsa ng mga nauna sa atin, nag-iwan pa rin ito ng markang nagbabanta ng pagbabalik. Dahil walang sugat ang tunay na maghihilom kung sa parehong patalim pa rin nakaangkla ang kasalukuyang estado.
Naniningil ang kasaysayan.
Sa kasalukuyan, mismong anak ng diktador na nagdala sa bansa sa ilalim ng Batas Militar ang namumuno. Isang administrasyong patuloy tayong inaalipusta. Mula sa mga palpak na flood control projects, pagprotekta sa mga wanted na opisyal katulad ni Senator Bato dela Rosa, at pagbibigay ng espesyal na trato sa mga kriminal na politikong katulad ni Martin Romualdez na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukulong. Talamak din ang malawakang sabwatan sa korapsiyon, mula sa confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte na patuloy na kinikilatis ng senado ngayon patungkol sa kaniyang impeachment hanggang sa ghost projects ng DPWH. Kung hindi pa ito sapat upang maunawaang hindi pa naghihilom ang sugat ng nakaraan, maniningil ang kasaysayan. Sapagkat sa pagkabigong makita ang mali, nananatili ang parehong kalakaran at patuloy na binubuksan ang lumang sugat ng bayan. At hangga’t walang nagbabago sa sistema, lalong bumabaon ang talim ng nakaraan.
Bilang pagtugon sa ika-54 na taon ng Batas Militar, kaisa ang University of the Philippines Association of Civil Engineering Students sa paninindigan laban sa pang-aabuso sa kapangyarihan, katiwalian, panunupil, at paglabag sa karapatan ng mamamayan. Mariin naming kinokondena ang mga makapangyarihang nanggigipit at nang-aalipusta sa sambayanang Pilipino. Hindi kami mananahimik sa harap ng mga katiwaliang patuloy na nagpapahirap sa atin. Katumbas nito, naninindigan kami bilang mga inhinyero ng bayan na gamitin ang aming kaalaman, boses, at pagkilos upang makialam sa mga usaping panlipunan, lalo na ngayong ang sektor na amin kinabibilangan ay pinamumugaran ng mga suwapang at buwayang lingkod-bayan. Patuloy kaming magmamatyag, mag-iingay, at makikilahok sa mga panawagang nagtataguyod ng pananagutan at hustisya.
Nananawagan ang UP ACES sa aming kapwa Iskolar-Inhinyero ng Bayan na gamitin ang ating kaalaman upang hamunin ang mga proyektong inuuna ang kita kaysa kaligtasan, siyasatin ang mga kahina-hinalang plano at pondo, ilantad ang katiwaliang sumisira sa serbisyo publiko, at makibahagi sa pagbuo ng mga solusyong tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan. Ang ating talino at kasanayan ay hindi dapat magsilbi sa pansariling interes ng iilan, kundi sa kapakanan ng nakararami. Nananawagan din kami sa mga pamantasan at institusyon na panatilihing buhay ang kasaysayan, palawakin ang mga espasyo para sa malayang talakayan, at protektahan ang karapatang magtanong, tumuligsa, at makilahok.
Sa bawat Pilipino, huwag natin hayaang manatili sa salita ang ating galit. Ipinakita ng People Power Revolution na hindi natatapos ang diktadurya sa paglipas lamang ng panahon; natatapos ito kapag kumikilos ang mamamayan at inaangkin ang kapangyarihang na sa kanila. Isang bagay na kayang-kayang ulitin ng Pilipinong makabayan. Kaya patuloy nating ipaglaban ang Pilipinas. Gamitin ang kapangyarihan. Makilahok sa mga talakayan at pag-aalsa, manindigan laban sa katiwalian, at bumoto nang matalino upang hamunin ang mga naghahari-harian. Taon-taon tayong pinaaalalahanang mamulat, ngunit hindi sapat ang pagdilat sa lipunang yumayabong sa pananahimik. Hindi maghihilom ang sugat nang hindi ginagamot, kaya panahon na upang umusad mula sa paniningil. KUMILOS. TUMUTOL. BUMALIKWAS.