25/02/2026
STATEMENT ON 40th ANNIVERSARY OF EDSA 1: 1986 PEOPLE POWER REVOLUTION]
Ipaglaban ang Dangal ng EDSA 1 People Power Revolution
Apatnapung taon na ang nakaraan, milyun-milyong Pilipino ang nagtipon sa EDSA at napatunayan na ang diwa ng tao, armado lamang ng rosaryo at determinasyon, ay kayang pabagsakin ang mga tangke at ang paniniil. Ngayon, habang ginugunita natin ang makasaysayang anibersaryong ito, humaharap tayo sa isang bago at mas mapanlinlang na kaaway, hindi diktadurya, kundi ang moral fatigue. Ika nga ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera, βThe greatest danger today is not only historical distortion, but moral fatigue. When freedom is treated merely as a memory and not a duty, the spirit of EDSA slowly dies.β Ito ang kalagayan na kapag ang kalayaan ay itinuturing na lamang na alaala at hindi tungkulin, kapag ang pananampalataya ay naging debosyon na walang tapang at ang kapayapaan ay hinahangad na walang katarungan. Kaya ngayon, tanda mo pa ba ang Pebrero 25?
Hindi maikakaila sa ating kasalukuyang lipunan, ilan sa mga nagiging palatandaan ng pagkapagod moral na ito ay ang pagdeklara sa araw ng EDSA People Power Revolution bilang βspecial working dayβ [1]. Ika-25 ng Pebrero, 1986 ang mismong petsa ng EDSA 1 at ginugunita natin ito taun-taon bilang isang mapayapang rebolusyong nagbalik ng ating demokrasya at isa sa mga hinangaan ng buong mundo. Subalit, kinikilala na lamang ito bilang isang ordinaryong araw o βdi kayaβy binabawasan ang sagradong papel nito sa lipunan, gaya ng pagdeklara sa EDSA Shrine bilang βno rally zoneβ ng Manila Metropolitan Development Authority (MMDA) [2].
Kung susuriin ang kasalukuyang kalagayan ng bansa, nagpapakita ng malalim na krisis moral at pampulitika, na siyang konteksto ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Una, laganap ang korapsyon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. Natuklasan ang iskandalo sa mga proyektong flood control kung saan ang opisyal na ulat ay nagsasabing β100% taposβ na ang mga ito, ngunit sa aktuwal na mga imbestigasyon sa mga lugar, walang nakitang kahit isang tisa o bakas ng konstruksyon [3]. Ito ay βmultong proyektoβ, nawawala at nasasayang ang bilyong piso ng taumbayan nang walang kapalit. Pangalawa, walang pananagutan ang mga nasa kapangyarihan. Ang Independent Commission for Infrastructure ay nagwakas ng kanilang imbestigasyon nang hindi pinakikinggan ang mga paratang na ang mga kickback mula sa mga proyektong ito ay umabot mismo sa MalacaΓ±ang [4]. Walang mataas na opisyal na napapanagot sa kabila ng ebidensya ng katiwalian. Pangatlo, bumabagsak ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno. Kung tatandaan mula noong 2025, bumaba na sa 33% lamang ang suporta sa kasalukuyang administrasyon [5]. Dito natin makikita na ang estadistika ay hindi nagsisinungaling o naglalaro ukol sa totoong opinyon at pagtingin ng mamayan sa ating gobyerno.
Pang-apat, nananatili ang sistemang nagpapayaman sa iilan. Ang 2025 national budget ay patuloy na pinatatakbo sa ilalim ng tinatawag ng mga aktibista na βsistema ng pork barrelβ, kung saan ang pondo ng bayan ay ginagawang personal na pondo ng mga pulitiko imbes na gamitin para sa tunay na serbisyo publiko. Panghuli, nanawagan ang simbahan laban sa dinastiya. Ang Catholic Bishopβ Conference of the Philippines (CBCP) ay naglabas ng apurahang panawagan para sa pagpasa ng tunay na Anti-Dynasty Bill [6]. Ayon sa kanila, βang kapangyarihan ay dapat manatili sa taumbayan, hindi sa iilan.β Ito ay paalala na apat na dekada matapos ang EDSA, ang mga political dynasty, tulad ng mismong pamilyang pinatalsik ng People Power ay patuloy pa ring naghahari sa ating pulitika.
Sa madaling salita, ang bansa ay nasa kritikal na punto kung saan laganap ang korapsyon, walang pananagutan ang makakapangyarihan, bumabagsak ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno, nananatili ang sistemang pabor sa iilan, at ang mga dinastiya ay patuloy na kumokontrol. Ito ang realidad na kinakaharap natin habang ginugunita ang EDSA 1, ipinapakita nito ang laban para sa tunay na demokrasya at katarungan ay hindi pa tapos.
Kaya naman sa oras na ito, pinagtitibay ng University of the Philippines Mathematics Majorsβ Circle ang pakikiisa sa paggunita ng ika-40 na anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Kapit bisig na tinatanggihan ng organisasyon ang salaysay na ang EDSA ay aksidente lamang sa kasaysayan o, mas masahol, dayuhang interbensyon. Ang pag-alipusta sa dangal ng EDSA sa kasalukuyang administrasyon ay hindi lamang pagbaluktot ng kasaysayan, kundi ito ay paglapastangan sa sakripisyo ng milyun-milyong Pilipino. Hindi perpekto ang EDSA, gaya ng pag-amin ni Archbishop Garcera, ngunit ito ay totoo. Likas sa puso ng mga Pilipino noon ang magsama-sama sa desisyong piliin ang buhay kaysa kamatayan, kalayaan kaysa takot, at kapayapaan kaysa karahasan. Kaya naman, laking pribilehiyo ang namana nating karapatan bilang mga malayang bagong henerasyon ng ating bayan. Samakatuwid, ituloy ang apoy, tandaan ang Pebrero 25, alalahanin ang EDSA 1!
EDSA 1: Hindi lang alaala, kundi tungkulin!
Ituloy ang apoy!
Wakasan ang korapsyon, hindi ang dangal ng EDSA 1!
Mulat, Magkaisa, Kumilos!
π: Koshin Cy Ubaldo
Mga Sanggunian:
[1] Limatog, A. (2026, February 23). DOLE sets pay rules for Feb. 25 special working day. Cebu Daily News Inquirer. https://cebudailynews.inquirer.net/699708/dole-sets-pay-rules-for-feb-25-special-working-day
[2] Tupas, E. (2026, February 21). Bayan to defy EDSA βno rallyβ zones. Philstar.com. https://www.philstar.com/nation/2026/02/22/2509618/bayan-defy-edsa-no-rally-zones
[3] Baclig, C. E. (2025, November 28). COA flags P297M Bulacan flood works as βghostβ, relocated projects. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/2148019/coa-flags-p297m-bulacan-flood-works-as-ghost-relocated-projects
[4] De Villa, K. (2026, February 6). With its existence in limbo, ICI submits 125-day accomplishment report. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/2178827/with-its-existence-in-limbo-ici-comes-up-with-125-day-accomplishment-report
[5] Buan, L. (2025, December 30). At yearend 2025, more Filipinos trust Sara than Marcos. RAPPLER. https://www.rappler.com/philippines/filipinos-trust-sara-duterte-than-marcos-jr-sws-survey-december-2025/
[6] Pechay, I. (2026, February 17). Edsa is an βawakeningβ that calls on Filipinos to act with courage β CBCP. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/2183271/edsa-is-an-awakening-that-calls-on-filipinos-to-act-with-courage-cbcp