12/07/2020
Congratulations to our PEER Auditor, Renzley Tubal
for being one of the Top 20 finalists in 8letters' Poetry Category with his piece entitled, "SINAGTALA NI ESTRELYA; SAKBIBI ANG TANGLAW NG KALINAW" 💫
Please continue on showing some support by leaving a like/heart reaction and a comment on the actual post. Thank you mga kaPEER!🎉 ❤️
SINAGTALA NI ESTRELYA; SAKBIBI ANG TANGLAW NG KALINAW
Ni Renzley M. Tubal
Yaong sa pagkubli ni haring SOL at siyang pagliwayway ni pebong LUNA,
Lumitaw si ESTRELYA tangan-tangan ang Gasera ng Hiraya—daluyong ng PAG-ASA!
LUNA; RIMARIM NG DAPIT-HAPON
Sa pagpihit ng takip-silim tila mababanaag ang kontrabida— ang bakunawang nakakubli sa limlim,
Antagonistang wawalat sa hiyas maging sa perlas at tahasang hahalayin ang gabing nahihimbing.
Nabanaag ang karima-rimarim na senaryo nang patuwadin, kamkamin at lamunin ang hiyas ni LUNA.
Alinsabay sa langitngit ng mga kamaksi, ang pagtagaktak ng puting likido’t pag-ingos ng mga panaghoy.
YUNGIB NG ALIMUSOM NA KARIMLAN
Nang lumamlam ang gabing binalot ng dagtum na kaanyuan bunsod ng paglamukos sa alindog ni LUNA,
Lumawig ang mapaniil at kapanglawan sa sansinukob, at siya ring paglaganap ni bulag at bingi dulot ng kuhilang bakunawa.
Kung kaya’t marami ang bingi at hindi maulinigan ang lagunlong ng mga kamaksi sa gabing nahihikbi,
Marami ang naging bulag sa liwanag ni Estrelya— sa Hubad na Katotohanan dahil sa tanikalang ipiniit
ESTRELYA; LIWANAG SA DILIM
Sumasalamin si LUNA sa hiyas na kumupas ni Inang Bayan— ng Perlas ng Silanganang nilagom ng pusikit na tampalasan.
Datapwat, di nagpasupil si ESTRELYA— ang bituing saksi sa lahat ng pagdarahop at mapaniil na karanasan.
Magpapatuloy sa pagningning si Estrelya— ang mga kritikong mamamayang nagsisilbing tanglaw na pumagukpok na tila isang mambabalot dumadagundong,
Subalit imbes na “BALUT, PENOY” ang ikugkog, “GISING, MGA PINOY!” ang Haguthot upang mapasapalad ang Kalinaw na Ninakaw.
“Sa manlulupig,
di ka pasisiil....”
Kasabay ng paroo’t-paritong hampas ng mga alon, ay siyang pagkumpas ng nagniningas na sidhi sa saliw ng ritmo ng Pag-Asa
Na ang tanging hiling kay STARLA, HUSTISYA PARA KAY LUNA — Kay Inang Bayan!
Nang hindi tuluyang umalpas ang ningning ng SINAGTALA NI ESTRELYA na patuloy sa pagkinang upang mamulat ang mga bulag na mamamayan
At nang masilayan ang hubad na katotohanang pikit-matang itinatago, nang maulinigan ang boses ng mga kritikong mamamayan.